CHAPTER TWENTY-THREE

9.4K 420 37
                                    

Tingin ko sisitahin sana ako ni Tatang, pero nang makita na hinimatay ako tinawag nito bigla si Nanang. Hindi lang ang inang ko ang napasugod sa sala namin. Naunahan pa siya ng tsismosa naming kapitbahay na si Aling Delia. Bago maka-react ang inang nagsisisigaw na si Aling Delia na tila may sunog. Mas nauna pa itong mag-panic kaysa sa mga magulang ko.

"Tawagin n'yo si Aling Merta, ang magtatawas! Aba'y baka naengkanto itong si Pipay n'yo! Hindi na siguro sanay sa mukha niya ang mga maligno rito sa atin!"

Habang nagpipikit-pikitan, napansin kong hindi agad tuminag sa kinatatayuan niya si Inang at ang nakababata kong kapatid na si Sylvia. Tingin ko pinagmasdan nila akong mabuti. Tapos, lumapit si Inang at sinalat ang noo ko. Dahil hindi naman talaga pikit-sarado ang mga mata ko, nakita ko ang pagkunot ng kanyang noo.

"Hay, ano ba naman kayo! Wala bang tatawag kay Aling Merta?" Si Aling Delia uli. Nang walang sumagot sa pamilya ko, tumakbo ito palabas ng bahay. Nagsisisigaw ito ng Aling Merta. Kinabahan naman ako. Pinagdasal ko na lang na wala sana ang magtatawas sa bahay nila.

"What are you doing?" narinig kong tanong ni Kaito sa akin sa mahinang tinig. Hindi ito kumbinsido na hinimatay nga ako.

Bago pa ako makasagot dumating na si Aling Delia at mukhang kasama na niya si Aling Merta. Napaungol ako kunwari. Kinusut-kusot ko ang mga mata. Tila inaantok na tiningnan ko si Inang at sa namamaos na boses ay nagtanong pa ng, "Ano po'ng nangyari?" Nang napasulyap ako kay Tatang matalim na titig ang sumalubong sa akin. Napalunok ako nang sunud-sunod.

Lumapit sa akin si Aling Merta at sinalat din ang noo ko't leeg.

"Okay na po ako, Aling Merta," sabi ko sabay upo nang maayos.

"Aba'y hindi ka mukhang okey, ineng. Palagay ko ay mayroon ka ngang iniinda." Naglabas na ito ng mga gamit niya at sinimulan na niya akong bendisyunan gamit ang kanyang tawas. Kumalabog ang dibdib ko. Hindi ko alam kung sakop ng powers niya ang totoo kong karamdaman pero kinakabahan ako.

Mayamaya pa'y, nilalagay na niya sa nagbabagang uling ang tawas. Nang mabitak, nilipat niya ito sa isang palangganang may tubig. Makaraan ang ilang segundo napasigaw ito nang may kagalakan. Napatingin tuloy ang lahat, maging si Kaito, sa tawas na nakalutang sa tubig.

"Ito ba ang mapapangasawa mo, ineng?" nakangising anas sa akin ni Aling Merta at inginuso pa si Kaito. Nakagat ko ang labi ko sabay sabi ng "shit!" sa mahinang tinig. Bistado na!

"A-ano'ng nangyayari sa anak ko?" tila nininerbyos na tanong ni Inang kay Aling Merta.

"'Alang sakit ang anak n'yo, Divina. At hindi rin siya nakulam o naengkanto."

Hinuhuli ko sana ang mga titig ni Aling Merta para balaan ito pero nakapokus ang tingin niya kay Inang. Siniko ko pa sana nang bahagya pero hindi ako pinansin. Kasabay nang masaya nitong pagbalita sa mga magulang ko na magkakaapo na sila'y nagdilim ang paningin ko. At totoo nang hinimatay ako.

**********

The weird, old lady was looking at me in a strange way. Hindi ko alam kung ano na ang nangyayari kay Filipa dahil bigla na naman itong hinimatay. This time it seemed real. Pero ang pinagtataka ko imbes na mag-worry ang mga magulang niya tila nagalit pa ang mga ito. Kanina pa sila nag-aanasan ng matandang weirdo at walang nagpapaliwanag sa akin kung ano na ang nangyayari kung kaya nabigla na lang ako nang binalingan ako ng tatay ni Filipa at sa nagngangalit na tinig ay pagbantaan nito ang buhay ko.

"Filemon! Ano ka ba!" saway ng nanay ni Filipa. Kinwelyuhan kasi ako ng lalaki. Dahil di hamak na mas matangkad ako sa kanya, tila mayroon lang binatilyong humahatak ng kuwelyo ko. Nang humingi ako ng paliwanag, nagtaas ng kamay niya ang nanay ni Filipa habang pinipigilan ang asawa. Ibig sabihin huwag na raw akong magsalita. Hinatak nito ang lalaki papunta sa kusina nila. I thought that was the end of the scene. Nakahinga ako nang maluwag. Pero makaraan lamang ang ilang segundo, bumalik ang lalaki sa sala at may dala-dala na itong mahaba at malapad na kutsilyo. Sumisigaw pa ito na tila susugod sa giyera. Hindi na siya ang softspoken guy na kumausap sa akin kanina. Dahil mukhang hahantingin na ako nito ng bitbit na patalim, tumulong na ang matandang weirdo sa pag-awat sa kanya. Habang pinapayapa nila ang nagngangalit nitong damdamin, panay naman lingon sa akin ng matandang siyang may kagagawan ng lahat. Ano kaya kanina ang pinagbubulong niya sa mag-asawa? Ba't ganoon na lang ang galit sa akin ng tatay ni Filipa?

SUKIYAKI (COMPLETED)Tahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon