Chapter 19

164K 7.9K 4.1K
                                    

INSANUS Exclusive at National Book Stores and Powerbooks nationwide.

Chapter 19

Ibinuka ng matandang lalaki ang kanyang bunganga para lumitaw ang nangingitim niyang mga ngipin. Sa itsura niya, hindi lang siya mukhang baliw, mukha na rin siyang demonyo!

Umagos ang kanyang laway mula sa kanyang naglalangib na gilagid. Mabilis niyang sinakmal ang aking balikat kaya napunit ang aking laman at sumargo ang aking dugo.

At dahil hawak niya ang aking leeg, wala akong nagawa kundi indahin ang sakit at umiyak. Napahiyaw ako nang maramdaman kong bumaon ang kanyang mga ngipin hanggang sa aking buto.

Para siyang isang mabangis na hayop. Sa kanyang pag-ungol, tila ba gutum na gutom siya at balak niya talagang kainin ako.

Tao ba talaga siya? Ano bang klaseng nilalang siya?!

Bumitaw lang sa balikat ko ang mariin niyang panga matapos niyang tumumba. Kasabay nito ang isang malakas na putok ng baril na halos ikabingi ko. Pagbagsak ko sa sahig, nilingap ko si Klay sa aking likuran. Hawak niya ang isang baril na kakaputok lang.

Saan niya ang nakuha ang baril? Ito siguro yung kanina niya pa hinahanap.

Nang bumangon ako, nakahandusay sa sahig ang matandang lalaki. Mukhang wala na itong buhay. Hindi na humihinga.

Patakbong lumapit si Klay sa akin at sinilip ang sugat ko sa balikat. Umikot siya at naghalungkat sa kanyang cabinet. Lahat ng makita niyang damit doon ay kinuha niya. Pinunasan niya ang dugo sa aking balikat at ipinantakip ang mga tela sa aking sugat. Tinalian niya ito para hindi magtuluy-tuloy ang pagdurugo.

"Ouch..." Napapikit ako nang higpitan niya ang tali sa sugat ko.

Kinabig niya ako papunta sa kanyang matigas na dibdib at niyakap. Nanginginig siya habang hinahagkan niya ako sa noo.

Wala sa sariling naglandas na naman ang mga luha ko. Pakiramdam ko ay nasa isang malaking bangungot ako nang mga sandaling ito. Gusto ko ng magising at makatakas sa masamang panaginip na ito.

Inakay na ako ni Klay patayo. Nilaktawan namin ang matandang lalaki na ngayon ay tila wala ng buhay. Nabaril pala siya ni Klay sa dibdib. Posible na tinamaan ang puso niya kaya hindi na siya humihinga. Sana nga!

Iika-ika kaming naglakad sa corridor. Nang malapit na kami sa hagdan, nakarinig kami ng mga yabag ng paa na nananakbo.

Papalapit sa amin.

Napakabilis nito!

Huli na ang lahat nang humarap kami. Dahil pagkaharap namin – buhay pa pala ang matandang lalaki!

Mabilis na nananakbo ang matandang lalaki papalapit sa amin. Lumundag siya pasalpok sa amin ni Klay. Namalayan ko na lang na tinulak ako ni Klay palayo.

Kaya ang nahablot ng matandang lalaki ay si Klay. Gumulong sila pababa ng hagdan. Sa sobrang bilis ng pangyayari, wala akong nagawa kundi ang mapatigagal.

"Klay!" Sigaw ko nang ako'y mahimasmasan.

Gumulong silang dalawa pababa ng hagdan.
Tumayo ako at akmang susunod sa kanila nang makita ko sa aking peripheral vision ang isang matandang babae sa aking kanan. Nang lingunin ko ito – si Lola Soler.

No!

Siya ang matandang babae na nagpanggap na Lola Soler!

May hawak siyang kutsilyo! Nanakbo siya palapit sa akin.

Casa Inferno (The heart's home)Tahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon