Kabanata XX

21.2K 1K 167
                                    

ELIANA'S POV

Kahit bagot na bagot na ako sa una kong asignatura na kasaysayan, ay pinilit ko ang aking sarili na makinig ng mabuti kay Maestra Leonora. Alam ko namang mahalaga sa katauhan ko ang maalam sa kasaysayan nang mundong ito para magawa kong mabuhay dito ng mas matagal.

At sabi nga nila, ang kaalaman ang sandatang kailanma'y hinding-hindi mananakaw sa isang tao. Kaya sobrang pagtatyaga ang ginagawa ko talaga ngayon at isa pa, natutuwa rin naman ako sa itsura ni Maestra na parang bolang may bibig at mga maiikling galamay.

"Ang Mundo ng Elior ay nahahati sa siyam na kinikilalang kaharian."

Nagsulat siya ng kung anu-ano sa pisara na kahit papaano ay pamilyar naman sa akin ang mga lugar na ito.

"Ito ay ang mga: Kaharian ng Cymopoleia, Kaharian ng Agreaseth, Kaharian ng Umoewin, Kaharian ng Thaewyr at ang Kaharian ng Archelaos. Itong mga kaharian na ito ay may kanya kanyang abilidad ayon sa mga elemento na kanilang pinasusunod. Andyan ang Katubigan para sa Cymopoleia, Ang hangin para sa Umoewin, Ang Kalupaan at mga kagubatan para sa Agreaseth, ang Thaewyr para sa apoy at syempre, ang mga matatalino at maabilidad nating mga mamamayan ng Archelaos." Magiliw talaga si Maestra Leonora sa pagtuturo ngunit ang mga sinasabi niya ay mga lugar na mayroon na akong kaalaman.

Maaari bang ipagpatuloy niya na sa mga mahahalagang parte at tapusin na niya ang introduksyon?

"Bukod sa mga kaharian na ito ay mayroon din tayong kinikilalang mga kaharian na binubuo ng mga makakapangyarihan na nilalang. Maliit lamang ang kanilang populasyon at kadalasang hindi umaanib sa mga gawain ng Elior ngunit sila pa rin ay kinilala ng ating mahal na hari."

Napukaw na sa wakas ang atensyon ko dahil sa sinabi ni Maestra. Bukod sa limang kilalang kaharian ng mga elemento ay mayroon din palang mga kaharian na katulad nito. 

"Nandyan ang Kaharian ng Faunus at Kaharian ng Naia." Faunus at Naia? Ngayon ko lamang narinig ang dalawang kaharian na ito.

"Ang Kaharian ng Faunus ay kilala sa mga mamamayan nito na tinatawag nating elf. Ang mga magaganda at mayroong mahahabang tenga na mamamayan na madalas hindi nakikianib sa mga gawain ng kaharian dahil mas nais nilang mamuhay ng tahimik at malayo sa digmaan. Ito ay matatagpuan malapit sa Kagubatan ng Najwa o ang ipinagbabawal at nakakatakot na kagubatan. Sila rin ang isa sa mga nagsisilbing harang ng kabutihan para sa mga masasamang nilalang ba nais makapasok sa ating mundo."

Faunus? Kung gayon, naalala ko yung babaeng nakilala naman sa bayan ni Cainon. Napakaganda nga nito at mayroong mahabang mga tenga at itim na itim na bilugang mga mata. Sila ba ang tinutukoy ni Maestra na mga mamamayan ng kaharian na ito? Nakabibilib naman pala na malaman na isa palang kakaibang nilalang ang nakita naman ni Cainon kahapon.

"Sunod naman na kaharian ay ang kaharian ng Naia o ang kaharian ng mga mamamayan na kalahating tao at kalahating isda."

Nanlaki naman ang mga mata ko sa sinabi ni Maestra. Sa mundo ng mga mortal noon, ito ay tinatawag na mga sirena! Ilang paghahanap at pag-aaral na ang ginawa ng mga ka-uri ko noon upang mapatunayan ang mga sirena ngunit dito lamang pala sa Elior makikita ang mga ito. Kung ganoon ay totoo nga ang mga katulad nila!

"Ang mga mamamayan ng Naia o mas kilala sa tawag na Sirena ay mayroong napakagandang pisikal na kaanyuan. Kahit na ang ibabang parte ng katawan nito ay tulad ng buntot ng isda, hindi pa rin matawaran ang ganda ng kanilang mukha. Sila ay naninirahan sa ilalim ng karagatan at malapit sa Kaharian ng Cymopoleia. Ayon sa hari ng Cymopoleia, matalik na kaibigan natin ang mga sirena ngunit mas nais nilang mamuhay ng tahimik at hindi makisali sa pakikipagdigmaan dahil na rin sa hirap silang makapaglakad sa kalupaan at tanging sa anyong tubig lamang sila naninirahan."

Reincarnated as the Seventh Princess (BOOK 1/3) |COMPLETED|Tahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon