Part 9

1.1K 37 0
                                    

By Michael Juha

getmybox@hotmail.com

fb: Michael Juha Full

------------------------------------

Tahimik. Tila naubusan ako ng sasabihin, hindi makapagsalita. Mistula akong nasabugan ng bomba sa sobrang pagkabigla at pagkaawa sa kanya.

Nagpatuloy siya. "Ngunit iyon na rin ang daan upang makalabas ako sa vicious cycle ng buhay kong iyon. Napag-alaman nilang minor ako kung kaya ay dinala ako sa DSWD. Sa loob, pinilit kong magpakabait. At doon na ako nakita at inampon ng mababait na mag-asawang Amerikano at Pinay na hindi biniyayaan ng anak. Sila ngayon kinikilala kong mga magulang. Nakahabol din ako sa pag-aaral. Na-accelerate isang beses sa high school, naka-ilang beses na ring nakapunta ng Amerika. Kung kaya ay heto, tila naibalik na ang aking pagkatao at dignidad. Ngunit... hindi ang phobia ko sa pagtitiwala sa tao. Nand'yan pa rin ang takot na magtiwala sa motibo nila sa pakikitungo sa akin. Matindi pa rin ang epekto ng aking karanasan sa pschological na aspeto ng aking pagkatao. Kahit ang mga taong umampon sa akin ay minsan, pinaghihinalaan ko rin. Oo, isa akong paranoid. Hinid rin naman siguro akomasisisi dahil nga sa nangyari sa akin. Hindi ko kayang kontrolin ang takbo ng aking isip. Nakikihalubilo ako sa mga tao ngunit sa loob ng aking utak, may pag-aalangan, may matinding pagsususpetsa, may matinding takot."

Sobrang pagkamangha ko talaga sa narinig na kuwento ng buhay niya. Ang buong akala ko ay ako na ang may pinakamatinding problema sa mundo. "B-bakit mo sa akin sinasabi ang lahat nang ito?" ang naitanong ko na lang.

"Ewan... ambigat-bigat kasi ng aking dinadala. P-arang hindi ko na kaya. Kung kaya naisipan kong sabihin sa iyo ito para kahit papaano lumuwag-luwag ang aking damdamin."

"B-bakit ako?"

"Feeling ko kasi, mapagkatiwalaan ka. Parang ang gaan ng loob ko sa iyo."

Napangiti ako ng hilaw. "S-salamat. At pangako ko sa iyo, your secret is safe with me."

"Salamat..." ngumiti siya. "At ikaw, kuwento ka naman ng buhay mo. May sinabi ka yatang magkapareha ang kuwento ng buhay natin."

At hayun, ako naman ang nagkuwento. Sinabi ko sa kanya ang lahat. Maliban na lang sa eksenang kasalan ng aking mga magulang at sa babaeng nagbigay ng sumpa. Ayaw kong pagtatawanan niya ako. At tinapos ko ang kuwento ng, "Hayan... malungkot din ang aking buhay. Bagamat pilit kong bumangon, hindi ko maiwasang malungkot kapag may nakikitang tila natatakot sa aking mukha, o ba kaya ay nagbubulungan. Iyan naman ang epekto nito sa akin. Kung ako lang sana ang masusunod, ayaw ko nang mabuhay pa sa mundo. Sobrang hirap na sa araw-araw, kinokumbinse ko ang aking sarili papaniwalaing hindi ako ganyan ka-pangit, o kaya ay, may tao pa ring darating sa buhay mo na magpasaya sa iyo o kaya ay isang araw, gu-guwapo ka rin habang ang mga taong nakaharap mo, nakakakita sa iyo sa lansangan, halata namang nandidiri o tinitingnan kang parang isa kang alien o extra terrestrial. Ngunit nagpakatatag pa rin ako dahil sa aking Nanay Cora. Mataas ang pangarap niya sa akin. Umaasa siyang isang araw, malalampasan namin ang mga dagok sa aming buhay. Ang inay ko na lang ang nag-iisang dahilan kung bakit gusto ko pang mabuhay. Kung wala na siya, hindi ko na alam kung ano pa ang gagawin ko." Pinigilan ko ang aking sariling huwag pumatak ang luha sa harap ni Mateo. Ngunit tila may mga sariling pag-iisip ang mga ito. Kusang nagsilaglagan sila sa aking mga mata.

"M-masaklap din pala ang kuwento mo."

"Oo naman. Halata naman, di ba? Mabuti ka pa nga, nakapunta na ng Amerika, nakakapag ice-skating, nararating ang mga magagandang tanawin, nakakain ka na ng mga masasarap na pagkain. Ako, hindi pa."

Pahirin ko na sana sa aking kamay ang aking mga luha sa pisngi noong ang kamay ni Mateo ang unang lumapat dito. Pinahid niya ang aking mga luha! "Lugar lang iyon. Tanawin lang, pagkain... Ngunit mas masuwerte ka kasi, kapag may taong magmahal sa iyo, alam mong totoo. Kasi sigurado kang hindi ang panlabas na anyo, pera, o kasikatan ang habol niya sa iyo kundi ang buong pagkatao mo, ang kabutihan ng iyong puso." sambit niya.

Ewan... siguro ay naawa lang siya sa akin. Ngunit ang hindi ko akalain ay ang sunod niyang ginawa. Inilapat niya ang kanyang bibig sa aking pisngi. Hinalikan niya ako! At hindi lang iyon, hinawakan pa niya ang aking ulo at akmang hahalikan na sana sa labi.

Dahil sa aking pagkagulat, bigla akong kumalas sa kanyang paghalik. Nahiya kasi ako. Ikaw ba naman ang may depormadong pisngi at hinahalikan pa iyon ng iyong prince charming, nakaka-tense talaga. At parang hindi ko kaya. Naisip ko tuloy na baka dahil pangit ako kung kaya ang lakas ng loob niyang gawin iyon sa akin. Kahit naman kasi gusto mo ang isang bagay ngunit kung ang paraan ng pagkuha noon ay hindi mo gusto, parang mahirap tanggapin. "At bakit niya ako hahalikan sa bibig?" tanong ko sa sarili.

Yumuko na lang ako, hindi kumibo.

"S-sorry." ang sambit niya.

"U-uuwi na lang ako, Matt." ang sagot ko naman.

"G-galit ka ba?"

"H-hindi ah. B-bakit naman ako magagalit. Wala iyon..."

"Ayokong umuwi ka na may galit sa akin."

"Wala nga."

"Smile ka nga muna?" sabay masid sa aking mukha.

At binitiwan ko ang isang napilitang ngiti, "Hayan o..." sabay rin takip ng bibig ko sa aking kamay dahil sa hiya ko sa aking mukha.

Napangiti na rin siya.

Ngunit hindi na ako kumibo. Ang isip ko ay puno pa rin ng kalituhan sa kanyang ginawang paghalik.

"May sasabihin muna ako sa iyo."

"A-ano?"

"Mahal kita..."

Parang hinataw na naman ng matigas na bagay ang aking ulo sa sinabi niyang iyon. At lalo lamang akong nagpumilit na umuwi. "Uuwi na ako Mateo, please." ang sambit ko sabay tayo, halatang nairita na.

"Ok, fine... Ihahatid na kita!" ang tila pagdadabog niya nang hindi ko pinansin ang kanyang sinabi.

Para rin akong nakonsyensya. Umupo ako muli sa tabi niya, nanatiling nakayuko. "Mateo... ang totoo, may naramdaman din ako. Sino ba ang hindi ma in love sa iyo? Ngunit hindi ko iniexpect na aabot sa ganito eh. Hindi ako makapaniwala. Parang pagmamaniubra lamang ang lahat. Sa kalagayan kong ito ba ay may maniniwalang mamahalin pa ako ng kagaya mo? Sa kalagayan mo ba ay may maniwalang tunay ang pagmamahal mo sa akin?"

"Hindi nila kasi alam ang kuwento ng buhay ko. At iyan ang puntong gusto kong i-disprove. Na hindi lahat ng tao sa mundo ay ang habol lamang ay panlabas na anyo."

"Nalilito ako, Mateo... natatakot. Maraming pagsubok na ang dumating sa aking buhay. At kung totoo ngang mahal mo ako at papayag akong maging tayo, paano kung sa bandang huli ay mabibigo rin ako at masaktan? Baka ito na ang dahilan upang tuluyan ko nang kitilin ang aking buhay."

"Puwes maniwala ka... totoo ang naramdaman ko. At hindi kita pababayaang masaktan."

"H-hindi ko alam... hindi ganyan kadali."

"Magtiwala ka..."

Hindi ako kumibo.

"So... tayo na?"

Hindi pa rin ako nakakibo.

"Magsalita ka naman please. Sagutin mo ako. Tayo na?" sabay bitiw ng isang titig na mistulang nagngungusap, nagmamakaawa.

At ewan. Mistulang hinigop ang buong pagkatao ko sa mga titig na iyon ni Mateo. Para akong isang biktima ng budol-budol na wala nang nagawa kundi ang tumango.

"Yes! Yes!!!" ang sigaw niya. Pakiramdam ko talaga ay totoo ang kanyang naramdamang saya.

At hinawakan niya ang aking kamay at tinangkang patayuin ako. Noong pareho na kaming nakatayo, hinawakan niya ang aking ulo at tinangkang halikan na naman sana ang aking bibig.

Ngunit umiwas ako. "Huwag... saka na." ang sambit ko lang.

"B-bakit?"

"B-basta. Saka na lang" ang naisagot ko. Parang naaasiwa kasi akong makikipaghalikan. Ang pangit ng mukha ko at nakikipaghalikan sa isang Mateo. Hindi naman siya tumutol.

(Itutuloy) 

SumpaTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon