36. Official

4.8K 278 53
                                    

SA isang dako roon...

Isang puting sasakyan ang nakatigil sa gilid ng kalsada. Walang makikitang kahit na ano mang establisyemento roon kundi puro mga nagtataasang damo.

Isang matandang lalaki ang nasa loob, may hawak na camera at nag-i-scroll doon. Paulit-ulit nitong ni-replay ang mga nakunang litrato at video.

"Sino ka? Bakit kinuha mo si Lorraine ko?"

Bakas sa mukha ng lalaki ang galit.

"Hahanapin kita. Magtutuos tayo."

Maririnig ang pagbabanta sa boses ng lalaki. Nakakapanghilakbot ang tono. Parang iyong tipong serial killer sa isang horror movie.

Biglang gumalaw ang walang-malay na matandang babae na nasa passenger's seat.

Napaangat ng ulo ang lalaki at bahagyang napaungol sa inis. "Kung mamalasin ba naman at matandang babae pa ang nakuha ko," palatak nito. Sinundot nito gamit ng dulo ng baril ang walang-malay na ginang. "Wala ka rin namang silbi sa'kin, kaya siguro'y papatayin na kita."

Tumingin sa paligid ang lalaki. Pagkatapos ay muling binalingan ang babae. Kinalabit na nito ang gatilyo ngunit walang lumabas doon. Napamura ito nang makitang wala nang bala ang baril. Sinipa na lang nito palabas ang matandang babae, walang pakialam kung matigas na semento ang kinahulugan nito. Pagkatapos ay pinasibad na ang sasakyan.

----

"NASA'N tayo, Brie? Anong isla 'to?" naitanong ni Lorraine nang dumaong na ang lantsang sinasakyan nila.

Matapos ang pagtakas mula sa Batangas ay bumyahe naman sila papuntang Norte. Sumakay pa sila ng eroplano bago sa lantsang iyon.

"Isla Del Mundo ang tawag sa lugar na ito. Isinunod ang pangalan sa unang taong nagmay-ari ng buong isla. Wala siyang naging anak o asawa, kaya kinalaunan ay ipinamahagi niya ito sa mga tauhan niya. At ang mga nakatira dito ngayon ay salinlahi rin ng mga tauhang iyon," sagot ni Brie. Hawak sa kamay si Lorraine. Pareho na rin silang nakapagbihis. Inabot sila ng magdamag sa biyahe. Kasabayan nilang naglalakad ang limang bodyguards na kasama pa rin nila.

"Saan tayo tutuloy dito?" Inilibot ni Lorraine ang paningin.

Iilan lang ang mga taong nakikita niya, pero sa tingin niya ay hindi naman nalalayo sa kabihasnan ang lugar. May nakita siyang nag-iisang tindahan sa gilid. Mukhang moderno na rin iyon at may cable pa ng PLDT na nakakabit sa taas ng bubong. Sa isa pang gilid ay may mga nakaparadang tricycle, pero kakaiba ang istilo noon, parang kalesa at nasa gitna ang manibela.

"May property ang kaibigan ko rito. Doon tayo tutuloy," ang sagot ni Brie.

"Paano mong na-utilize ang lahat ng ito?" Hindi maiwasang magtaka ni Lorraine. Sa pagkakaalam niya ay isang simpleng film editor lang si Brie, kaya hindi niya lubos-maisip kung paano nitong naisakatuparan ang mga ito. Tiningnan niya ang mga kasamang lalaki. Mukhang hindi rin basta-basta ang mga iyon. "Sino ba 'yong kaibigang sinasabi mo?"

Straight-phobia (GirlXGirl)[Completed]Tahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon