KABANATA 21

3.9K 303 27
                                    

Lucio's P.O.V.

"Ako mismo ang nakasaksi, Panginoon. " Wika ni Joselito.  Isa sa mga katiwala ko sa aming kuta sa Norte. Hinarap ko ito aking tanggapan bandang alas tres nang madaling-araw, matapos kong masigurong nakatulog na si Senda sa aking silid. "Narating na ni Marietta ang Paraeiah.  Ilan sa mga paling-harap na kasamahan nating Aswang ang tumulong sa kanyang makarating doon nang ligtas.  Anong gusto mong gawin natin sa mga ito? Sabihin mo lang at ako mismo ang lilipol sa mga traydor!"

Sandali akong tumahimik; nag-isip. Lingid kasi rito, na ako mismo ang nag-utos sa isang hukbo ng mga Aswang na iyon na siguraduhin makakarating nang ligtas sa isla ng Paraeiah ang ambisyosang si Marietta. Ngunit ang mga detalyeng katulad nito ay isa lamang sa iba pang mga bagay na hindi ko ibinabahagi kahit kaninuman, lalo na sa mga tulad ni Joselitong mula sa mga lahi ng Aswang.  Masyadong  matagal na akong nabubuhay sa mundo upang hindi pa matutunan na walang sinuman ang maaari kong pagkatiwalaan ng lahat ng aking nalalaman; ng aking mga plano, at ng kahit ano pa mang iniisip ko.  Sapat na ang libong taon, upang maintindihan ko na sa buhay rito sa mundong ito'y walang permanente. Walang naririyan parati.  Walang dumarating na hindi umaalis.

Nabibili ang kahit sinong may pangangailangan.

May mga nilalang na sumasama lamang sa 'yo dahil sa iyong kapangyarihan.

May nananatili lamang kapag may mapapakinabangan pa sa 'yo. Ngunit, agad din namang lumilisan kapag nakakakita ng ibang oportunidad.

Copyright ⓒ DyslexicParanoia (Angela Atienza), 2019, All rights reserved.

"Huwag niyo silang gagalawin." Turan ko, matapos ang napakahabang sandali. "Hayaan niyo lamang na isipin nila na wala akong alam. Hayaan mo lamang na isipin ni Marietta na ligtas siya sa isla na iyon. May plano na ako para sa kanila."

"Pero, Panginoo--"

"Makakaalis ka na, Joselito." Pagputol ko sa sasabihin sana nito. "Sundin mo na lang ang iba ko pang ipinag-uutos sa 'yo kung ayaw mong ang lahi ninyo ang--"

Bigla itong lumuhod at yumuko sa aking paanan.  Kilalang-kilala ko na talaga ang Aswang na ito.  Isa ito sa mga sipsip, at may kayabangan pagdating sa iba ngunit 'yun lamang naman ang mayro'n ito. "M-masusunod po." Matindi ang takot nito sa akin at 'yun lamang ang tunay na dahilan kung bakit pinaglilingkuran ako ng kanilang angkan. Nagsimula ito nang pugutan ko ng ulo sa kanilang harapan ang dati nilang  pinuno, nang dahil lamang sa pagsagot nito sa akin nang pabalang.

***

"Ano?!"  Halos mabasag ang tenga ko sa pagpalahaw ni Senda. "Pasasakayin mo ako sa likod nito?" itinuturo nito ang Aswang na tik-tik na siyang inutusan kong maghatid kay Senda pabalik sa kubo nito. "Di ba may sasakyan ka naman?"

Tiningnan ko muna ito nang matalim bago ito muling nginisian. "Hindi mo ba nakikita kung nasaan tayo?" ibinuka ko ang aking mga braso sa aming kapaligiran, "nasa gitna tayo ng isang isla!"

"Wala ka bang barko, bangka o kahit balsa?"

Meron pero, "wala," pagsisinungaling ko, "pero kung mas gusto mong tumawid sa dagat kaysa sa himpapawid, puwede naman kitang ipahatid kina..." bumaling ako sa mga nilalang na papalapit sa kanyang bandang likuran, "psst! Pumarito nga kayo!" Pagtawag ko sa mga ito. Mabilis namang humakbang ang mga ito sa aming direksyon.

"Ayyyy pinalakol na tambakol!" Gulat na gulat na nagtago sa likuran ko si Senda nang sa paglingon nito ay nakahilera na sa kanyang lukuran ang isang dosenang siyokoy. Hindi ko mapigilan ang pagtawa ko kaya palihim na tinakluban ko na lamang ang bibig ko ng aking kanang kamao.

"Bakit po, Panginoon?" tanong sa akin ng isa sa mga ito.

"Ihatid niyo nga si Senda sa kabilang ibayo."

"Sige po!" Nakabungisngis ang mga ito kay Senda na tila mga manyakis na may kaliskis na siya namang naging dahilan ng mas mahigpit na pagkapit ni Senda sa aking kaliwang braso.

"Iih..." nakangibit na bulong ni Senda. Tila diring-diri ito sa mga halimaw sa dagat na kanyang nakikita. "Papa'no naman ako ihahatid ng mga 'yan?"

Ngumisi ako nang palihim, "ano pa, eh 'di maglalangoy kayo."

"Ano?!" Itinulak ako nito. Nagkunwari naman akong napabuwal sa napakahinang puwersa nito. "Eh hindi ako marunong maglangoy eh!"

Pilit ko pa ring itinatago ang aking pagbungisngis upang nang sa kanyang paningin ay siryoso ako, "'wag kang mag-alala. Hihilahin ka lamang naman ng mga 'yan patungo sa kabila. 'Yun eh kung hindi magbago ang isipan nila at iuwi ka na lamang nila sa kanila. Alam mo kasi..." sandali akong kunwari'y nag-iisip, "naghahanap talaga sila ng mga babaeng tao  para kanilang mapangasawa. Nangangaubos na rin kasi ang lahi nila dahil sinusulot na rin ng mga lalaking tao ang kanilang mga sirena."

Namilog ang mga mata ni Senda, "ano?! Ipagkakatiwala mo ako sa mga Siyokoy na 'to?! Akala ko ba magkaibigan tayo?!"

"Ha?" kunwari'y gulat na gulat ako, "magkaibigan? Kailan pa tayo naging magkaibigan? May sinabi ba ako sa 'yo na magkaibigan tayo?"

Hindi ito makapagsalita, bagaman nababanaag sa mukha nito ang takot, panlulumo at pag-aalala.

"Ang totoo niyan..." nang maramdaman kong kaunti na lamang ay iiyak na ito.  "Naibenta na talaga kita sa mga kampon ni Lucio. Ikaw, kapalit ng tatlong bara ng ginto at isang garapong perlas. Alam mo na, kailangan ko rin naman kasing maghanap-buhay para makabili ako ng mas magagarang sasakyan at iba pang mga bagay na mahalaga para sa 'kin. Ito talaga ang hanap-buhay ko. Ang manguha ng mga babaeng maaari kong ibenta kay Lucio o sa mga kampon nito."

Nagsimula na itong humikbi at pumungas-pungas. Hindi ko alam kung bakit nasasabik ako na nakitang umiiyak ang babaeng ito. Hindi ko rin maipaliwanag kung bakit naaaliw akong inisin ito. Napakatagal na panahon na, ngunit ngayon lang muli ako nakarandam ng isang bagay na kaaaliwan ko; pampawi man lang sa pagkainip ko sa buhay kong hindi pa matapos-tapos at hindi ko alam kung may katapusan nga ba. Pampalibang habang hinihintay ko ang kapanganakan ng nag-iisang taong maaaring kumitil sa masalimuot na buhay ko. Ang buhay ko na sa maling pag-aakala ni Marietta ay gusto kong mas humaba pa.

Gusto ko nang mamatay. 'Yun ang totoo. Kaya gagawin ko ang lahat, maipanganak lamang nang ligtas ang batang may kakayahang tumapos sa akin balang araw.

Matagal pa 'yun dahil kapapanganak pa lamang ng anak ni Marietta, pero maghihintay ako. 

Kahit gaano katagal, maghihintay ako.

[ITUTULOY]

My Guardian DevilTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon