Sirene XV

159K 7.1K 10.2K
                                    

[Kabanata 15]

Ingay mula sa mga kubyertos at pinggan ang tanging maririnig sa buong kusina habang tahimik na nag-aalmusal sina Nikolas, Batchoy at Sirene. Nakaupo lang ng diretso si Sirene sa tapat nila dahil hindi naman niya kailangang kumain. Makailang beses niyang tiningnan si Nikolas ngunit nanatili lang itong nakayuko na halos ikabali na ng batok nito.

"Ano pala ang nangyari kagabi? Paano mo nahanap si Kolas?" tanong ni Batchoy kay Sirene upang mabasag ang nakakailang na katahimikan na kanina niya pa napapansin mula nang magising siya.

Bigla namang napatigil si Nikolas sa pagkain at pa-simpleng sumulyap kay Sirene na ngayon ay agad napaiwas ng tingin sa kaniya. "H-hindi ko siya hinahanap, n-nagkataon lang na nakita ko sila sa kagubatan" sagot ni Sirene sabay yuko. Bigla niyang naalala ang sobrang nakakahiyang pangyayari kagabi kung saan sinabi sa kaniya ni Nikolas na nagseselos ito kay Kenzou at ang hindi niya rin inaasahang pagtatapat niya...

"Lumalayo ako dahil nagseselos ako kay Kenzou!"

"Nagagalit ako ngayon dahil nagseselos ako sa babaeng kasama mo!"

Gulat silang napatingin ng diretso sa mata ng isa't-isa, kasabay nito ay ang biglaang pagtigil ng malakas na hangin dahil sa biglang paghupa ng galit na nararamdaman ni Sirene.

"N-nakakasama lang ng loob dahil mas matagal mo na akong kakilala... ah! este kami ni Batchoy ngunit mas nais mong m-makasama si Kenzou" palusot ni Nikolas, bigla namang napabusangot ang mukha ni Sirene.

"I-ikaw naman, b-bakit mo pinapakitaan ng kabutihan ang babaeng iyon na hindi mo naman k-kaibigan?" banat naman ni Sirene, ito ang kauna-unahang pagkakataon na nakaramdam siya ng selos, at ngayon ay hindi niya maipaliwanag ang magkahalong sakit, inis at lungkot na nararamdaman.

Agad namang napaiwas ng tingin sa kaniya si Nikolas, "I-iyon na lang ang maitutulong natin sa kaniya lalo na't wala na siyang pamilya" sagot ni Nikolas, napahinga naman ng malalim si Sirene at hindi pa rin maalis ng pagkakunot ng noo niya at nagsisimula na naman siyang mainis kay Nikolas kahit pa alam niyang tulong-pangkaibigan lang naman ang ginagawa nito.

"B-bakit kailangan mo pa siyang ngitian?" reklamo pa ni Sirene, gulat namang napatingin sa kaniya si Nikolas na parang asawa na may ginawang matinding kasalanan.

"A-anong nginitian? Hindi ko naman siya nginitian!" pagtanggi ni Nikolas sabay pamewang ngunit bigla siyang napaatras at napalunok din sa kaba nang humakbang papalapit sa kaniya si Sirene na ang tingin ay nakamamatay sa talim.

Nagsimulang lumakas muli ang ihip ng hangin dahilan upang magliparan muli ang mga patay na dahon at naputol na sanga ng kahoy sa kagubatan. "Nakita kong nginitian mo siya, narinig kong kinuwentuhan mo pa siya ng mga walang kwenta at bulok mong mga biro at alamat" seryosong wika ni Sirene na animo'y papatayin sa tingin si Nikolas.

"W-walang kwenta at bulok naman pala ang mga kwento ko... A-anong ikinagagalit mo diyan?" banat ni Nikolas ngunit bigla niyang pinagsisihan ang sinabi niya.

"Nakakainis ka talaga kahit kailan!" sigaw ni Sirene at dali-dali siyang tumakbo papalayo. Mas naiinis siya sa sarili niya dahil hindi niya kayang aminin na nahuhulog na nga siya sa taong hindi niya akalaing mapapalapit sa puso niya.

"Siya nga pala, ilang linggo na lang ay nalalapit na ang pagsapit ng ikalawang kabilugan ng buwan. Sa tingin ko ay kailangan na nating humanap ng paraan upang makatungo sa Leyte" saad ni Batchoy, ilang segundo rin siyang naghintay ng tugon mula kay Nikolas at Sirene na kasalo niya ngayon sa hapag ngunit ni isa sa kanila ay walang kumibo.

Napakamot na lang sa ulo si Batchoy "Sandali nga! Nag-away ba kayong dalawa?" giit ni Batchoy sabay halukipkip, animo'y isa siyang tatay na maton na handang mamalo ng pwet ng mga anak niyang nagbabangayan at nag-aaway.

Sirene (Published by ABS-CBN Books)Tahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon