Martyr

280 4 0
                                    

Alam ko na nagiging tanga na ko sa pag-ibig ko para sayo.
Alam ko na nagiging martyr na ko sa relasyon na sabay nating binuo.
Pero anong magagawa ko kung ganyan talaga kita ka-mahal?
Nilulunok ko yung pride ko dahil nais ko na tayo'y tumagal.

Agad humihingi ng tawad sa tuwing tayo'y nagtatalo.
Hangga't hindi nagbabati, hindi ko hinahayaan na makatulog tayo.
Iniintindi ang mga rason na ibinibigay mo.
Tinatanggap ang bawat sorry na iyong ibinabato.

Nananatili sa iyong tabi kahit madalas iba ang kasama mo.
Hindi umiimik sa tuwing nagpapaalam ka na may lakad kayo.
Nawawalan ka na ng oras sakin subalit hindi ako nagrereklamo.
Kahit ramdam kong binabaliwala mo na ako, nagbulag-bulagan pa din ako.

Kinakausap mo lamang ako sa tuwing may kailangan ka.
Kapag wala nang tumutulong sayo, saka mo lamang napapansin ang aking presensya.
Umuuwi ka lamang sakin sa tuwing tinatamaan ka ng pagnanasa.
Nagiging akin ka lamang sa tuwing magkasalo tayo sa kama.

Sa tuwing nariyan siya, hindi mo na ko nakikita.
Palagi nalang siya ang bukambibig mo sa tuwing nagkukuwento ka sa iyong mga barkada.
Nakakatawang isipin na parang kayo ang magkasintahan.
Samantalang ako heto, hinihintay kang umuwi sa ating tahanan.

Bakit nga ba kita pinangakuan na ikaw ang aking pakakasalan?
Bakit nga ba ako sumumpa na hinding-hindi kita iiwanan?
Bakit nga ba hanggang ngayo'y nandirito pa rin ako?
Bakit nga ba tinatanggap pa din kita kahit basag na basag na ang aking puso?

Kasi mahal kita...

Mahal kita kahit nagtataksil ka na.
Mahal kita kahit may ka-relasyon ka nang iba.
Mahal kita kahit hindi ka na tulad ng dati.
Mahal kita kahit siya ang iyong pinipili palagi.

Hindi ko magawang ibunyag ang katotohanan.
Katotohanan na hindi lamang ako ang iyong kasintahan.
Ayoko kasing madumihan ang iyong imahe sa mga mata ng ibang tao.
Kaya minabuti kong ilihim nalang ang mga ginagawa mo.

Sabi nila, wala nang matinong lalaki sa mundo.
Wala nang lalaki na tumutupad sa mga binibitawan nilang pangako.
Wala nang loyal sa isa, lahat may mga reserba na.
Nagkakamali sila, dahil hindi lamang kami ang may kakayahang makapanakit sa damdamin ng iba.

Isa ako sa mga lalaki na hindi kabilang sa mga manloloko.
Pero mukhang kabilang yata doon ang babaeng minamahal ko.
Sana maging malinaw na sa inyo na hindi lang kaming mga lalaki ang nananakit ng damdamin.
Dahil may mga babae din na hindi marunong makuntento sa mga ibinibigay namin.

Spoken Words Poetry By OtakuZone (Part One)Tahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon