The Narra Tree

176 24 1
                                    

"AYAN na siya."

Tumingin si Europa sa babaeng bagong dating. Nakatayo ang babae sa harap ng puno ng Narra, pikit-mata, bagsak ang mga balikat, uwang ang bibig. Suot niya ang itim na bestida at ubot ng dumi ang kaniyang mga paa. Umihip ang malakas na hangin at nilaro ang ilang hibla ng kaniyang mahabang buhok na naging kulot matapos matanggal sa bun. Umuulan sa kaniya ang dilaw na bulaklak ng Narra, maging sa buong paligid.

"Sige na," yaya ni Europa, "Kunin mo ang liwanag para kausapin siya."

Hindi ako sumagot.

"Natatakot ka ba? Ayos lang. Gets ko naman. Sa tuwing may napupuntang Pradelle sa harap ng punong iyan, nawawalan ka ng sasabihin. Hindi madali ang magbigay ng kapatawaran. Kaso, heto na siya. Alam ni Montoya na kailangan lang niya ng konting tulak para sagutin ang bugtong na nasa bawat patak ng dugo niya."

Malapit na magising ang babae sa harap ng puno. Tahimik pa ang kaniyang utak. Payapa. Nasa pagitan siya ng realidad at panaginip, sa lugar kung saan walang kaugnayan sa oras at mundo.

"Sige na," sulsol ni Europa, "Wag ka nang mahiya. Didilat na ang mga mata niya. Dapat ikaw ang kumausap sa kaniya. Bigyan niyo ang isa't-isa ng katahimikan, okay?"

Pumikit si Europa.

At kinuha ko ang liwanag. Lumabas ang pulbura sa aking sentido at binalot ang buong katawan ko. Humaba ang aking buhok at napalitan ng itim at puti ang mga hibla. Ang morenang kutis ni Europa, napalitan ng kayumanggi. Lumaki ang aking mga buto hanggang sa sumakto sa aking tangkad, sukat, at tindig—rinig ko ang lagutok ng mga buto. Nagkaroon ng laman ang aking mga balat hanggang sa matapos ang aking pagpapalit ng anyo matapos kong dumilat.

Huminga ako nang malalim na parang lumitaw ako sa ibabaw ng tubig sa karagatan.

"Feels great to be back on your form, huh?" komento ni Europa, "Sweetie, you are in great shape. Go ahead."

Lumakad ako nang dahan-dahan papunta sa babaeng bagong gising. Tumingin siya sa paligid at pinroseso ang buong lugar. Matapos maalala ang huling nangyari, kinapa niya ang sentido para humanap ng butas at dugo. Nagtataka siya kung ba't walang sakit o kirot na nadama gayong naalala niya ang baril na tinutok sa kaniyang sarili. Kinalabit niya ang gatilyo. Sigurado siya.

Rumolyo sa kaniyang bibig ang pangalan ng binata, ang siyang pakay ng kaniyang sakripisyo.

Nasaan ba ako, tanong niya sa isip.

Tumingin siya sa paligid. Berde ang mga damo at umaabot hanggang tuhod. Nandito siya sa malawak na damuhan. Nag-iisa ang puno ng Narra sa harap naming dalawa. Asul ang kalangitan at rumolyo ang mga puting ulap. Nagtagpo ang kalangitan at damuhan sa kagiliran.

"Hindi ka dapat nandito," pagbasag ko sa katahimikan.

Lumingon siya sa akin at kumurap. "Ito na ba ang sinasabi nilang lugar?"

Narinig ko ang isip niya. "Langit? Ewan ko kung ano ang itsura ng langit. Bawal pumasok sa loob ang mga immortal na tulad namin."

Umuwang ang bibig ng dalaga sa takot.

"Masaya 'ko na nandito ka," sabi ko sa kaniya, "Gusto ko lang malaman mo."

Hindi siya sumagot.

"Kilala mo na ba kung sino ako?" tanong ko sa kaniya.

"Banita?"

Ngumisi ako. "Pikon na pikon ang Lolo Henriko mo sa baboy na 'yon. Sinakripisyo na niya ang sarili niyang pagkain para lang tumaba ang baboy at mabenta niya sa palengke. Buto't-balat na siya pero wala pa din gustong bumili sa baboy. Hanggang sa huli, siya na mismo ang nagkatay at sinahog niya sa ulam."

Black CatsTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon