Kabanata IV

26K 1.2K 208
                                    

Eliana's POV

"Prinsesa Eliana pakiusap po. Hindi po kayo maaaring pumunta sa kuwadra nang hindi nalalaman ng mahal na reyna o ng mahal na hari." Pagmamakaawa sa akin ni Stella habang sinasabayan akong maglakad.

Inirapan ko lamang siya na kanina pa ako sinusundan. Magmula kasi nang maisipan ko na gumamit ng kabayo sa araw na ito ay dire-diretso na akong naglakad palabas ng kuwarto. Si Leandra naman ay tahimik lamang na naglalakad tungo sa kuwadra ng mga kabayo. Noong una ay ayaw niya pa ako sundin pero pinandilatan ko siya ng mata at binantaan na kapag hindi ako nakapangabayo ngayong araw ay hindi ako kakain ng hapunan at agahan para bukas. Nahintatakutan naman siya sa sinabi ko kaya dali-dali nya akong sinunod. Buti pa si Leandra ay hindi ako pinipigilan samantalang si Stella naman ay kanina pa nagtatatalak sa tabi ko.

"Stella puwede ba? Hindi na ako bata para magpaalam pa sa matand-- este sa Amang Hari at Inang Reyna. Kaya ko na ang sarili ko kaya maghunos dili ka at tumahimik ka na." Mataray kong sita sa kanya habang nagmamasid ako sa mga larawang nakasabit sa dingding.

"Pero mahal na prinsesa, hindi rin naman po kayo makasasakay ng mga Athenatoi dahil pawang mga kalalakihan lamang ang mga pinahihintulutan sumakay doon." Nag-aalala nitong pahayag na halos maluha-luha na siya kapipigil sa akin.

Napakunot naman ang noo ko dahil sa panibagong salita na narinig ko na naman sa kanila. Athen--ano raw?

"Anong salita na naman yang pinagsasabi mo, Stella?" Kunot noo kong tanong sa kanya. Tumigil pa ako sa paglalakad dahil sinadya ko talagang harapin siya.

"A...Ah, ang mga Athenatoi po ang ginagamit sa pangangabayo dito sa ating mundo, mahal na prinsesa. Mga kabayo po ito na may mga pakpak upang makalipad at mayroong sungay na mahaba sa noo bilang kanilang proteksyon. Baka po mamaya sa kuwadra ay makakita kayo ng mga ganoon." Kuwento nito sa akin na para bang normal na makakita sa kanila ng ganoong klase ng nilalang.

Nanlaki naman ang mata ko sa kinuwento sa akin ni Stella. Ano na naman bang kababalaghan ang meron sa mundong ito? Kapangyarihan, mga lumilipad na bagay, ngayon naman ay isang mahiwagang kabayo! Hindi na ako magugulat kung may dragon din dito na kayang bumuga ng apoy at nakapagsasalita.

"Magpatuloy na tayo sa paglalakad at lalo lamang nag-iinit ang ulo ko sa mga pinagsasabi mo." Mataray kong sagot sa kanya saka muling nagpatuloy sa paglalakad.

Inihahanda ko na ang aking sarili sa mas marami pang nakagugulat na mga bagay dito. Dapat kapag nakaririnig ako ng kakaiba ay hindi masyadong gulat ang aking ekspresyon kaya sisikapin kong manatiling kalmado kahit nakakawindang ang mga nakikita at naririnig ko dito.

Habang naglalakad kami ay abala pa rin ako sa pagmamasid ng mga larawan ngunit may isang parte ng dingding ang lubos na pumukaw ng aking atensyon.

"Sandali lamang." Napatigil din sina Leandra at Stella sa paglalakad ng bigla akong huminto sa isang larawan. Lalong kumulo ang dugo ko habang tinititigan ang mataray na pagmumukha ng unang asawa ng hari.

Sa totoo lamang ay maganda naman talaga si Sunniva. Ano pa nga ba ang aasahan mo sa mga asawa ng hari kung hindi pawang mga namumukod tanging ganda ang dapat na mayroon sila. Kulay tsokolate ang buhok ni Sunniva, nakakaakit ang mga labi, makinis at maputi ang balat, mapula ang pisngi, at nakakahumaling ang mga berde nitong mga mata na animo'y nangaakit ng mga titingin sa kanya. Sa kasamaang palad ay panget ang pag-uugali nito. Katabi naman nila ay isa rin sa mga babaeng kinaiinisan ko.

Ang pangalawang reyna na si Orianna. Itim na itim ang mahaba nitong buhok, maputla ang kutis, masungit tingnan ang itim nitong mga mata, matangos ang ilong at tama lamang ang hulma ng labi. Parehas sila ni Suvinna na mukhang maldita at nakakabuwisit ang pagmumukha. Sa ikatlong larawan naman ay wala na akong masabing lait dahil hindi ko naman maikakalang wala talagang kibo ang ina ni Ellionoir at tingin ko'y hindi naman kasingsahol nina Sunniva ang pag-uugali nito.

Reincarnated as the Seventh Princess (BOOK 1/3) |COMPLETED|Tahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon