KABANATA 22

4K 298 27
                                    

Madrid, taong 1024 AD.

"Ikinalukungkot ko, Dragomir." Umiiling-iling na wika ng matandang kumadrona sa nasasabik na bagong ama. Ngunit ang pagkasabik na iyon ay agad din namang napalitan ng matinding pagdadalamhati. "Heto na ang inyong supling ni Ysabella." Iniabot ng matanda ang bitbit nitong isang sanggol na lalaki.

Sandaling napipi ang lalaki at nangigilid ang mga luhang tiningnan ang sanggol na iniaabot sa kanya ng kumadrona. Ngunit sa halip na abutin ito ay ikinuyom nito ang mga kamao bago ito nakahanap ng buwelo, upang tunguhin ang silid kung saan nakaratay ang bangkay ng kanyang asawang, kamamatay lamang sa panganganak sa kanilang anak. 

Ilang saglit pa'y umalingawngaw na ang sigaw ng pagtangis nito sa hindi inaasahang pagpanaw ng nag-iisang babaeng disin sana'y makakatuwang niya sa habang-buhay; wala pa man ding isang taon silang nakakasal, matapos ang limang-taong pagsusuyuan.

***

"Ilayo niyo sa akin ang batang 'yan!" Sa tangkang paglalapit sa kanya ng kanyang inang ni Rusticana, bitbit nito ang kanyang anak.

"Hanggang kailan mo ba titiisin ang iyong anak?  Mag-iisang buwan na ang nakalilipas mula sa araw ng kanyang kapanganakan, ngunit hanggang ngayon ay hindi mo pa ito nabibigyan ng pangalan. Ano bang pangalan ang nais ni Ysabella sa inyong supling?"

"Miguelito po."  Pagsingit ng isa sa kanilang mga alipin. "'Yun po kasi ang naririnig kong tawag ni Senyorita Ysabella sa batang kanyang sinapupunan noong panahon ng kanyang pagdadalang-tao.

"Miguelito...Miguelito...Hindi Miguelito kundi si Lucifer!" Galit na galit na hiyaw ni Dragomir dulot ng kalasingan.  "Lucifer ang pangalan batang 'yan! Isang demonyo! Isang sumpa! Isang nilalang na hindi na dapat ipinanganak pa!" Tumayo ito at sisiray-siray na lumapit sa kinaroroonan ni Rusticana. Akmang hahahablutin nito ang sanggol ngunit agad din naman nakalayo si Rusticana rito.

"Maghunos-dili ka nga, Dragomir!" Wika ni Rusticana sa anak, "kung nasasabi mo lamang ang mga bagay na 'yan dulot ng matinding kalungkutan sa pagkawala ni Ysabella, isipin mo naman sana na wala namang kinalaman at kasalanan ang anak niyo roon!"

"At sinong may kinalaman at may kasalanan? Sino ang dapat kong sisihin kung hindi ang batang iyan?" sagot naman ng nagdadalamhating lalaki, "ako? Si Ysabella? Ikaw? Ang Diyos? Huwag mong sasabihing ang Diyos dahil maging ikaw ma'y wala rin namang kinikilalang Diyos!"

Sandaling natahimik si Rusticana bago nito sinabing, "hindi ko alam kung sino ang dapat sisihin. Maaaring wala; maaaring meron, hindi ko alam kung sino, at ano, ngunit kung hindi mo papangalanan ang iyong anak, ay sa pangalang Miguelito ko na lamang uparerehistro ang kapanganakan ng batang ito."

***

"Itigil niyo 'yan! Asawa ko ang nagluwal sa batang 'yon kaya ako lang ang may karapatang magrehistro sa pangalan ng batang 'yon!" Sisiray na lumapit si Dragomir sa harapan ng tanggapan ng munisipyo. Kasalukuyang nakatayo roon ang kanilang katiwala na siya namang inutusan ni Rusticana na mag-rehistro sa kapanganakan ng sanggol. "Lucifer ang ipapangalan ko sa batang iyon, hindi Miguelito!"  Nag-umpisa nang magbulungan ang mga tao sa paligid. "Ipinanganak na may sumpa ang batang 'yon? Anak ito ni Satanas! Hindi 'yan ang tunay kong anak kaya, Lucifer--" humahalakhak na sadyang inaagaw nito ang pansin ng mga nakapaligid sa kanya, "Lucifer ang ibinibigay kong pangalan sa batang 'yon!"

Sandaling nagkatinginan ang katiwala at ang opisyales sa pagrerehistro.

"Akin na nga 'yan!"  Biglang hinablot ni Dragomir ang papeles mula sa pasimano. Sunod na kinuha nito ang kuwil, isinawsaw ito sa botelya ng itim na pluma at saka inumpisahang isulat sa ibabaw ng linya ng pangalan ang mga letrang L...u...c...i--" na agad din namang naputol nang biglang may humablot na dalawang miyembro ng konstabularyo sa magkabilang braso ng lasing na lalaki. Agad din naman itong kinaladkad ng mga ito palabas, bagaman, nagpapatuloy pa rin ito sa pagsigaw at pagwawala.  "Mananagot ang sinumang bubura sa naisulat ko na!" Patuloy na pagsigaw nito. "Lucifer ang pangalan ng batang demonyo!" May halong paghalakhak ito na tila nalagutan na ito ng katinuan, "dahil si Satanas! Si Satanas ang tunay na ama ng batang 'yon!"

My Guardian DevilTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon