KABANATA 19

6.2K 398 79
                                    

Lucio's P.O.V.

"Nephilim?" biglang namilog ang kanyang mga mata, "naku..." nag-antanda ito na tila ba kinakabahan ito at nag-aalala. "Kung Nephilim, 'wag naman sana 'yun."  Sabi nito sa sarili n'ya, bagaman naririnig ko pa rin ito.

Itinaas ko ang kanang kilay ko, "sinong 'yun ang tinutukoy mo?"

Nakasimangot na tiningnan ako nito nang matalim, "wala!" Singhal nito at pagkatapos ay tila may ibinubulong-bulong.

"Sino nga?"

"Wala sabi," umirap ito at muling sinudot-sundot ng kubyertos ang karneng ayaw naman niyang kainin. "At saka, ano bang karapatan mong ipamigay ako sa kung kani-kaninong impakto? Ano ka ba talaga?  Arkeologo, kulektor o bugaw?! Kalalaki mong tao, bugaw ka?!"

Natatawa ako pero pinipigilan ko lamang ito, "malay mo naman kung magustuhan mo siya."

"Ako?!" Muling namilog ang kanyang mga mata, "magkakagusto sa isang Nephilim? Bukod do'n sa tinutukoy ng mga kapatid ko, ang alam kong mga Nephilim ay 'yung mga nilalang na mas malaki pa sa Kapre! Sino namang normal na babae ang magkakagusto sa ganoong kalaking nilalang? Wala akong balak mamatay agad sa pulot-gata pa lang 'no!"

Sumusubo ako habang nagsasalita ito kaya hindi ko maiwasan ang mabilaukan ng nginunguya kong karne. Sandali akong namilipit sa kinauupuan ko. hanggang sa nakainom na ako ng tubig.

"Hoy, buhay ka pa ba?!" Anito sa akin habang pilit kong nilululon ang karneng bumara sa lalamunan ko. "Huwag ka munang mamamatay hangga't hindi mo pa ako naisasauli sa kubo ko ha?!"

"Hindi naman lahat ng Nephilim, gano'n kalaki." Nang humulas na ang pakiramdam ko. "Ang mga Nephilim ay parang mga tao rin, may nagmana sa ina, may nagmana sa ama. 'Yung mga nagmana sa ama nilang mga Anghel, 'yun ang mga higanteng tinutukoy mo, pero 'yung mga nagmana sa inang Tao, normal din lamang ang taas."

"Gaano kataas ba ang normal sa kanila?"

"Anim hanggang walong talampakan pataas."

"Ano?!" Muli na namang namilog ang mga mata nito. "D*YOS ko po naman!" Muli itong nag-antanda, "mas malaki pa rin sa 'yo? Ikaw na nga lang para ka nang Kapre sa paningin ko eh! Bakit 'di mo na lang kaya ireto sa mga babaeng kapre ang mga Nephilim na 'yan? Bakit sa mga tulad ko pa? Tingnan mo ako?" tumayo ito, "ang liit-liit ko at napakapayat ko pa! Alam mo?" muli itong umupo, "kung gusto mo akong patayin, patayin mo na lang ako ngayon na, hindi 'yang pahihirapan mo pa ako. Sa palagay mo, pa'no kakasya sa akin ang 'ano' ng Nephilim na 'yan?"

Muli akong napainom ng tubig sa nagbabadyang muling pagkakasamid. "Anong 'ano'?" kahit na alam ko na naman ang ibig niyang sabihin.

Agad namang bumakas sa mukha nito ang pagkailang, "'Yung 'ano'...alam mo na 'yun? 'Yung...y-yung tulad ng sa 'yo....s-sa inyong mga lalaki."

Copyright ⓒ DyslexicParanoia (Angela Atienza), 2019, All rights reserved.

Pinipigilan ko ang mapatawa, "eh ano nga 'yun?" bagaman napakahirap nito dahil natatawa ako sa pamumula ng kanyang mukha.

"Hayst!" Itinapik nito ang magkabilang kamay sa lamesa, "ewan! Bahala ka na lang! Pipilitin mo pa akong magsalita nang bastos, mamaya n'yan, magalit pa si LORD, patamaan pa NIYA ako ng kidlat dito! Asintado pa naman 'yun, hindi sumasablay."

Napasimangot ako dahil alam ko kung sino ang tinutukoy niya, "akala mo lang 'yon." Muli kong itinuloy ang pagkain ko, "pero ang totoo, wala namang pakialam sa 'yo o sa kahit kanino 'yang pina-PANGINOON mo. Napakaraming bastos sa mundo pero hindi naman tinatamaan ng kidlat. Para sabihin ko sa 'yo, walang alam 'yang PANGINOON mo, kundi ang magalit at magparusa. Mas malupit pa nga 'yun sa demony--"

Nagulat ako nang dinampot nito ang tinidor at dinuro ako gamit ito, "hoy! Bawiin mo 'yang sinabi mo kung ayaw mong itarak ko 'tong 'tinidor sa mga mata mo!" Nanginginig ito sa galit, "buwisit na 'to!"  Bulong nito, sabay tapon ng tinidor sa plato. "Salita ka nang salita riyan, 'di mo naman alam ang sinsabi mo! Napakawalang-galang mo, bastos!" Dumampot ito ng mansanas at ibinato ito sa akin. Nakailag naman ako. "Tamaan ka sana ng kidlat diyan sa 'ano' mo! Diyan ka na nga!" Tumayo ito at dali-daling lumabas sa pintuang nasa kanyang kanan--na mali naman ang direksyon.  Nasa kaliwa kasi ang pabalik sa kanyang silid.

Tulad ng inaasahan ko, narinig ko itong sumigaw nang napakalakas. Patungo kasi sa mga silid ng mga Aswang ang tinungo nitong pintuan. Naririnig ko rin ang mga yabag nitong muling nang lumalapit sa hapag-kainang kinaroroonan ko. Saglit pa'y tumitili pa ring sumulpot na ito sa pinto habang nag-aalalang sumusunod naman sa kanya ang mga Manananggal  na sinusubukan itong pakalmahin.

Dali-dali akong pumagitna. Huminto naman agad sa paglipad ang mga Manananggal, habang nararamdaman ko naman ang mahigpit na pagkapit ni Senda sa bewang ko habang nagtatago ito sa likuran ko.

"Patawad po, Panginoon."  Sabi ng isa sa mga Manananggal. "Natatakot pa rin po yata siya sa amin. Hindi naman po namin inaasahan na doon siya papasok sa aming kublihan."

"Sige na," sinenyasan ko na ang mga ito upang umalis na. "Ako na ang bahala sa kanya."

***

"Ano bang klaseng bahay ba itong mansyon mo, Luis?" mangiyak-ngiyak ito nang makapasok na kami sa kanyang silid. "Bakit puro mga impakto? Ayoko rito." Niyakap nito ang kanyang sarili. "Natatakot ako rito." Sunod na hintak nito ang laylayan ng mahabang kaliwang manggas ko. "Hindi ako makakatulog dito. Parang awa mo na, pauwiin mo na ako."

Naniwala lang ako na natatakot nga ito nang magsimula nang tumulo ang kanyang mga luha na may halong panginginig.

Nagulat ako nang bigla itong lumuhod sa harapan ko, "parang awa mo na Luis! Gusto ko nang umuwi!"

Agad ko namang hinatak ito sa braso upang muling itayo. "Alas nuebe na nang gabi at madilim na sa labas. Malayo ang lugar na ito sa bahay mo." Nakayuko ito kaya hinawakan ko ito sa baba upang iharap ang mukha nito sa akin. "Wag kang mag-alala, bukas na bukas din, aalis na tayo rito. Sa ngayon, magpahiga ka na lang muna rito. Kahit ngayong gabi lang."

"Eh pa'no naman ako makakapagpahinga rito kung labas-masok nang walang pasabi rito ang mga kasambahay mong impakto? Tapos 'tong malaking kama..." inginuso nito ang malaking kama sa kanyang bandang likuran, "kung ano-ano na lang ang biglang sumusulpot mula sa ilalim. Malay ko pa kung ano-ano pang nilalang ang nakadikit sa mga pader nito, o kung may iba pang nagmamatyag sa akin. Hindi ko kayang mag-isa rito sa kuwartong 'to, Luis."

Napangisi ako dahil mukhang magugustuhan ko ang malamang na gusto nitong mangyari.

"Gusto mo, doon ka na lang sa silid ko?" deretsahan kong alok. "'Yun lang kasi ang hindi basta-basta pinapasok dito eh."

Sandali itong nag-isip, "pero wala bang impakto o demonyo ro'n?"

"Meron 'din, pero isa lang."

Muling namilog ang kanyang mga mata, "ha?! Pero--"

"Wag kang mag-alala. Ako lang...ako lang ang demonyo ro'n."

[ITUTULOY]

My Guardian DevilTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon