Untitled Part 10

2.4K 99 4
                                    


"IWANT you to go to Batangas, Sari," deklara ni Aldon habang naghahapunan sila.

"Batangas? Bakit?"

"Gusto kong obserbahan mo ang takbo ng farm doon. Tumataas raw ang mortality rate ng biik. Wala akong ibang mautusan, will you do it?"

"Sure." Sunud-sunod ang tango ni Sari. Ibig sabihin niyon ay may tiwala sa kanya si Aldon. At hindi niya bibiguin ito. Mahalaga ang kalagayan ng farm, sapagka't doon nanggagaling ang mga canned meat products na pino-produce nila.

"Thank you," ani Aldon. Gustong makonsiyensiya, ngunit para din kay Sari ang ginagawa niya.

Kinabukasan nga ay bumiyahe patungong Batangas ang babae. Desididong makapag-produce ng detalyadong report sa kabiyak. Wala siyang alam sa pagbababuyan, pero patutunayan niyang may kakayahan siyang umunawa sa takbo ng negosyo. Tinuruan yata siya ni Don Claro. At marami itong pointers na sinabi sa kanya kung paano magpasunod ng mga tauhan.

"Know them to understand them. And to do that, you have to observe," anang matanda. At iyon ang gagawin ni Sari.

Tanghali na nang marating niya ang Padre Garcia, Batangas, kung saan naroroon ang malaking farm ng mga Latarde. Gulat pa si Sari sa nasaksihan, sapagka't moderno ang farm. Hindi tulad ng inaasahan niya na manual pa ang pagpapakain ng mga baboy. At napangiti sa sariling kainosentehan ang babae.

"Ma'am?"

Nilingon ni Sari ang pinanggalingan ng tinig. Isang mataas at matipunong lalaki. Guwapo at maganda ang tindig, ngunit wala pa rin sa kalingkingan ni Aldon, naisip niya.

"Yes?" aniya.

"I'm Mr. Marzon. Ako ang farm supervisor. Ibinilin ni Boss na asikasuhin ko kayo. And since it's lunchtime, kumain muna po tayo," anang lalaki.

"Sure." Nginitian ni Sari ang lalaki. Impressed siya. Ire-report niya iyon kay Aldon para ma-promote dahil mukhang mapapagkatiwalaan at may awtoridad.

Ang apartment ni Warren ay nasa loob ng compound. Bagama't strategically located upang sa ganoon ay mabilis nitong mapuntahan ang mga alaga. At the same time ay hindi naaamoy ang dumi ng baboy.

"Pasensiya na ho kayo, Ma'am. Biglaan kasi ang pasabi ni Boss na darating kayo. Ito lang ang naihanda ko," ani Warren.

Corned beef na may patatas at kanin ang nakahain sa maliit na mesa. Mayroon ding isang family size na soft drink.

"Ikaw lang ang nakatira dito?" tanong niya.

"Oho, Ma'am."

"Call me Sari. Mas bata naman ako sa iyo, eh. Nakakaasiwa ang 'Ma'am'," aniya.

Ngumiti ang lalaki at nagtaka pa si Sari kung bakit wala pa itong asawa. At iyon ang itinanong niya.

"Mahirap kasi. Hindi ako makalabas nitong farm. Hindi kasi ito paris ng ibang trabaho na may holidays. Walang holidays ang mga baboy."

Poor guy, naisip ni Sari. At naisip ding: papaano kaya kung bigyan ng isang buwang break ang mga farm supervisors para naman maasikaso ang love life? Pero dapat ay may substitute. Pero pumayag kaya si Aldon? At kung pumayag ito, bayaran din kaya kahit bakasyon? I'll discuss it with him.

"Paano iyan, di hindi ka na mag-aasawa?" biro niya.

"May balak naman ako. Naiinip na nga ang girlfriend ko."

"A, may girlfriend ka. Pakasalan mo na. Puwede naman kayong tumira dito."

"Kaso nga, eh, may trabaho rin siya. Sa bangko. Kaya nakakahinayang naman kung pahihintuin ko sa pagtatrabaho."

Doon walang maisagot si Sari. Hindi na sakop ng Latarde Group ang ganoong problema.

"Kung kaya mo naman siyang buhayin, eh."

"Mahal rin niya ang trabaho niya."

"Kesa sa 'yo?" Tumaas ang kilay ni Sari.

Kung sila ni Aldon ang nasa ganitong sitwasyon, iiwan niya anuman ang trabaho niya dahil mas masaya kapag kasama ang minamahal. Hindi niya maintindihan ang ibang babae. Pero kung sa bagay, mahirap ang buhay at siya naman ay tila hindi apektado niyon dahil may salapi ang napangasawa niya. Okay lang na sa bahay lang siya.

I'm lucky, konklusyon niya.

Pagkatapos kumain ay ipinasyal siya ni Warren sa buong farm. Ipinakita sa kanya ang araw-araw na aktibidades. At nagtataka si Sari kung bakit sinabi ni Aldon na mataas ang mortality rate, gayong bumaba pa nga kaysa noong huling buwan. Ayon na rin sa record na ipinakita sa kanya ni Warren.

Imposible namang dinoktor, dahil biglaan ang pagdating niya. At wala namang erasures sa record book. At nakita rin niyang maganda ang kalagayan ng mga baboy. Malulusog at parang gusto pa nga niyang mag-uwi ng biik. Cute kasi at pink na pink. Mukhang mabango kahit baboy.

Wala rin siyang nakikita o naaamoy na kolorum. Mukhang loyal lahat ng empleyado sa kanila at aaminin niyang nag-e-enjoy siya sa kanyang papel dahil para siyang reyna kung ituring. Ang mga maybahay ng mga boy doon ay binigyan siya ng kung anu-anong kakanin para iuwi sa Manila. Naalala niya si Fidela—ang mga kuwento ni Don Claro tungkol sa kabiyak. She felt as though she was reliving her life.

Habang nasa van pabalik sa Maynila ay ginagawa ni Sari ang kanyang report. Excited na i-discuss iyon kay Aldon. Ngunit wala ang lalaki sa bahay nang dumating siya. Pasado alas-diyes na ng gabi. Pinisil niya ang answering machine.

"I'll be back tomorrow. Important meeting," anang tinig ni Aldon sa machine. Nakadama ng lungkot si Sari. Ngayon lang siya matutulog na hindi katabi ang asawa. Paulit-ulit niyang idinayal ang cellphone number nito. Ngunit patay iyon.

Kakaibang kaba ang sumibol sa dibdib ni Sari. Hindi pinapatay ni Aldon ang cellphone kahit gigil na gigil na ito roon, dahil may mga araw na hindi iyon tumitigil sa katutunog.

Low bat siguro, aniya sa sarili. Ngunit hindi pa rin maalis ang kakaibang kaba. Paano kung ibang babae ang kasama ni Aldon?

Imposible! He loves me! Ngunit hindi siya sigurado. Kahit minsan ay hindi pa sinasabi sa kanya ni Aldon na mahal siya. Pero katuwiran naman niya ay hindi mahalaga ang salita. Mas mahalaga ang gawa. At sa mga ikinikilos naman ni Aldon, masasabi niyang mahal nga siya ng kabiyak.

Bakit siya kinakabahan? 

Semper FidelisWhere stories live. Discover now