CHAPTER 189

2.6M 52.7K 73.4K
  • Dedicated kay Acu Si Ujeram
                                    

DEIB'S POV

BIGLA AY nawala ang ispiritu ng alak sa sistema ko. Kung kanina ay maliyo-liyo ako ay nagagawa ko nang tumingin nang deretso ngayon. Sa sandaling 'yon ay nasiguro kong ang panganib ay parang demonyong nakasunod sa 'min. Kung kailan nakalimutan ko na nang panandalian ang mga nangyari.

Nawala sa isip kong dapat kaming mag-ingat dahil hindi pa nakikilala ang mastermind. Tsk. Kung bakit naman kasi bigla na lang sumusulpot ang mga ganito? Sa oras na hindi inaasahan parati! Parang alam nila kung paano kaming mahuhuli! Badtrip!

Natinag ako nang maglakad si Taguro papalapit sa pinto. "Taguro..." Hindi siya nagpatinag, hindi man lang ako nilingon. "Umalis na tayo dito," sinikap kong bumulong. Ngunit dahil sa takot ay lumalakas ang boses ko. "Taguro..."

Sinenyasan niya akong manahimik, takot ang naitugon ko. Umaandar na naman ang ugali niyang sumusugod kahit gaano kadelikado ang sitwasyon. Sandali niyang pinagmasdan ang aninong nananatili sa gano'ng posisyon, nakaharap sa 'min. At saka siya humakbang pakaliwa, papalapit sa kahoy na posteng nasa tabi ko. Bagaman takot na takot ay pinanood ko ang kilos niya. Hindi ko rin itinigil ang pagsulyap sa aninong nakapangingilabot tingnan. Para kasi nitong pinapanood ang bawat kilos namin.

"Bibilang ako ng tatlo," bulong ni Taguro. "Ipatay mo ang ilaw. Pupuntahan ko—"

"Ano?" asik ko. Hindi siya sumagot, nanatiling nasa anino ang paningin.

Hindi agad ako nakakilos pero sa huli ay wala akong nagawa kundi ang sumunod. Nanginginig ang kamay ko nang iangat iyon, pinaglandas ang mga daliri sa poste para kapain ang switch.

"Isa..." Nagsimulang bumilang si Taguro. Napasinghap ako at napalunok. "Tatlo!"

Putsa! Sa gulat ay nagawa kong ipatay ang ilaw. At bago ko pa siya malingon ay nakatakbo na siya sa veranda. Walang takot niyang binuksan 'yon at gano'n na lang ang kaba ko nang matigilan siya.

Lumapit ako ngunit nabigong sumilip. Takot ako at hindi ako handang makita kung sino 'yon.

"Umalis na tayo dito," pabulong kong utos, halos manggigil sa inis.

Hindi niya ako sinagot. At sa halip ay kunot-noo siyang lumabas sa veranda. Bago ko pa man siya natawag ay nakalabas na rin ako at nagulat sa nakita. Sandali akong natigilan at napatitig sa nagmamay-ari ng anino.

What the hell?

Isa iyong standee, malaking standee. Hindi ko malaman kung matatawa ako o magagalit, naghalo ang nararamdaman ko. Nakatalikod iyon sa amin, tanging stand ang makikita.

Sinuyod ng tingin ni Taguro ang madilim na paligid ng hotel. Nang walang makita ay saka niya hinarap ang nakakalokong standee. Pinakatitigan niya iyon nang may magkahalong pagtataka at inis. Muli akong natinag nang lingunin ni Taguro, sandali kaming nagkatitigan.

Nagtataka akong lumapit at nagulat nang makita ang hitsura ng standee. "Chairman?" nauutal sa inis kong sambit na para bang sasagutin ako niyon.

Si Chairman Enrile ang nasa standee. Nakakaloko. Para kaming pinaglalaruan kaya paniguradong tatawa-tawa na sa dilim ngayon ang may pakana nito.

Hindi na iyon ang unang beses kong makakita ng standee ni Chairman. Madalas gamitin ang iba't ibang uri ng standee niya sa t'wing may okasyon kung saan isa siya sa mga malalaking sponsor. Bukod sa standee ay may mga tarpaulin pa siya. Gayunman ay bago sa paningin ko ang hitsura niya sa standee. Hindi ko maalala na may ganiyang picture pala ang Chairman. Iyong nakasuot siya ng puting hospital gown, may necktie at pink na long sleeves sa loob, at may stethoscope sa leeg. Bukod do'n ay may nakaangklang tatlo at may iba't ibang kulay na ballpen sa bulsa ng dibdib. May hawak na chart at labas na labas ang mga ngipin sa sobrang pagkakangiti. Kahit sinong makakita ay sasabihing isa siyang mabait na doktor.

HE'S INTO HER Season 3 | COMPLETED |Tahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon