Chapter 19.1

2.6K 31 1
                                    

IPINATONG ni Elij ang iced coffee na ipinabili sa kanya ni Thaddeus sa ibabaw ng mesa nito at tiningnan ito ng masama. “May iuutos ka pa po?” sarkastikong tanong niya dito. Kanina pa siya nito inuutusan ng kung anu-ano dahil lang sa wala itong kliyenteng kausap sa firm nito ng araw na iyon.
Ngumiti ito at iniabot sa kanya ang iced coffee. “Ayoko pala ng malamig, painitin mo ito,” utos pa nito.
Ngali-ngaling ibuhos niya dito ang kape kung hindi lang biglang bumukas ang pinto ng opisina nito. Sabay pa silang napatingin sa isang babae na sa tingin niya ay nasa mid-thirties na nito. Nakasuot ito ng dark shades pero halatang-halata sa mukha ang pagkabahala.
Lumapit ito sa mesa ni Thaddeus. “Attorney Thaddeus Arzadon?” tanong nito.
Tumayo si Thaddeus. “Yes, Ma’am?”
Tinanggal nito ang suot na shades at inilahad ang kanang kamay sa harap ni Thaddeus. “I’m Lorna Domingo. Narito ako para kunin ang serbisyo mo.”
Kinamayan ito ni Thaddeus at inanyayahang maupo. Siya naman ay lumapit sa settee na naroroon at doon naupo.
“Para saang kaso?” tanong dito ni Thaddeus, nasa tono na nito ang pagiging propesyonal.
Ilang sandaling nag-alinlangan ang babae bago sumagot. “Gusto kong labanan ang asawa ko sa korte. He’s Ricardo Domingo, siya ang may-ari ng Domingo Enterprise. Malaking tao siya sa larangan ng business.”
Tumango-tango si Thaddeus. “Bakit gusto mo siyang labanan?”
Yumuko ang babae. “Uma-apela siya ng legal separation sa korte,” pumiyok ito. “Ang ginawa niyang ground ay ang infidelity ko daw.”
“Daw?” ulit ni Thaddeus.
Tumingin si Lorna kay Thaddeus, may mga luha na sa mga mata nito. “Ni minsan ay hindi ako nagtaksil sa kanya, Attorney. Siya ang gumagawa ng mga iyon pero dahil ayaw niyang masira ang pangalan niya kaya gumawa siya ng mga kasinungalingan at iyon ang ginagamit niyang ebidensiya sa korte.”
Natigilan siya sa narinig. Pagtingin niya kay Thaddeus ay hindi niya napalampas ang pagtiim ng mga bagang nito at alam niya kung bakit. The story of this woman was exactly like the story of Thaddeus’ parents.
“Anong kasinungalingan ang ginawa niya?” wika ni Thaddeus matapos ang ilang saglit. Ginagawa nito ang lahat para pigilin ang sariling emosyon.
“Minsan… minsan niya akong pinainom noon ng inuming may pampatulog,” pagsisimula ng babae. “Hindi ko alam ang nangyari. Pero isang araw may… may ipinakita na lang siyang larawan na may kasama akong lalaki sa isang kama. Hindi totoo ang lahat ng iyon. Gusto niya lang gawing ako ang masama sa lahat ng tao at siya ang kaawaan.”
Itinaas ng babae ang manggas ng sweater na suot nito. Lumantad doon ang mga pasa at bakas ng pagkapaso ng sigarilyo. “Matagal niya na akong sinasaktan,” pag-amin nito. “Hindi lang ako makalapit sa mga pulis dahil… dahil tinatakot niya akong papatayin niya ako at ang anak namin. Hindi ko siya kayang labanang mag-isa.”
Nanikip ang lalamunan niya sa emosyong nais mag-umalpas. Bakit ba may mga walang-pusong tao ang gumagawa ng ganoon sa mga asawa ng mga ito?
“At isa pa,” pagpapatuloy ni Lorna. “Ang kapatid kong lalaki, n-namatay siya nitong nakaraang buwan. The police said he committed suicide pero hindi ako naniniwala doon,” tuluyan na itong napahagulhol. “Alam kong pinagbantaan niya noon si Ricardo na magsusumbong siya sa mga pulis kapag hindi itinigil ni Ricardo ang pananakit sa akin. Sigurado akong si Ricardo ang pumatay kay Kuya. But I kept my lips tight dahil alam kong wala akong laban sa asawa ko. Kaya ako lumapit sa’yo, tulungan niyo ako. Alam kong may kakayahan kang ipaglaban ang tama. Parang awa mo na.”
Tuluyan ng pumatak ang mga luha niya sa sitwasyon ng babaeng iyon at sa pagkaawang nasa mukha ni Thaddeus. Alam niyang nakikita nito ang sariling ina sa babae. Inabot nito ang kamay ng babae.
“I will do everything to help you,” ani Thaddeus, punong-puno ng ka-seryosohan ang tono nito.
“Salamat. Maraming salamat,” puno ng emosyon na pasasalamat ng babae.
“May kopya ka ba ng mga larawan na ipinakita sa’yo ng asawa mo?” tanong dito ni Thaddeus.
Tumango ang babae. “Nasa bahay.”
“Ipadala mo sa akin. Ipapahanap ko ang lalaking iyon at doon tayo magsisimula.”
Ilang sandali pang nag-usap ang mga ito hanggang sa magpaalam na ang babae. The whole room had gone so quiet that they could hear a pin drop.
Nagitla pa siya nang marinig ang pagtikhim ni Thaddeus. Napatingin siya dito nang tumayo ito at lumapit sa kanya.
Ngumiti ito. “Napainit mo na ba ang kape ko?” tanong nito.
She broke into a smile. Masaya siya dahil ngumiti na ito at nakakapagbiro na ulit. Sinulyapan niya ang hawak na kape na nawala na ang lamig. “Bumili na lang tayo ng bago,” aniya.
Tumawa ito at kinuha sa kanya ang kape. Nanlaki ang mga mata niya nang inumin pa nito iyon. “It tastes better kapag matagal mo ng hawak,” komento pa nito.
Umupo ito sa tabi niya. Isiniksik pa nitong lalo ang sarili sa kanya na para bang napakaliit ng upuan. Napailing na lang siya pero hindi naman nagawang lumayo. She also wanted to feel the warmth of his skin on hers, kahit sandali lang.
“Anong gagawin mo kapag sinuntok kita ngayon?” narinig niyang tanong nito.
Hindi makapaniwalang napatingin siya dito. “Bakit mo ako susuntukin? Sa akin mo ibubunton ang inis mo?” Grabe naman ito.
Tumawa ito. “Ano ngang gagawin mo?”
“Susuntukin din kita at sobra pa doon,” buong diing tugon niya.
“Talaga?” tumango-tango ito. “Paano kung murahin kita.”
“Mumurahin din kita ng sobra-sobra.” Subukan lang talaga nitong gawin ang mga bagay na iyon, mababalian ito ng mga buto.
“Paano kung halikan kita?”
“Siyempre—” napatigil siya at mariing itinikom ang mga bibig. Muntik na siyang mahulog sa kalokohan nito, ah?
Malakas itong tumawa. “Hahalikan na kita,” pananakot pa nito at unti-unting lumapit sa kanya.
“Subukan mo,” pagbabanta niya, umisod siya palayo dito.
“Susubukan ko talaga,” sagot nito, hindi matanggal ang ngiti sa mga labi. “Hahalikan mo rin naman ako at sobra pa doon, hindi ba?” patuloy na panunudyo nito.
Pinamulahan siya ng mukha at itinulak ito palayo. Naging dahilan iyon ng pagkatapon ng kapeng hawak nito sa sahig. “Oh! Sinayang mo na naman ang kape ko,” paninisi pa nito.
Hindi niya na ito pinansin at mainit pa rin ang ulong tumayo, nag-walk-out siya sa lugar na iyon. Hindi na ba titigil ang lalaking iyon sa panunudyo sa kanya? Ayaw na ba talaga nitong pagpahingahin ang puso niya? Pinagalitan niya ang sariling puso dahil napakabilis nitong mag-react sa mga ginagawa ng lalaking iyon. Hindi naman siya ganito noon, ah?

[Completed] The Breakers Corazon Sociedad Batch 1 Book 9: Thaddeus ArzadonTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon