Sirene II

446K 11.1K 14.6K
                                    

[Kabanata 2]

"Kayo talagang dalawa palagi niyong pinapasakit ang ulo ko" buwelta ni inang Diday habang hinahampas ng tingting si Batchoy na pilit umiilig pero tinatamaan pa rin siya.

Naalimpungatan si Nikolas dahil sa pagbubunganga ni inang Diday sa labas. Kanina niya pa pinuputakan si Batchoy na panay din naman ang pangangatwiran. "Inang! Nagkatuwaan lang po kami ni Kolas kagabi kung kaya't bumili ako ng lambanog" saad ni Batchoy pero isang hampas ng tingting sa kaniyang bibig ang inabot niya sa lola nilang palaban.

"Anong bumili? Saan ka naman kukuha ng pambili aber? Nawawala ang lambanog ni Mang Berting na nakapatong lang daw sa bintana ng bahay nila" buwelta pa ni inang Diday habang nakapamewang pa ito.

"Si Kolas po ang bumili inang ginamit niya ang natitirang salapi niya galing sa Norte" palusot pa ni Batchoy, akmang hahampasin siya ni inang Diday sa tiyan ngunit agad siyang nakailag at tumakbo papasok sa loob ng bahay at sinaraduhan ang matanda.

"Hoy! Batchoy buksan mo ito!" sigaw pa ni inang Diday, pinagpapawisan naman sa kaba si Batchoy at halos mamumula-mula na rin ang kaniyang buong katawan dahil sa hampas ng tingting na natamo niya.

"Inang, diyan lang kayo uutot ako, dito na lang sa loob ko papakawalan ito" sagot ni Batchoy sabay kandado sa loob ng bahay upang hindi makapasok ang lola nila na mukhang babalatan sila ng buhay.

Nagulat si Batchoy nang makita na dahan-dahan nang bumabangon sa papag si Nikolas habang hawak-hawak nito ang kaniyang ulo na pumipintig sa sakit. "Kolas! Kolas! Bumangon ka na riyan kaninang umaga may naghahanap sa iyo na grupo ng mga sundalong Amerikano!" tugon ni Batchoy habang inaalog-alog ang katawan ni Nikolas.

Agad naman siyang tinulak ni Nikolas papalayo. "Ano bang nangyari? Bakit ang sakit ng ulo ko?" reklamo ni Nikolas sabay higa ulit sa papag pero hindi siya tinantanan ni Batchoy.

"Bumangon ka na riyan! Ano bang pinagsasabi mo? hindi mo na ba maalala ang lahat ng nangyari kagabi?" gulat na tanong ni Batchoy, bigla namang napamulat ng mata si Nikolas sabay lingon sa pinsan.

"May nangyari sa atin kagabi?!" gulat na sigaw ni Nikolas at akmang hahampasin sa mukha ang pinsan pero nakailag ito.

"P*nyeta! Umayos ka nga Kolas!" buwelta ni Batchoy sabay hampas ng unan sa mukha ng pinsan dahilan upang mapabagsak muli ito sa papag.

"Hoy! Bakit mo ako minumura?!" reklamo ni Nikolas sabay ganti ng hampas sa pinsan. Napakamot na lang sa ulo si Batchoy dahil napaka-walang kwenta talaga kausap ng kaniyang pinsan kahit kailan.

"Nasa peligro ang buhay mo gunggong ka! hinahanap ka ng pinuno ng mga sundalong Amerikano kaninang umaga, mabuti na lamang dahil napalayas sila ni inang kanina, nawindang ang mga Kano sa tapang ng inang natin" kwento pa ni Batchoy, natatawa pa ito habang inaalala kung paano putakan ni inang Diday ang mga sundalo kanina habang hawak-hawak nito ang kaniyang mahiwagang tingting.

Nanlaki naman ang mga mata ni Nikolas at napanganga dahil sa gulat "Ano bang ginawa mo kagabi? Anong ginagawa mo sa dalampasigan?" tanong pa ni Batchoy, napahawak naman si Nikolas sa kaniyang ulo at inalog-alog niya pa ito ngunit wala siyang maramdaman dahil puro hangin lang ang laman ng kaniyang utak.

"Aaaahh! Hindi ko talaga maalala!" sigaw ni Nikolas, tinulungan pa siya ni Batchoy at binatukan siya ng tatlong ulit ngunit hindi niya pa rin maalala.

"Ito kaya subukan natin" saad pa ni Batchoy sabay kuha ng bangkito na gawa sa kahoy at akmang ihahambalos sa ulo ni Nikolas. "Teka nga! kanina ka pa ah!" reklamo ni Nikolas sabay tusok sa tiyan ng pinsan. Kahinaan talaga ni Batchoy ang tusukin ang kaniyang tiyan at sa tuwing nangyayari iyon parang sumasabog ang laman ng tiyan niya kung saan gusto na niyang masuka.

Sirene (Published by ABS-CBN Books)Tahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon