Chapter Twenty-Seven

186 26 0
                                    

Charmaine Pradelle

TUMUNOG ang cork matapos kong alisin. May nalanghap akong kakaibang amoy at biglang dumilim ang paligid. Naglaho si Europa at ang clock tower room.

Kumalat ang iba't-ibang kulay sa paligid hanggang sa nabuo at naging klaro.

Lumingon ako sa paligid, umikot-ikot, at napagtanto na nakatayo ako sa ilalim ng araw, sa kalsada, at may tatamang SUV sa akin.

"Ahhhh!!!" Tinakip ko ang mga kamay sa mukha at pumikit nang mariin sa mangyayaring banggaan.

Pero walang tumama sa katawan ko.

Dumilat ako at nakita ang sarili na nakatayo pa din dito sa kalsada. Tumagos ang katawan ko sa SUV. Doon ko nalaman na para akong kaluluwa na hindi nakikita ng mga tao at tinatagusan lang ng mga dumadaan.

Anong mahika 'tong pinagdalhan sa akin ng mangkukulam?

"Europa!!" pagtawag ko, "Anong kalokohan 'to?! Ibalik mo ako!"

Kahit hindi naman ako tatamaan ng mga sasakyan, lumakad ako papunta sa sidewalk para mapanatag ang loob ko.

Nasaan ba ko? Masasabi kong nasa Pilipinas pa din ako kasi narinig kong magsalita ng Filipino ang naglalakad sa sidewalk. Ang mga sasakyan at kotse sa kalsada, luma na pero ang mga plaka nila, hindi pa rehistrado sa LTO. Kabibili lang. Ganoon din ang mga taong naglalakad. Ang mga suot nilang damit at sapatos, luma na sa paningin ko. Lalo na ang hawak nilang gadgets.

Kilala ko ang kalsada na 'to at nakumpirma kong nandito ako sa Quezon City matapos makita ang street sign. Nag-aral ako sa UP Diliman noong kolehiyo. Tumira ako sa Maynila ng apat na taon kasama ang mga pinsan kong si Pandora, Moxy, Helena, Atlas, at Efren.

Ba't ako dinala ng mangkukulam dito sa Metro Manila?

Tumingin ako sa gilid at nakita ang sarili ko sa tapat ng Castle Art Gallery. Pinapakita nila sa window ang malaking painting tungkol sa koi fishes. Tinitignan ko ito nang may biglang tumabi sa akin. Lumingon ako sa bagong dating.

"Zed?!" suminghap ako sa gulat, "Zed! Zed!" Inangat ko ang kamay para hawakan siya kaso tumagos lang ang mga daliri ko sa kaniyang balikat.

Ibang-iba ang itsura ni Zed ngayon habang katabi ko siya. Maiksi ang gupit ng buhok niya. Two by three. Suot niya ang khaki shorts, rubber shoes, at flannel shirt. Tumutubo ang stubbles sa kaniyang baba at labi. Ayaw niyang pinapatubo ito. Mahilig siyang magshave.

Kumunot ang noo ni Zed habang tinitignan ang obra sa window.

"Huh?" bulong niya, "Bakit iyan ang display na painting?" Agad siyang yumuko at tinignan ang mga palad niya. Hindi niya inaasahan ang Koi fishes sa gallery window. Palipat-lipat ang tingin niya sa palad at sa display na parang makikita sa kamay ang hinahanap niyang painting. "But this is the right art gallery. Hmmm..." Nagkibit-balikat na lang siya at tumayo sa eksaktong lugar na 'yon. Titig na titig, walang kurap.

Humugot ako nang malalim na hininga at sinamahan siya. Madalas niyang sabihin sa akin ang fascination niya sa paintings at obra na ginawa ng pakamay. Doon siya humuhugot ng inspirasyon sa kaniyang salamangka. Ang sabi niya, may bahid ng mahika ang painting ng isang pintor. Kailangan titigan ng husto ang kulay at brush strokes para makita sila.

Ano bang ginagawa niya dito sa Quezon City ngayong tanghaling tapat? Katirikan pa ng araw. Mahilig si Zed magkolekta ng art crafts kasama na doon ang painting.

Nandoon lang ako, sabay naming tinignan ang mga isda sa larawan. Lumipas ang kalahating oras, hindi ko siya nakitang gumalaw sa kinatatayuan. Panaka-naka ang tingin niya sa kaniyang relos, inip na inip.

Black CatsTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon