Kabanata 28

226K 14K 57K
                                    

[Chapter 28]

"I-IBIG mo pa ba ng karagdagang kandila?" tanong niya dahilan para matauhan ako at agad napalingon sa kaniya. Nakatayo niya sa tapat ng pintuan ng kwarto at nakabukas ng malaki ang pinto. Napaisip ako nang mabuti, nagkamali ba ako ng narinig sa sinabi niya?

"Ha?"

"May kailangan ka pa ba bago ako umalis?" tanong niya, napatulala na lang ako at napakurap sa kaniya ng dalawang beses. Mali ba talaga 'yung narinig ko?

At dahil mukhang nakikipag-usap siya sa hangin, tumalikod na siya at akmang aalis na. Natauhan ako muli saka humabol sa kaniya, "Sandali... Hindi mo ba ako sasamahan ngayong gabi?" maging ako ay nagulat dahil diretsong lumabas iyon sa bibig ko.

Napatigil siya sa paglalakad saka napalingon muli sa'kin. "T-tinanong mo kasi ako kanina kung gusto ko bang samahan mo ako dito ngayong gabi..." saad ko, kumakabog ng malakas ang puso ko.

Tulala siyang nakatingin ngayon sa'kin na parang hindi siya makapaniwala na gusto kong magsama kami ngayong gabi ng kaming dalawa lang sa loob ng bahay na ito. Napapikit na lang ako sa hiya, wala nga siyang sinabing gano'n based sa reaksyon niya ngayon. Siguradong nadala lang ako ng nakakainis kong imagination kanina dahil kung anu-anong kapusukan ang pumapasok sa isipan ko.

Tumingin ako kay Sebastian saka ipinikit ko ang aking mga mata, "Nananaginip ata ako!" saad ko saka nagkuwaring nagising ang diwa. "Oh, bakit nandito ka pa Baste?" maayos kong tanong, kunwari ay wala akong ideya sa pinagsasabi ko kanina.

Nakatingin lang siya sa'kin na parang naguguluhan siya sa pagkatao ko. "Matutulog na ako" patuloy ko gamit ang mahinahong tono habang pilit na ikinukubli ang puso kong sumasabog na ngayon sa kahihiyan at kaba.

Tumalikod na ako saka pumasok muli sa kwarto. Isasara ko na dapat iyon pero nagulat ako nang may sapatos na pumagitna sa pinto. Gulat akong napaatras nang magtama ang mga mata namin ni Sebastian. Binuksan na niya ang pinto at pumasok sa kwarto.

Halos lumuwa ang mga mata ko habang sinusundan siya ng tingin, may kinuha siyang banig sa ilalim ng kama. Binuksan niya rin ang aparador at may kinuhang isa pang kumot at unan doon. Magsasalita pa sana ako ngunit nauna na siya.

"Dito na ako matutulog" tipid niyang wika saka lumabas sa kwarto ko at naglatag siya ng banig sa sahig. Nasa tapat siya ng kwarto kung saan may malawak na space pa doon sa tabi ng mga bookshelves kung saan nakapatong ang mga librong binebenta.

Hinubad niya ang suot na asul na uniporme dahilan upang makita ko ang puting kamiso na suot niya sa ilalim niyon. Humiga na siya sa banig. Para akong ipis na nakadungaw sa pintuan at gulat na nakatingin sa kaniya.

"Hindi ka pa matutulog?" tanong niya habang nakataas ang kaniyang braso upang gawing unan sa ulo. Mukhang sineryoso nga niya ang sinabi ko. Hindi ko naman siya pinilit na matulog dito ngayon.

Ipinikit na lang niya ang kaniyang mga mata. "Matulog ka na at huwag nang mag-isip ng kung anu-ano riyan" bilin niya dahilan para gulat kong isinara ang pinto. Napasigaw na lang ako nang walang boses na lumalabas sa aking lalamunan. Wala na atang tatalo sa mga kahihiyang nagawa ko sa harapan ni Sebastian Guerrero!


HATINGGABI na, hindi ako makatulog. Sinisikap ko ring hindi makalikha ng ingay lalo na sa tuwing umiikot-ikot ako sa higaan. Kanina pa ako nakakaramdam ng uhaw pero hindi ko magawang lumabas ngayon para kumuha ng tubig sa pitsel na nakapatong sa mesa.

Ilang ulit din ako umiiling sa sarili sa ideya na silipin ko sandali kung paano matulog si Sebastian. Sa huli, bumangon na ako sa kama at dahan-dahang binuksan ang pinto ng kwarto. Bitbit ang isang kandila ay maingat akong lumabas doon.

Salamisim (Published by Bliss Books)Tahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon