KABANATA 1

15.1K 689 194
                                    

Senda's P.O.V.

"Ama namin sumasalangit Ka--"

May biglang sumitsit. Napamulat ako nang hindi oras. Nasa kalagitnaan ako ng pagro-rosaryo; nakaluhod paharap sa krus na nakasabit sa ulunan ng papag na tinutulugan ko. Nakaugalian ko na ito bago matulog.

"S-sambahin ang ngalan Mo--" pagpapatuloy ko.

May sumitsit na namang muli. Unti-unti nang bumilis ang pagtibok ng puso ko. Napatingin ako sa bubungan ng kubong aking tinitirahan. Tila doon kasi nagmumula ang sitsit.

"M-mapasaamin ang kahari--"

Muli na namang may sumitsit. Lalo akong kinabahan.

"--k-aharian M-mo, sundin ang kalooban Mo, d-dito sa lupa pati na--"

Muli na namang may sumitsit. Ngunit sa pagkakataong ito'y nangilabot ako sa magkasabay na pag-alulong ng asong ulol, ang pagaspas ng tila malalaking mga pakpak at ng mga kaluskos na tila may mga naglalakad at gumagapang sa palibot ng aking dingding at bubungang yari lang sa sawali't dahon ng niyog.

"--p-pati na rin sa l-langit." Nakikiramdam ako at patuloy kong iniikot ang tingin sa bandang itaas. "Bigyan m-mo kami ngayon ng--"

May biglang lumagabog sa bubungan. Sinundan ito ng napakihinang bulungan ng tila mga kalalakihang nag-uusap na nagmumula rin sa itaas. Natatakot man, pilit ko itong pinakinggan habang kunwari'y patuloy akong nagdarasal.

"Ba't ba ang gulo n'yo? Anong ginagawa n'yo rito. Umalis nga kayo rito, alis!"

"Panginoon. Nais lang naman namin masigurong ligtas kayo sa babaeng sinisilip mo."

"Ano? Eh ano naman sa palagay n'yo ang maaaring gawin sa 'kin ng babaeng 'to?"

"May nakapagsabi po sa amin na mula po 'yan sa lahi ng mga lambana."

"Alam ko. O, eh ano ngayon?"

"Nag-aalala lang po kami baka magahasa kayo. Balita ko po, babae raw po ang mahilig manggahasa sa lahing 'yun!"

Napakunot-noo ako sa mga naririnig ko. Kinakabahan man ako dahil mas nakasisiguro na ako ngayon na may mga tao nga sa aking bubungan, naiinis naman ako sa mga narinig ko. Saan naman kaya napulot ng nagsalitang 'yun na nanggagahasa ang mga babaeng lambana?

"Tanga! Pangit ka na nga tanga ka pa!" Biglang bulyaw ng isa sa mga nasa itaas. Bagama't halata rito na pinipilit pa rin nitong pahinain ang boses nito. "Maghasa hindi manggahasa! Magaling maghasa ng kanilang kakayanan ang mga babaeng lambana! Panginoon!" Tila bumaling ito sa ibang kausap, "Ayoko naman talagang sundan ka, mapilit lang talaga ang usiserong Aswang na 'yan kaya sinundan ko rito bago pa makaisip ng kung ano-anong kabobohan!"

"Kung pangit ako mas pangit ka! Mukha kang kabayo!"

"Tamo 'tong Aswang na 'to. Napakatanga talaga! Natural, mukha akong kabayo, Tikbalang ako eh!"

"Ang sabihin mo, sinundan mo ako rito, dahil gusto mo ring magmiron!"

"Aba't--"

"Tumigil na nga kayo! Tatagpasin ko na ang mga ulo n'yo eh!" Pagsuway ng isa sa mga ito, "Tingnan n'yo! Nabubulabog n'yo na si Senda. Nakatingin na rito sa banda natin! Umalis na nga kayo!"

Napayuko ako, sa pangambang ikapahamak ko pa kapag nalaman nilang naririnig ko sila.

"Pero panginoo--"

My Guardian DevilTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon