Kabanata 33

290K 13.5K 44K
                                    

[Chapter 33] Third Person POV

MAKAPAL ang usok ng hamog na bumabalot sa kagubatan. Mabilis na tumatakas ang mga rebelde na ngayon ay hinahabol na ng mga guardia civil. Ang ilan ay sugatan at paika-ika na sa pagtakbo. Ang mga naaabutan ay binabaril at sinasaksak ng bayoneta.

"Maghiwa-hiwalay tayo ng daan. Sa kuweba sa kalooban ng bundok tayo magkita-kita" wika ni Lorenzo, may tama na siya ng bala sa balikat. Akay-akay siya ni Santino. Tinutugis sila ng hukbo sa pangunguna ni Roberto na asawa na ni Maria Florencita. Nalinlang sila at hindi natuloy ang planong pagtakas sakay ng barko. Patungo na sila sa daungan nang tambangan ng mga guardia civil.

"Tahakin niyo nila Mang Pedro, Aling Pacing at Santino ang bakawan" patuloy ni Lorenzo sabay hawak sa dibdib. Hinawakan ni Angelita ang kaliwang kamay ni Lorenzo at ipinatong sa balikat niya upang alalayan na rin ito sa pagtakbo.

"Paano ka?" tanong ni Angelita kay Lorenzo. Maging si Santino ay naguguluhan sa gustong mangyari ng kapatid. Napapikit sa kirot si Lorenzo, umaalingangaw sa gubat ang sigawan at sunod-sunod na putok ng baril. Isa-isa nang natutumba ang mga tulisan na tumatakas ngayon.

"Huwag niyo na akong alalahanin. Iligtas niyo ang inyong sarili. Iligtas niyo ang samahan!" umiiling na tugon ni Lorenzo. "Ano? Huwag kang magsabi ng ganiyan!" saad ni Santino, niyugyog niya pa ang balikat ng kapatid upang bumalik ang ulirat nito.

"Hindi ka namin iiwan dito!" wika ni Angelita habang nakatingin sa mga mata ni Lorenzo. Mabagal at mahirap ang kanilang bawat hakbang. Nahihirapan din ang mga guardia sa pagtugis dahil sa dilim at marami na silang naabutang tulisan.

Tinatahak na nila ngayon ang mabatong ilog nang marinig nila ang malapit na sigaw ng mga guardia. Gulat na napalingon sina Angelita at Santino sa sampung guardia na paparating. "Mauna na kayo!" wika niya sabay tingin kay Santino. Animo'y isang pakiusap o habilin iyon na siguraduhin niyang makaalis sila ng buhay at gumaling si Lorenzo.

Bumitaw si Angelita sa pag-alalay kay Lorenzo sabay hugot sa rebolber na nakuha niya sa isang guardia na napaslang kanina.

"Angelita!" tawag ni Lorenzo. Sandali silang nagkatinginan. Alam din ni Santino ang ibig mangyari ni Angelita. Minsan na nilang napag-usapan na kung sakaling matugis ang lahat ng miyembro ng samahan. Ibig ni Angelita na mabuhay silang magkapatid. Ibig niyang mabuhay si Lorenzo kahit anong mangyari, kahit hindi niya kayang suklian ang kaniyang pagmamahal.

"H-huwag mong kalimutan ang layunin ng ating samahan" iyon ang huling sinabi ni Angelita habang nakatitig sa mga mata ni Lorenzo. Huwag mong kalimutan ang pag-ibig ko at ang ating pinagsamahan. Ipinapaubaya na niya ang paghihiganti na nais niyang makamit ng samahan laban sa mga opisyal, lalong-lalo na kay Don Florencio na siyang pumatay sa kaniyang mga magulang.

"Hindi!" pigil ni Lorenzo ngunit paparating na ang mga guardia na patingkayad kung maglakad sa ibabaw ng mga bato. Pikit-matang hinila ni Santino si Lorenzo, pilit na pumipiglas si Lorenzo ngunit mas malakas ang kaniyang kuya. Hinihila na siya nito papalayo sa ilog.

Tuluyan nang bumagsak ang mga luha ni Angelita. Kailangan niyang pabagalin ang usad ng mga guardia. Kailangan niyang paslangin ang mga ito upang hindi maabutan ang dalawang magkapatid na Cortes. Ibinaling na niya ang tingin sa sampung guardiang paparating.

Nanginginig niyang itinutok ang rebolber sa mga kalaban. Asintado kung bumaril si Angelita. Sanay siya sa paghawak ng baril at pana. Ang rebolber ay may apat na bala na lamang. Apat na bala laban sa sampung kalaban.

Pinaputok na niya ang unang bala na tumama sa noo ng guardia. Bumagsak ito sa batuhan. Ang ikalawa ay sa dibdib ng matangkad na guardia tumama. Sumubsob ito sa mababaw na bahagi ng ilog. Humakbang paatras si Angelita hanggang sa marating niya ang malaking bato kung saan sa likod niyon ay ang malalim na bahagi ng ilog.

Salamisim (Published by Bliss Books)Tahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon