Kabanata 34

335K 14.5K 102K
                                    

[Chapter 34] Third Person POV

WALANG imik silang naglalakad pabalik. Nakasuot ng pulang balabal si Angelita. Ang baril na dala niya ay lihim nilang naukibli sa isang kariton na pag-aari ni Mang Tino. Ang kariton na iyon ay dadaan mamaya sa tahanan nila Lorenzo kung saan ibababa nito ang mga armas.

Nakailang sulyap si Marcus kay Angelita, matapos niyang banggitin ang tungkol sa kahilingan na gusto nitong hilingin sa kaniya ay hindi na ito nagsalita. Ni hindi na rin siya nagkaroon ng pagkakataon humingi ng paumanhin sa ginawang paghawak sa dalaga kanina.

Mabagal ang kanilang paglalakad pabalik sa Panciteria. Tulala lang si Angelita, hindi pa rin mawala sa isipan niya ang palitan ng tingin nina Lorenzo at Maria Florencita sa isa't isa. Napailing na lang siya sa sarili at pilit na binubura iyon sa kaniyang isipan.

Napatikhim si Marcus dahilan upang mapatingin sa kaniya si Angelita. Para sa kaniya ay napakahiwaga ni Marcus dahil nalaman din nito kung nasaan siya at ang bagay na gusto niyang hilingin. "M-mapagbibigyan niyo ba ako, ginoo?" tanong ni Angelita, napatingin sa kaniya si Marcus at napatigil sila sa paglalakad.

Nasa gitna sila ng kalsada, may iilang mga tao ang pauwi na rin sa kani-kanilang tahanan mula sa mansion ng pamilya Garza. May mga dala silang pagkain at masayang nagkwekwentuhan tungkol sa kasiyahan. Maraming ilaw sa labas, mga lamparang nakasabit sa labas ng mga tindahan at kabahayan. Nakatingin lang si Marcus kay Angelita, napayuko at napahinga nang malalim ang dalaga, "Bakit may mga pagtingin na hindi kayang suklian?" patuloy nito.

Hindi nakapagsalita si Marcus, nanatili lang siyang nakatingin sa ulo ni Angelita dahil nakayuko ito. Pilit na tinatago ang pagkadismaya at mga negatibong tumatakbo sa isipan niya. "Maraming pagkakataon na niya ako nakitang tumangis, kailanman ay hindi niya nagawang abutan ako ng panyo o tingnan nang katulad ng ginawa niya sa babaeng iyon" patuloy ni Angelita saka mabilis na pinunasan ang namumuong luha sa pag-asang hindi na ito masundan pa.

Iniangat niya ang kaniyang ulo at tumingin kay Marcus, sinubukan niyang ngumiti. "Iyong natatalos ang lahat ng tumatakbo sa aking isipan. Maaari mo bang sabihin sa'kin ginoo na mali ang aking iniisip. Na wala namang kung anong interes si Lorenzo sa anak ni Don Florencio" napatitig si Marcus sa mga mata ng dalaga na kumikislap dahil sa pamumuo ng tubig sa mata nito.

Hindi niya batid kung bakit may kung anong kalungkutan din siyang nararamdaman. Tama ba na maranasan din ng isang karakter na tulad ni Angelita ang nararamdaman niya? "Kung hihilingin mo sa akin na baguhin ang lahat at umibig sayo si Lorenzo... Sa iyong palagay, totoong pag-ibig ba iyon?" sa hindi malamang dahilan ay ang mga salitang iyon ang lumabas sa bibig ng binata.

Madali lang para sa kaniya ang mag-revise at mag-edit ng isang istorya. Ngunit hindi siya sigurado kung gano'n din ba kadali baguhin ang damdamin ng isang karakter. Nanatili pa ring nakatingin si Marcus sa mga mata ng dalaga.

Naalala niya ang kaniyang sarili. Ang pagtingin niya kay Pia ay hindi rin nito kayang suklian. Naitanong niya tuloy sa sarili kung ang nararamdaman niyang iyon ay ibinuhos niya sa karakter ni Angelita. Na tulad ni Angelita ay hindi rin ito kayang mahalin ni Lorenzo.

Hindi niya alam kung anong dapat sabihin. Maging siya ay walang tiyak na sagot kung bakit ba hindi nasusuklian ang pag-ibig ng isang tao. Dahil maging siya ay nakakaranas niyon.

Nagtatalo ang kaniyang isip kung dapat ba niyang sabihin kay Angelita na hindi ito magagawang mahalin ni Lorenzo. Na dapat na lang niyang kalimutan ang pagtingin sa binatang iyon. Ngunit kung gagawin niya iyon ay sisirain niya mismo ang sarili niyang nobela.

Ngumiti si Angelita saka tumawa nang pilit, "K-kalimutan niyo na ginoo ang aking sinabi. Tila pinapangunahan kung ang mga pangyayari. Sadyang mapagmalasakit si Lorenzo kaya niya marahil nagawa iyon. Mabait siya at matulungin sa lahat" wika ni Angelita na animo'y para iyon sa sarili niya. Madiin din ang pagkakasabi niya ng salitang 'Lahat'. Pinapaniwala niya ang kaniyang sarili na isa iyon sa mga mabuting katangian ni Lorenzo na batid ng karamihan.

Salamisim (Published by Bliss Books)Tahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon