Kabanata XVI

19.2K 1K 393
                                    

Tanging tunog lamang ng orasan na nakasabit sa dingding ng opisina ni Maestro ang maririnig sa buong silid. Malamig ang mga tinginan ng mga taong nasa loob ngayon ng opisina.

Sa kanang bahagi ng silid ay si Eliana katabi si Ellionoir habang nasa kaliwang bahagi naman ng silid ang hari, si Sunniva, Caitrionna, Daewon, at Adelrick. Sina Caedmon at Neola naman ay nanatili lamang nasa tabi ng Maestro na ngayon ay nagsisilbing tagapamagitan sa hidwaan ng mag-anak.

"Ano, Eliana?! Mananatili na lamang ba tayong nagtititigan dito?! Ipaliwanag mo ngayon kung bakit nagkaganyan ang kapatid mo!" Nabasag ang katahimikan na namamagitan sa kanila dahil sa malakas na pagsigaw ni Sunniva.

Gigil na gigil ito kay Eliana dahil sa ginawang pananakit sa kanyang nag-iisang anak na babae.

Nanatili namang tahimik si Eliana habang nakadekuwatro at nakakrus pa ang mga braso. Prente lamang siyang nakaupo sa upuan habang tinititigan ng blangko ang pamilya na nasa kanyang harapan. Iniisip niya kung kailan ba matatapos ang paghaharap nila ni Sunniva at ang paulit-ulit nitong panggigipit sa kanya. Naisip niya rin na ngayon pala silang nakumpletong magkakapatid kung kailan siya ay huhukumin na naman. Ang panget na sitwasyon ang kinalagyan ng kanilang maliit na pagsasama-sama. Kailan kaya matatapos ang lahat ng paghuhukom sa mga kasalanang hindi naman niya buong ginawa?

"Eliana, bakit hindi mo na lamang ipaliwanag sa iyong magulang ang nangyaring pagdedepensa mo sa iyong sarili kahapon? Maiintindihan naman nila ito." Maging si Maestro Mageius ay nais na rin pagsalitain si Eliana pagka't gusto niya ring matulungan ang dalaga na linisin ang pangalan nito sa magulang.

Naikuwento sa kanya nina Mishal ang lahat ng nangyari kaya alam niyang hindi kasalanan ni Eliana ang kabuuang sala.

"Anong pagdedepensa sa sarili?! Sinaktan mo ako! Hinila ko lamang ang iyong buhok dahil binangga mo ako! Ako ang unang nagdepensa sa aking sarili dahil pinagpatuloy mo akong saktan! Mama, muntikan na niya akong mapatay! Ipakulong niyo na si Eliana!" Nagsimulang humagulgol ng iyak si Caitrionna kaya agad siyang dinaluhan ng kanyang ina at marahang niyakap.

Napangiwi naman si Eliana sa ipinapakitang pag-iinarte ng kapatid. Nasusuka siya sa ginagawa na naman nitong pagpapanggap. Siya pa ang nagmumukhang dehado at kaaawa awa sa kanilang dalawa.

"Huwag kang magpaawa Caitrionna. Alam ng lahat ang katotohanan kaya huwag mo nang pasinungalingan." Malamig na pahayag ni Eliana dahilan para matigil si Caitrionna sa pagngawa at sinamaan ng tingin ang kapatid.

"Tumahimik ka, Eliana! Huwag mong baliktarin ang sitwasyon dahil ikaw ang nagsasabi ng kasinungalingan dito!" Galit na asik sa kanya ni Sunniva pero napaismid na lamang si Eliana. Hindi siya makapaniwala na napakalakas ng loob ng mag-inang ito na harapang ipahiya ang kanilang sarili at ipasa sa kanya ang sisi.

"Bakit hindi mo hayaang magpaliwanag ang mga saksi noong mga oras na yun at kayo na ang humusga, Ama."

Ibinaling ni Eliana ang kanyang paningin sa Ama na nananahimik lamang sa gilid. Hindi ito galit o masaya pero nananatili lamang blangko ang kanyang paningin at ekspresyon habang nagtatalo ang kanyang mag-iina.

Nabalik naman sa reyalidad ang hari ng balingan siya ni Eliana ng atensyon. Iginawad sa kanya ng anak ang isang nanghahamong tingin.

"Sinu-sino ba sa aking mga anak ang saksi kahapon, Maestro?" Baling ng hari sa Maestro na ngayon ay makahulugang nakatingin sa kanya na animo'y hinahagod ng tingin ang buong pagkatao niya.

Hindi alam ng hari kung bakit nagawa siyang papayagin agad ng anak na magtanong na lamang sa mga saksi para matapos na ang problemang ito.

"Sa pagkakaalala ko ay nanduon sina Ellionoir at Caedmon sa kantina. Silang dalawa pa mismo ang nag-awat sa kanilang mga kapatid ng mag-away ang mga ito." Nilingon ni Maestro si Caedmon at Ellionoir na parehas lamang nananahimik sa kanilang mga puwesto.

Reincarnated as the Seventh Princess (BOOK 1/3) |COMPLETED|Tahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon