41. Ang Ganti ni Brielle

4.5K 250 112
                                    

Trigger warning: Curses and violence ahead.

HINDI na naituloy ni Lorraine ang sasabihin. Ganoon pa man, kung pagbabasehan niya ang reaksyon nito, ay batid na ni Brie kung sino ang nasa unahan. Bigla ang pagsulak ng galit sa buong pagkatao niya. Naninigas ang panga niya sa pagkamuhing nararamdaman. Naalala niya ang inilahad ni Mario. Nag-iinit ang buo niyang katawan sa galit.

'Hayop. Hayop.'

Pumihit siyang paharap sa lalaki. Gustong-gusto na niyang sugurin ito. Subalit ang hawak nitong baril sa isang kamay ang pumipigil sa kanya. Gusto niyang magsisi na lumayo sila sa mga tauhan. O kahit pa kay Jace. Hindi bale na sana kung si Jace ang makakuha kay Lorraine, huwag lang ang demonyong ito.

Napakiling naman ng ulo ang matandang diyablo. Amused pang nakatingin sa kanya. May dinukot ito sa bulsa. Mula roon ay inilabas ang silencer at ikinabit iyon sa baril. Habang ginagawa iyon ay nagsalita ito, "I wonder why I was getting such kind of hatred from you."

Nag-usok ang ilong ni Brie. "King-ina mo," mariin niyang bigkas na puno ng galit. "Iniisip mo pa kung bakit, ha! Papatayin kitang hayop ka!" buong-gigil niyang sigaw.

Biglang nawala ang ngiti sa mukha ng matandang hukluban. Mukha itong malinis sa anyo. Bagong-ahit. Bagong-gupit. Bagong-kulay pa ang buhok. Disenteng tingnan sa suot na uniform ng piloto. Malinis mang tingnan ay umaalingasaw ang nabubulok nitong pagkatao. Ramdam iyon ni Brie.

"Hoy, babae..." Malumanay ang boses nito ngunit hindi niya mawari kung bakit kinikilabutan siya. "Anong karapatan mong magalit sa akin?" Tumingin muna ito sa lupa at nang iangat nitong muli ang mga mata ay nanlilisik na ang mga iyon. "Ako ang dapat magalit sa'yo!" Nawala na ang pagkalumanay ng boses nito.

Gustong matakot ni Brie sa hitsura nito. Para itong lobong naglalaway na handa nang umatake ano mang oras. At hindi lang basta lobo — isang baliw na lobo. At hindi lang basta baliw... Isang demonyo. Isang demonyong baliw na lobo.

"Anong karapatan mo! Anong karapatan mong hawakan ang Lorraine ko?!" sigaw pa nito. "Akin lang si Lorraine! Akin! Wala kang karapatan sa kanya! Hindi mo siya puwedeng angkinin dahil una siyang naging akin!"

Napatagis ng mga ngipin si Brie habang nakikinig sa litanya ng matanda. "Sira-ulong matandang hukluban na 'to..." Gusto niyang maghanap ng kahit anong maibabato o maipamumukpok, para naman matauhan ito. "Ulol. Hayop."

Natigilan lang si Brie nang mapansing wala na sa tabi niya si Lorraine. Nang lingunin niya ay ilang hakbang na ang layo nito mula sa kanya. Parang dinudurog ang puso niya sa nakikitang vulnerability sa mukha nito. Nakahawak ang dalawa nitong kamay sa dibdib. Kumikinang sa takot ang mga mata.

"Lorraine..."

Agad nabali ang leeg ni Brie sa pagtawag ni Terrio sa pangalan ni Lagring. Nanginig siya sa galit. Walang karapatan ang makasalanang bibig nito na sambitin ang pangalan ng babaeng mahal niya. Mas nagagalit siya sa sarili dahil wala siyang magawa nang sandaling iyon.

"Lorraine..." ulit muli ni Terrio, "Halika ka rito... Lumapit ka sa Papi..." Animo ito nakikipaglaro sa bata habang nagsasalita.

Straight-phobia (GirlXGirl)[Completed]Tahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon