Chapter 7

7.1K 199 4
                                    



Dalawang kamay ang nakasapo sa mukha ni Mildred habang nakadapa sa kama. Inip na inip na siya sa bahay. Wala siyang ideya kung anong oras makakauwi si Julian. Hindi talaga niya maunawaan ang binata. Bakit ba ayaw pa siya nitong pauwiin? Hindi naman siya magra-rally at marami siyang dapat gawin.

Aalamin niya kung bakit nagkaganoon ang water supply sa Pakyit-pakyitan at mga katabing bayan. Kakausapin din niya ang DENR para masuri ang tubig sa karagatan. Kailangang malaman nila kung bakit dumudumi ang tubig at nang makasuhan ang dapat managot.

Pero nasa bahay pa rin siya ni Julian at wala yata itong balak na paalisin siya. Wala siguro itong tiwala sa kanya o baka ginagantihan siya sa lahat ng nagawa niya. Pero napaka-unfair naman niyon.

Tinawagan na ni Mildred ang mga kaibigan at ibinalita ang magandang balita na magbibigay uli ng tulong si Congressman Mark Gutierrez. Natuwa naman ang mga ito at kinumusta ang lagay niya. Hindi alam ng mga kaibigan ang totoo, hindi niya sinabi. Sigurado kasing hindi makakatiis si Chinggay na hindi iyon sabihin kay Pacita. At si Pacita naman, siguradong gagawa ng paraan para maisalba siya sa kalagayan niya.

Nang makitang halos madaling-araw na ay nagpasya siyang mahiga na. Laman ng isip niya si Julian. Naitanong niya sa isip kung ano kaya ang ginagawa nito ngayon. Kasama siguro nito si Lois Encarnacion. Baka nasa hotel ang dalawa, habang nandoon siya at nagngingitngit sa kawalan. Nakaramdam siya ng kung anong lungkot.

Napapapikit na si Mildred nang makarinig ng katok sa pinto.

"H-hello," bati ni Julian. Marami itong dalang paper bags.

"'Wag mong sabihing may ipapagawa ka sa 'kin, dis-oras na ng gabi?"

"'Di ba, mag-uusap tayo?" Mukhang pagod na ang binata.

"Kahit naman ano'ng sabihin ko sa 'yo, hindi pa rin tayo magkakaintindihan. Kumain ka na ba?" ayaw man ay tanong pa rin niya.

"Oo. Ikaw?" Tumango siya. "Para sa 'yo nga pala ang mga 'to. Napadaan ako sa mall kanina, baka kailangan mo."

Tumaas ang isang kilay ni Mildred at binutingting ang laman ng paper bags. Mga damit iyon. Para bang alam na alam ni Julian kung ano ang kakasya sa kanya. Masyadong magagara ang mga damit, panay mga dress pa. Sa tingin niya ay hindi niya magagamit ang mga iyon.

"Bakit mo ako binibigyan nito?"

"Masama ba? May sapatos diyan, tingnan mo kung kasya."

Tiningnan nga niya. Dalawa ang pares ng sapatos, parehong matataas ang takong. Gusto na niyang matawa. Hindi niya alam kung seryoso si Julian o nang-iinis. Saan naman niya gagamitin ang mga iyon? Alangan namang mag-rally siya sa Mendiola o makipaghabulan sa mga mambabatas at opisyal ng gobyerno na ang mga iyon ang suot sa paa? Minsan lang siya nakapag-high heels: noong nag-practicum siya sa opisina. At hindi rin ganoon kataas ang takong ng sapatos na isinuot niya.

"May kapatid ka bang babae?" tanong ni Mildred.

"Wala, bakit?"

"Kaibigan?"

"Marami."

"Sa kanila mo na lang ibigay ang mga ito. Hindi ko magagamit, sayang lang. Kung rubber shoes 'yan, T-shirt, at maong, baka sakali pa. Bibili ka na rin lang, 'yon pang hindi ko magagamit. Para saan ba talaga 'to?"

Nalukot ang mukha nito. "Ikaw na nga ang binilhan, ikaw pa ang galit!"

"Kung magagalit ka rin lang, eh, bakit mo pa ako binilhan? Sige, isusuot ko itong... itong..." Itinaktak ni Mildred ang kahon at isinuot ang sapatos na eksakto sa paa niya. "Sapatos na ito. Bagay ba? Bagay ba, ha?" Umakto siyang nagwawalis ng paligid, pagkatapos ay patingkayad na umupo at kunwari ay naglaba. "Bagay ba, ha?"

Territorio de los Hombres 3: Julian InocentesTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon