KABANATA 2

11.6K 617 92
                                    

Senda's P.O.V.

Ang kagandahan ng paninirahan sa isang liblib na baryo, tahimik. Ang mahirap lang ay kapag nagkakasakit ka at nagugutom. Napakalayo kasi ng pinakamalapit ospital at pamilihan sa aming lugar, kaya minsanan lang ako lumuluwas sa pinakamalapit na kabayanan na halos dalawang oras at dalawang sakay din mula sa amin.  Bukod pa 'yun sa kalahating oras na paglalakad mula sa kubo ko hanggang sa kanto ng nayon; at 'yung haba ng paghihintay na may dumaan man lang na pampasaherong jeep, bus o trak patungo sa bayan. Suwerte na kung dalawang oras lang akong tutunganga ro'n; malas ko naman kung halos kalahating araw na, namumuti pa rin ang mata ko.

"Ay, 'yan ba 'yung babaeng nakatira ro'n sa may ilog?" bulong ng isa sa tatlong mga tsismosang nakasabay kong naghihintay sa lumang waiting shed sa kanto.

"Oo yata..." pabulong na sagot ng pangalawa sa tatlo. "Totoo pala ano?"

"Totoong ano?" tanong ng ikatlo.

"Totoo palang hindi tumatanda ang hitsura n'yan." Sagot ng ikalawa. "Alam n'yo bang bata pa ako ganyan na ang hitsura n'yan? Ano bang edad ko na ngayon? Magsi-singkuwenta anyos na ako at medyo nangungulubot na, pero siya mukha pa ring desi-otso." 

Bahagya ko silang tiningnan. Nagkasalubong ang aming mga mata. Ngunit halos sabay-sabay rin naman silang umiwas ng tingin upang ituloy ang pagbubulungang naririnig ko pa rin naman.

"Di kaya may sa-maligno ang babaeng 'yan?" suhestiyon ng una.

"O baka Aswang!" Sabi naman ng ikatlo.

"Sabi ni Inay," sabi ng ikalawa. "Baka raw mangkukulam na Aswang 'yan. Eh 'di ba marunong din daw manggamot 'yan? Tapos nabalitaan n'yo bang  halos lahat ng nagpapagamot d'yan, lalong nagkakasakit. Parang bigla raw nagsisibagsakan ang katawan at natutuyuan ng dugo."

Copyright ⓒ DyslexicParanoia (Angela Atienza), 2019, All rights reserved.

"Hala, totoo ba 'yan?" muling tanong ng ikalawa.

"Oo noh!" Muling sagot ng ikalawa. "O di ba r'yan nga rin daw nagpagamot si Lagring bago ito nakunan? Naku, malay pa natin kung 'yan din ang humigop sa bata sa sinapupunan ni Lagring."

Sandali silang natahimik. Sinadya kong ipako ang aking mga mata sa kanila habang marahan nilang idinadakong muli ang kanilang mga paningin sa akin. Nagsimula na silang mataranta nang makita nila akong nakatingin din sa kanila at walang ano-ano'y nagpanakbuhan naman nang bigla ko silang pinandilatan ng mga mata.

"Bukas na lang ako mamalengke!" Sigaw ng isa.

"Kami rin!" Sabi naman ng dalawa pang nakasunod dito.

Napatawa na lang ako sa kalukahan ng mga babaeng 'yun. Halos madapa na kasi ang mga ito sa hindi magkamayaw na pagtakbo papalayo.

"Napapala ng mga tsismosa." Bulong ko sa sarili ko habang tinatanaw ko ang mga ito, "nawawalan ng silbi mundo dahil sa mga istoryahang walang basehan. Aswang-aswang. Hmp. May aswang bang magpapakahirap maghintay rito para lang makapamili ng sandimakmak na asin at bawang sa baya--?"

Biglang gumalaw ang mga palumpong sa aking bandang likuran. Agad akong napalingon. Nahuli ko pa ang paggalaw ng mga dahon at sanga na sa wari ko ba'y mayro'ng gumalaw rito, bagaman wala na ito sa aking paglingon. Bigla akong kinabahan. Ganitong-ganito rin kasi ang pakiramdam ko kapag naglalakad ako sa kagubatan. Parang laging may sumusunod sa akin, pero hindi ko naman mahuli-huli kung ano at sino.

"Naku...anong oras na ba?" aksidente akong napatingin sa kanang ibabaw ng aking pulsuhan. Nakasanayan ko na kasi ito dahil mayro'n akong lumang relo na lagi kong suot-suot dati. Ang kaso, 'yun na nga lang ang medyo moderno kong pag-aari. Naiwala ko pa. Simula noon, parati na lang akong nangangapa kung anong oras na; at tinatantya ko na lang ito sa lukasyon ng sikat ng araw.

My Guardian DevilTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon