CHAPTER 39

1M 42.3K 68.5K
                                    


CHAPTER 39

"OH, YAZ, tuloy ka," nakangiting bumungad sa 'kin si Heurt nang dumeretso ako sa suite na tinutuluyan nila ni Dainty.

"Good evening, tita," nakaramdam ako ng hiya kasi alas dies na ng gabi.

"Kumain ka, ipag-iinit kita," magiliw niyang sabi saka isinenyas ang high chair na nasa kabilang pagitan ng kitchen island. "Kanina pa kita hinihintay, akala ko nga ay naipit ka na sa trabaho."

"Pasensya na, tita," bigla ay nahiya ako. "Nag-extend ako kasi kulang sa nurse 'yong OR."

"Walang problema, wala naman akong ginagawa," ngiti niya. "Saka ganyan talaga sa trabaho ninyo. Ginawan pa ng schedule, ora mismo naman ay nagbabago. Nasanay na ako kay Maxpein."

Bigla ay natigilan ako. Maiintindihan kaya ako ni Heurt kung sakaling magkwento ako kung gayong naiintindihan niya ang schedule ni Maxpein?

"Madalas kasi akong naroon sa bahay nila ni Deib Lohr. Ako ang nag-aalaga kay Spaun. Maghapong wala si Maxpein, minsan ay kinabukasan o ilang araw pa bago umuwi. Kaya ako ang nagluluto para sa asawa niya,"nakangiti pa niyang kwento.

Lalo akong nag-alangang magkwento. Pero sa kabilang banda ay naisip ko na baka ako nga ang may problema.

"Si Deib Lohr naman ay abala rin sa trabaho. Lalo na ngayon na may inaasikaso siyang projects, nagpapatayo ng publikong kolehiyo si More," nakangiting dagdag pa niya.

Napabuntong-hininga ako. "Tita, I'm leaving,"bigla ay sabi ko.

"Ha? Akala ko ba ay mag-uusap tayo? Hindi pa nga yata nag-iinit ang pwet mo riyan sa silya," iba ang pakaintindi niya sa sinabi ko. "Napagod ka siguro sa trabaho?" ngiti niya. "Sandali na lang ito. Kumain ka muna."

"No, tita," bumuntong-hininga ako. "I mean, I'm going to leave Palawan," nagbaba ako ng tingin sa mga kamay ko.

Nasulyapan ko ang gulat na rumehistro sa mukha niya. Bahagya siyang lumapit saka sinilip ang mukha ko. Napapailing akong bumuntong-hininga.

"Ano ba talaga ang nangyari sa inyo ni Maxwell?" naroon ang pag-aalala sa tinig niya.

Napatitig ako kay Heurt, tinitimbang ang magiging husga niya. Pero sa huli ay nagdesisyon na lang akong magkwento. Ikinuwento ko lahat, walang labis, walang kulang. Hindi ako nagsisi dahil pinakinggan ako ni Heurt nang walang panghuhusga. Bagaman may mga sandaling hindi pa man naririnig nang buo ay kinokontra niya ang sinasabi ko.

"Tsk tsk tsk," nakapamaywang, nakasandal ang kaniyang siko sa kitchen island nang umiling. "Iyan ang namana niya kay Maze," bigla ay tumawa siya.

"Ang alin, tita?"

"Iyong pagiging workaholic niya na wala na sa lugar. Tsk tsk."

Umiling siya saka bumuntong-hininga. Tumitig siya sa 'kin nang pagkatagal-tagal na halos ikailang ko. Hindi ko tuloy kinayang labanan.

Tinapos niya ang paghihiwa ng prutas saka muling lumapit sa 'kin. Sa haba ng kwento ko ay natapos ko na ang pagkain. Hindi na ako magugulat kung inabot ako ng isang oras. Dahil kung saan-saang kanto pa lumiko ang kwento ko bago ko natumbok ang patutunguhan.

Nagpakawala siya nang malalim na buntong-hininga. Pakiramdam ko tuloy ay gano'n kabigat talaga ang sitwasyon ko para sa kaniya. Sa sandaling iyon pa lang ay nag-aalala na ako na baka sa tingin niya ay ako lahat ang mali.

"Well," bumuntong-hininga uli siya. "Hindi naman lingid sa kaalaman mo ang nakaraan namin ni More," ngiti niya.

"Yes, tita."

LOVE WITHOUT LIMITSTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon