KABANATA 13

5.9K 387 30
                                    

Senda's P.O.V.

"Pagpasensyahan mo na lang ako, Senda. Hindi ko sinasadyang galitin ka." Nang mapansin ni ate Marietta na hindi ko pa rin siya pinapansin kinaumagahan. "Marami lang akong iniisip at naiinis din ako rito sa nangyari sa hitsura ko kaya ako nagkakaganito."

"Hmp." Pasikreto akong umismid, "ganyan  ka na naman talaga kasungit dati pa." Bulong ko. Nagpanggap akong abala sa paghahanda sa pagluwas  sa bayan.

"Ano 'yun, Senda? May sinasabi ka ba?"

"Ah!" Nginitian ko ito nang medyo pilit. "Wala ate. Nagmamadali lang ako para makaalis na ako papunta sa bayan. May ipabibili ka ba bukod sa hamonado?"

"Bibigyan na lang kita ng listahan. Heto..." may ipinatong itong kapirasong papel sa lamesa. Kinuha ko naman agad ito matapos kong magbalabal para nakalabas na agad ako ng bahay.

Copyright ⓒ DyslexicParanoia (Angela Atienza), 2019, All rights reserved.

Naglalakad na ako patungo sa hintayan ng kanto nang inisa-isa kong basahin ang mga inilista niya. Ang haba at ang dami. Napangibit ako dahil hindi ko alam kung paano ko mabibitbit ang lahat ng iyon mag-isa. Isang tingin ko pa lang, batid ko nang hindi kakasya sa dalawa kong bayong ang lahat ng gusto niyang ipabili.

"Hay naku. Nakakainis naman." Mangiyak-ngiyak ako nang makarating na ako sa waiting shed. "Kung bakit naman kasi sa dinami-dami ng nagkakagusto dati kay kuya, ito pa ang napili niya. Lagi na lang akong inaalila. Nagpakalayo-layo na nga ako, nasundan pa rin ako. Nakakabuwisit...nakakainiiissss! Nakakagigiiiiiil!"

"Hanggang ngayon ba naman naiinis ka pa rin sa akin?"

Bigla na namang sumulpot si Luis sa bandang likuran ko. Medyo nagulat ako pero hindi ko na ito ipinahalata sa kanya.

"Ibig sabihin ba no'n," pagpapatuloy niya, "magdamag mo akong inisip?"

"Puwede bang 'wag mo nang dagdagan ang inis ko?! Hindi kita iniisip 'no? Bakit naman kita iisipin? Sino ka ba? Hindi porke't nagbigay ka sa akin ng kung ano-ano ay may karapatan ka nang manghimasok sa buhay ko! Bawiin mo na lang ang mga ibinigay mo sa akin at wag ka nang magpapakita pa! Umalis ka nga riyan!"

Napakakunot-noo ako nang bigla itong humalakhak, "anong nakakatawa?" pagsusungit ko.

"Wala lang. Ganyan pala magsungit ang mga Manananggal. Parang tao rin." Nagpatuloy ito sa paghalakhak.

"Hala...Manananggal raw." Mahinang bulungan ng apat na kababaihang bagong dating. "Sabi ko na sa inyo, may sa Aswang talaga ang Senda na 'yan!

Lalo akong nainis kay Luis sa mga nangyari. "Kita mo na?" umamba akong sasapakin ko ito pero hindi ko naman ito itinuloy, "at ipapahamak mo pa 'ko?"

Muling gumuhit ang ngisi sa kanyang mukha, "'wag kang mag-alala. Ililigtas kita. Dadalhin kita sa gallery exhibit ko sa Maynila. Makikilala ka at magiging tanyag bilang si Senda," ibinuka nito paitaas ang kanyang magkabilang kamay, "ang legendary real-life Aswang ng Calapan."

"Hala, Aswang daw." Muling bulungan ng mga babae. "Aswang daw si Senda sabi noong makisig na ginoo."

Hindi na ako nakapagpigil kaya hinampas ko na ng bayong ang bandang dibdib ni Luis. "Walanghiya ka! Talagang binubuwisit mo na ako ha! Umalis ka na nga!"

Muli itong humagalpak nang tawa.

"Sige, tumawa ka pa!" Inis na inis na talaga ako, "kapag hindi ako nakapagpigil, wawakwakin ko na 'yang tiyan mo at hihilahin ko hanggang bayan 'yang bituka mo!"

Biglang nagsigawan ang apat na kababaihan at nagpanakbuhan na tila mauubusan na ng lupa.  Lalo namang lumakas ang paghalakakhak ni Luis; kipkip ang tiyan at tila hindi ito makapagpreno sa katatawa.

"Ah gano'n, natatawa ka pa? Teka..." nakasuot ito ng polong nakabutones na walang pang-ilalim. Kukuwelyuhan ko sana ito habang nakayuko pa ito, nang bigla naman itong tumayo kaya 'yung mga butones niya ang nahagip ko. Nagsipaglaglagan ang halos lahat sa kanyang mga butones sa lupa kaya hindi sinasadyang tumambad sa tapat ng mukha ko ang kanyang bandang dibdib.

Nakatulala pa akong saglit sa kanyang kahubdan nang may biglang may nagsalitang matandang babaeng dumaraan. "Sus Ginoo! Kalalaswa naman ng mga batang ito. Dito pa kayo naghaharutan? Iba na talaga ang panahon ngayon, tsk." Nagmamadali ito sa paglalakad palayo.

Nakabungisngis pa rin Luis sa kabila ng aking pagkayamot, kaya sinuntok ko na ito sa tagiliran. Hindi ko inaasahan na ganoon katigas ang kanyang katawan, kaya sa halip na siya ang masaktan, ako pa itong nakaramdam ng sakit sa aking kanang kamao.

"O, ayan." Hinablot nito ang aking kanang kamay, "masyado ka kasing highblood. Nasaktan ka tuloy." Hinaplos-haplos nito ang aking mga daliri. Bigla naman ako nakaramdam ng pangingilabot kaya agad ko rin namang binawi ito sa kanya.

"'Wag mo nga akong hawakan!" Pagsusungit ko, "saan ka ba ipinaglihi ng nanay mo? Sa adobe?" ako na ang nagpatuloy sa pagmasahe sa aking kamao. Daig ko pa kasi ang sumuntok sa pader.

Sa halip na sagutin ako ay nagkibit-balikat lang ito, "saan ba ang lakad mo?" pag-iiba nito sa usapan.

Inismiran ko ito, "anong pakialam mo?"

"Papunta ka ba ulit sa bayan?"

Hindi ako nagsalita; umiiwas ng tingin. Nagdarasal din ako na sana'y may dumaan man lang na jeep, bus o trak, papuntang bayan.

"Sasamahan na kita."

Napasulyap ako sa kotseng kulay pula na nakaparada ilang dipa mula sa amin. Iba ito sa mahabang sasakyan niya dati at mukhang wala siyang kasama sa pagkakataong ito. "'Wag na, salamat na lang." Malumanay na sagot ko.

"Sige na."

Hinawakan ako nito sa siko pero agad din naman akong umiwas at lumayo nang ilang hakbang.

"Naiinis ka pa ba sa 'kin?" lumapit ito nang kaunti sa akin, "para binibiro ka lang, napikon ka na agad."

Pinandilatan ko ito ng mga mata, "biro?" inihampas kong muli ang dala kong bayong sa bandang dibdib niya. "Biro ba 'yung ipinagkakalat mo sa mga tao rito na Aswang ako? Pa'no kung seryosohin ka ng mga 'yan? Ipapahamak mo pa 'ko!"

"Malay ko ba na ganun talaga katanga ang mga tao rito!" Nakangisi ito. "Ang sabihin mo, wala ka lang talagang sense of humor."

"O baka naman ikaw ang walang modo?! Nakikipagbiruan ka sa 'kin eh hindi pa naman talaga tayo magkakilala. Mamaya niyan, masamang tao ka pala. 'Yan ngang mukha mo mukhang--" napatingala ako sa mukha niya. Nakaramdam ako ng kaunting pagkataranta nang mapansin ko ang kanyang matingkad na bughaw na mga matang nakatingin sa akin. Hindi naman kasi ito mukhang ordinaryong tao. May mga kakaiba sa kanya na sa dami na ng mga ito ay hindi ko na rin matukoy at maisa-isa. 

"O, ano ang mukha ko?" muli itong bumingisngis na tila nang-iinis.

Hindi ako makahagilap ng sasabihin kaya walang hinto ang pagdarasal ko ng, "tulungan mo ako, LORD. Paalisin niyo po siya sa harapan ko, LORD." sa isipan ko

"Ahm..." ang tanging namumutawi sa bibig ko.

"Ahm?" muli itong ngumisi na tila nahahalata niya na natataranta ako sa prisensya niya.

"Ahm..."tiyempong mukhang sinagot ni LORD ang panalagin ko. Tumagos ang tingin ko sa malayo--sa bandang likuran niya, kung saa'y natanaw ko na ang isang jeep na paparating. "Ahm...ayan na." Halos maglulundag ako sa sobrang tuwa nang matanaw kong kakaunti lang ang pasahero nito. "Para po!" Sabay kaway ko sa drayber ng jeep. Mas lumapit na ako sa gilid ng kalye nang mag-umpisa nang tumabi ang jeep. Tuluyan din naman itong huminto para sa akin sa may bandang unahan ng pulang kotse ni Luis.

Nagdali-dali ako sa pag-akyat, bagaman nilingon ko rin naman si Luis nang makasakay na ako. Nakangisi pa rin ito sa akin; at nakahalukipkip na tila balewala lang naman sa kanya na hindi ko tinanggap ang alok niya. Makakampante na sana ako sa unti-unti naming paglayo nang matanaw kong sumakay na rin sa Luis sa kotse niya upang agad na bumuntot sa sinasakyan kong jeep. Agad akong nakaramdam ng kaba.

"Ano ba 'yan? Susundan ba n'ya ako?" sa isipan ko, "bakit ba ako binubuntutan ng taong 'to?"

[ITUTULOY]

My Guardian DevilTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon