KABANATA 16

5.7K 372 25
                                    

Senda's P.O.V.

Napaatras ako at umiwas ng tingin. Bigla kasi akong nakaramdam ng pagkailang. Ano ba naman kasi ang taong ito? Masyado naman yatang pa-suwabe gayung hindi pa naman kami lubusang magkakilala.

"Naku ha?" umirap ako para hindi niya mahalatang medyo nataranta ako. "Masyado ka naman yatang bolero at pasikat diyan. Baka mamaya, sa 'kin mo rin sisingilin 'yang mga isinusuhol at ipinamumudmod mo sa akin at sa mga tao. Wala akong pambayad 'no!"

"Bolero? Ako? Bolero?"

Tiningnan ko ito nang masama, "oo kaya! Excuse me 'no? Hindi ako basta-basta napapasagot sa mga ganyang style ng panliligaw! Hmp."

"Hindi raw basta-basta..." bulong nito, bagaman naririnig ko pa rin naman ito nang bahagya. "Eh kung ipamigay nga niya ang puri niya kanina, hindi man lang nagpapilit. Nagprisinta pa!" Sambakol ang mukha nito sa pagmamaktol.

"Anong sinabi mo?!" Tinaasan ko ito ng kilay.

"Wala!" Pabulyaw ito, "ang sabi ko, eh sino bang nagsabi sa 'yo na nanliligaw ako sa 'yo, ha? Masyado naman yatang mataas ang tingin mo sa sarili mo! Ako? Manliligaw sa 'yo?! Ilang beses ko ba sasabihin sa 'yo na hindi ako pumapatol sa Aswang?!"

"Aba..." wala akong masabi kaya napanganga na lang ako.

"Alam mo? Kung hindi lang talaga malaki ang kikitain ko kapag nadala kita bilang isa sa mga kuleksyon at exhibit ko sa Maynila, sa tingin mo, magtatiyaga akong sumunod-sunod sa 'yo at pagkagastusan?"

"Ah gano'n? At talagang ipinagpipilitan mo pa rin na Aswang ako, gano'n?"

"Eh 'di ba 'yon naman ang totoo? Ang katunayan nga, may ebidensya na ako oh."

Inilabas nito ang cell phone niya at ipinakita nito ang video recording niya sa may bintana ng kubo ko. Madilim ang kuha kaya batid kong malalim na ang gabi nang kinunan 'yun. Medyo kinakabahan na ako nang makita ko ang siwang sa bintana. Doo'y kuhang-kuha nga ang bandang likuran ng pakpak ni Ate Marietta. Gumagalaw-galaw pa ang mga pakpak nito habang nagsusuklay ito ng buhok.

Nakaramdam ako ng kaba at panlalamig. Paano ko ba ipapaliwanag sa usiserong Luis na ito na hindi ako 'yun, gayung, hindi rin maaaring may makaalam na naroon ang hipag ko sa bahay ko.

Copyright ⓒ DyslexicParanoia (Angela Atienza), 2019, All rights reserved.

"Oh ano, nakita mo na? Hindi ka ngayon makapagsalita." Muli na nitong itinago ang cellphone niya, "mag-isa ka lang sa bahay mo kaya napaka-imposible na hindi ikaw 'yan! Ano? Aamin ka na ba? Manananggal ka 'di ba?"

Hindi ko alam ang sasabihin ko kaya tumalikod na lang ako at nag-umpisa nang maglakad papalayo sa kanya. Ngunit tulad ng inaasahan ko, sinundan pa rin ako nito.

"Ano Senda?" muling pangungulit nito sa kalagitnaan ng aming paglalakad, "sasama ka na ba sa akin? 'Wag kang mag-alala, hindi ka naman mapapahamak, ako ang bahala sa 'yo. Malaki ang bahay ko sa Maynila, sigurado akong magugustuhan mo ro'n."

"Ayoko." Sa mababang tinig.

"Sige na, babayaran naman kita. Ano bang presyo mo? Sabihin mo, baka naman puwede nating pag-usapan nang maayo--"

"Ayoko sabi." Mas binilisan ko ang paglalakad ko.

"Sige na, ano bang demand mo, baka naman kaya kong ibigay--"

"Hindi ko ipinagbebenta ang sarili ko." Pinipilit ko pa ring maging kalmado kahit na ang totoo'y gusto ko na talagang isaklob sa ulo niya ang bayong ko.

"Bakit ba ayaw m--"

Huminto ako sa paglalakad upang harapin ito, "ayoko sabi!" Bulyaw ko sa kanya. "Umalis ka na nga! Wala kang mapapala sa 'kin, alis!"

Akmang susunod na naman ito nang akmang maglalakad na ulit ako kaya muli akong pumihit para duruin ito.

"Tantanan mo na ako sabi eh! Ano? Hihintayin mo pa bang kainin ko pa lahat 'yang mga lamanloob mo?!"

"Hala...pinagbabantaan ni Senda 'yun lalaki!" Dinig kong usapan ng mga usiserong taga-nayon; hindi kalayuan ang mga ito sa kinaroroonan namin. "Umuwi na tayo, dali! Tama nga ang hinala natin. Aswang talaga ang babaeng 'yan!" Nagtutulakan ang mga ito papalayo.

'Ano ba 'yan?' Mangiyak-ngiyak na wika ko sa isipan ko, 'pahamak talaga sa buhay ko 'tong Luis na 'to! Ano bang dapat kong gawin para lubayan na akong ng gunggong na 'to!'

Nilingon ko si Luis upang muli sanang bulyawan, pero mas nakaagaw ng pansin ko ang napakaitim na ulap na mabilis na kumakalat sa langit at papalapit na ito sa kinaroroonan namin. Napalingon din naman si Luis nang mapansin niyang nakatingin ako nang lampasan sa kanya.

"Halika!" Bigla nitong hinatak ang kaliwang braso ko. "Hindi na ligtas dito!"

"Teka!" Pilit kong binabawi ang braso ka sa kanya. "Saan mo ba ako dadalhin?"

"Mamaya ko na lang sasabihin sa 'yo." Mas lalo nitong hinigpitan ang pagkakahawak sa akin, "kailangan muna nating makalayo rito."

Bigla kong naalala si Ate Marietta sa kubo ko kaya muli kong pilit hinahatak ang sarili ko mula sa kanya. "Bitawan mo ako Luis, kailangan ko munang umuwi."

Pero mas malakas siya kaya wala akong magawa sa paghila nito sa akin, "wala na tayong oras! Kailangan nating makalayo rito!"

"Pero bakit? Ano ba ang nasa maitim na ulap na 'yan?"

"Mamamaya ko na sabi ipaliliwanag!"

Nanlaban ako, kaya ilang beses din akong nakaalpas mula sa kanya bago kami nagpambuno. Determinado akong makaalpas sa kanya kaya nang mapansin niyang lalo kaming hindi makaalis sa pagpupumiglas ko'y bigla na nito akong binuhat at binitbit nang patuwad, pasampay sa kanyang kanang balikat.

Nagulat ako sa lakas at tulin niya. Pakiramdam ko nga'y isa lamang akong papel na nakasampay sa kanya habang tumatakbo ito palayo.

Hindi ko naman alam ang mararamdaman ko nang may hindi mabilang na mga tila malalaking paniki ang biglang sumaklob sa bandang itaas namin, kaya sa sobrang takot ay ipinikit ko na lang ang mga mata ko kaya naririnig ko na lamang ang mga katagang...

"Panginoon, dito po tayo sa kaliwa!" Wika ng isa sa mga ito na tila si Luis ang kinakausap nito.

Naramdaman ko naman ang pagliko sa kaliwa ni Luis.

"Diretso po tayo!" Muling wika ng malaking paniki. "May kuweba po roon sa bandang ilaya!"

'Naku, ano bang nangyayari?' Sabi ko sa isipan ko, 'katapusan na ba ng mundo?'

Sa sobrang tulin ng pagtakbo ni Luis, ang pakiramdam ko'y tila lumilipad na kami at sa bahagyang pagmulat ko ng mga mata ko ay tuluyan ko nang nailaki ito nang mapagtanto ko na napapalibutan na kami ng iba't ibang klaseng nakakikilabot nilalang na tumatakbo kasabay namin.

Nagsisigaw ako ng pagkalakas-lakas sa labis na sindak, hanggang sa hindi ko na napigilan ang unti-unting pagpanaw ng aking ulirat.

[ITUTULOY]

My Guardian DevilTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon