Kabanata 31

229K 14.1K 61.6K
                                    

[Chapter 31]

MAS lalong lumakas ang bulungan at nagpabalik-balik ang tingin ng lahat sa akin at kay Sebastian. Saka ko lang napagtanto na isang malaking kahihiyan pala itong ginawa ko. Tila hinuhusgahan nila ang aking buong pagkatao habang nakatayo sa tapat ng pintuan.

"Sino ang babaeng iyan?" bulong ng ibang kababaihan. Napakagat ako sa aking labi, halos walang kurap pa ring nakatingin sa'kin si Sebastian. Hindi naman malaman ni Maria Florencita ang gagawin.

"Bakit niya ibig itigil ang kasal?" tanong ng ilang lalaki, napapikit na lang ako. Naalala ko na may sunod na linya pala dapat akong sabihin. Kapag sinabing itigil ang kasal kasunod niyon ang dahilan kung bakit. Napatikhim na lang ako, ano ba ang dapat kong sabihin? Kailangan valid reason para matigil talaga ang kasal.

"B-buntis ako!" sigaw ko na mas lalong ikinagulat ng lahat. Napahawak sa batok sina Don Antonio at Don Florencio. Nabitawan naman ni Maria Florencita ang hawak niyang bulaklak.

Nagsimulang maglakad nang mabilis si Sebastian papalapit sa'kin dahilan para mas lalong magulat ang mga bisita habang sinusundan ng tingin si Sebastian.

"Sebastian!" sigaw ni Don Antonio na ikinatahimik ng lahat. Maging ako ay nasindak nang umalingawngaw ang boses nito sa loob ng simbahan. Sinubukan niyang pigilan ang kaniyang nag-iisang anak pero agad hinawakan ni Sebastian ang pulso ko nang makalapit na siya sa'kin.

"Nagdadalang-tao na ang babaeng iyan? May ibang babae ang heneral?!" saad ng ilang ale, nakalabas na kami sa simbahan. Napawi ang ngiti ng lahat nang makitang hawak na ni Sebastian ang kamay ko. Dali-dali niya akong sinakay sa isang kabayo at inabutan ng barya ang may ari niyon.

"Habulin niyo sila!" sigaw ni Don Antonio pero hindi alam ng mga guardia ang gagawin dahil si Sebastian ang heneral. Bukod doon ay wala naman itong labag sa batas. Hindi naman labag sa batas ang tumakas sa isang kasal.

Ramdam ko hanggang lalamunan ang lakas ng tibok ng puso ko. Ang bilis ng pangyayari at ngayon ay kasama ko na ulit si Sebastian. Mabilis niyang pinatakbo ang kabayo habang nakakulong ako sa mga bisig niya.

Napalingon ang lahat sa pamilihan, may ibang nakakilala kay Sebastian dahilan para magtaka sila dahil ngayon ang araw ng kasal nito. "Saan mo ibig magtungo?" tanong niya, hinawakan ko ang buhok ko dahil tumatama ito sa kaniya.

"K-kahit saan" tugon ko, hindi na siya nagsalita hanggang sa makarating kami sa pamilyar na palayan kung saan niya ako dinala noon na inakala niyang panaginip lang ang lahat. Itinabi niya ang kabayo sa gilid ng kalsadang lupa at itinali iyon sa puno.

Nilahad niya ang kaniyang palad sa tapat ko, hinawakan ko ang kamay niya pababa ng kabayo at naglakad kami papunta sa ilalim ng puno. Tulad dati ay maganda ang sikat ng araw at kulay asul ang kalangitan.

Napansin niya na paika-ika akong maglakad kaya tumigil siya saka tiningnan ang paa ko. Sinubukan kong ngumiti pero nagulat ako nang umupo siya sa tapat ko. "Maaari ko bang suriin?" tanong niya, tumango ako bilang tugon. Hindi normal na makita ng lalaki ang talampakan ng babae.

Hinawakan niya ang kaliwang paa ko, medyo namamaga na ito. Wala pa namang yelo kaya hindi ko maaagapan ang pamamaga. Huminga siya nang malalim saka tumayo. Nagulat ako nang bigla niya akong buhatin papunta sa ilalim ng puno.

Nagsisimula na ang mga cliché na pangyayari sa aming dalawa pero inaamin ko na sumasabog ngayon ang puso ko. Maingat niya akong pinaupo sa damuhan saka siya umupo sa tabi ko. Hindi ako makatingin sa kaniya, sino ba namang hindi mahihiyang magpabuhat.

"Anong nangyari? Ikaw ay nakaligtas" panimula niya. Matagal ko na itong pinag-isipan, kung ano ang mga sasabihin ko kapag nagkita kami ulit.

"N-Niligtas ako ni Padre Emmanuel, sa kumbento ako namalagi ng higit isang buwan" tugon ko, nakatingin lang si Sebastian sa akin. Pilit niyang pinagtatagpi-tagpi ang mga pangyayari. "Siya ang kumuha sa iyo sa pagamutan?" tumango ako bilang tugon.

Salamisim (Published by Bliss Books)Tahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon