Chapter 5.1

2.8K 47 0
                                    

HALOS lumundag ang puso ni Elij nang biglang pumasok si Thaddeus sa kuwarto niya nang umagang iyon mula sa connecting door ng mga kuwarto nila. Inaayos niya ang sariling kama ng mga oras na iyon.
“Gusto mo bang atakihin ako sa puso, Thaddeus?” pagalit niya dito.
Ngumiti ito at lumakad palapit sa kanya. Bahagya namang nahimasmasan ang galit niya dahil sa ngiti nito. His smile could really erase the anger and irritation of someone.
“Kung aatakihin ka sa puso, iyon ay dahil sa pagtingin mo sa akin,” banat pa nito.
Napailing na lang siya. Tumawa na naman ito. Hindi na ba ito mauubusan ng tawa at ngiti?
“I came here to remind you to pack your things, isasama kita sa Cebu mamaya,” sabi nito.
Kumunot ang noo niya. “Cebu? Bakit?”
Umupo ito sa kama at pabagsak na nahiga. “This bed is better than I thought,” kumindat pa ito sa kanya. “Siguro dahil dito ka nahihiga, sweetie.”
Tiningnan niya ito ng masama. “Hindi mo ba nakikitang kaaayos ko lang niyan?” mataray na tanong niya. “At isa pa, tigilan mo iyang kaka-sweetie mo sa akin. May pangalan ako. Hindi magandang tinatawag mo ng ganyan ang assistant mo.”
Tumango-tango ito at bumalik sa pagkakaupo. “Ang sungit mo pala kapag bagong gising,” sabi pa nito.
Bumuntong-hininga na lang siya at hinayaan na ito. Tumungo siya sa wardrobe para kumuha ng damit na isusuot at dadalhin. “Bakit nga tayo pupunta sa Cebu?” ulit na tanong niya.
“Inimbitahan ako ng kaibigan kong si Vincent na mag-relax ng isang araw sa resort niya sa Bantayan Islands,” sagot nito. “Naisip kong baka gusto mo ring mag-relax kaya isasama na kita. Maganda ang resort niya doon.”
Ilang sandali siyang napatigil. Kilala niya ang Vincent na tinutukoy nito, siyempre, isa rin ito sa mga ka-breakers nito sa society ng mga ito. Pero magagawa niya bang makapag-relax kasama ang mga kabarkada nito? Siguradong puro lalaki ang naroroon.
“Gusto mo bang sumama?” Nagulat siya nang maramdamang nakatayo na ito sa likod niya. He was so close that she could feel his warmth on her back.
Pinigilan niya ang sariling humarap dito. Ipinagpatuloy niya ang paghahanap ng damit para hindi nito mahalata ang pagkailang niya. “Si-Siguradong puro kabarkada mo ang naroroon, hindi ba puwedeng maiwan na lang ako dito? O kung gusto mo, hihintayin na lang kita sa bahay ng pinsan ko doon. Tawagan mo na lang ako kung paalis na tayo.”
Naramdaman niya ang pagbuntong-hininga nito. Damn, hindi pa ba ito aalis sa likod niya?
“Kung ganoon, iiwanan na lang muna kita sa rest house ko sa Kawasan,” anito. “Doon ka muna ng isang araw. Pagkatapos kong magpakita at makisama sa mga kabarkada ko sa Bantayan, didiretso na ako sa’yo. Siguradong hindi ka mabo-bored sa lugar na iyon. Ano sa tingin mo?”
Napaisip siya ng ilang saglit. Bakit pakiramdam niya ay mistress siya nito at itinatago sa rest house nito para balikan ng sunod na araw? Humugot siya ng malalim na hininga at sapilitang humarap dito.
Pinilit niya ang sariling huwag maapektuhan ng pagkakalapit nila. “Thaddeus, puwede naman kasing—”
“Sige na, please,” lumambot na ang mga mata nito sa pagmamakaawa. “Ayoko namang iwan kita dito, gusto ko ring makapag-relax ka kahit sandali dahil alam kong nahirapan ka rin sa pagsunod-sunod sa akin ng ilang linggo.”
Napatitig siya dito. What could she do if he was begging like this? He was so charismatic. A man who could get anyone to do anything he wants using his eyes and the way he sweet talked.
Tumango siya. “Sige,” pagpayag niya at pasimpleng lumayo dito. Hindi niya maintindihan kung bakit hinahayaan niyang sumunod ang sarili sa lahat ng nais nito. Siguro dahil amo niya ito, iyon lang ang posibleng dahilan.

[Completed] The Breakers Corazon Sociedad Batch 1 Book 9: Thaddeus ArzadonTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon