KABANATA 23

4.2K 301 32
                                    

Lucio's P.O.V.

Hindi na maipinta ang mukha ni Senda, dalawang milya matapos naming suuingin ang kagubatan ng isla. Bakas na bakas na pagkilos at paglalakad nito ang matinding pagod sa walang hinto naming paglalakbay.

"Hay, naku!"  Huminto ito sa isang matandang puno at nagpunas ng pawis sa kanyang noo, "tila walang katapusan ang kagubatang ito.  Alam mo ba talaga kung saan tayo pupunta? Puro matatandang punong magkakamukha lamang naman ang nakikita natin dito eh."

Sinadya kong hindi sumagot. Iniiwas ko rin ang aking mukha, pinag-ipit ko ang aking mga labi, upang maitago ang nagbabadya kong pagtawa.

"Hoy, Luis!" Sabay tapik nito sa aking bandang likuran.  "Alam mo ba kung saan tayo pupunta?"

Gamuntik nang makaalpas ang pinipigilan kong paghagikhik, kaya nagpanggap na lamang akong nasisinok habang humaharap ako sa kanya. Tinakpan ko ng aking mga palad sa aking bibig.

"Mas nauuna ka sa paglalakad, 'di ba?" sabi ko, "sinusundan lang kita kasi akala ko alam mo."

Nagunot ang noo nito, "ano?! Eh paano ko naman malalaman 'yon eh ngayon pa lang naman ako nakariting dito?  Ikaw ang taga-rito, 'di ba?"

"Ako? Taga-rito?" pagmamaang-maangan ko, "hindi ah. Taga ro'n ako sa kabilang isla, pero dito, ngayon rin lang ako nakarating dito."

Nakangangang nakasimangot na pinagmasdan ako ni Senda, "ano?! Ang ibig mong sabihin, lakad lang tayo ng lakad dito na wala naman talagang tamang direksyon na pinupuntahan?"

"Kung sinasabi mo ngayon na hindi mo nga alam kung saan tayo pupunta." Nagkikibit-balikat ako, "Eh 'di ganun na nga.  Sabi ko sa 'yo. Sinundan lang naman kita dahil ikaw ang nauuna sa paglalakad diyan."

Sandali itong natulala bago ito ngumibit at mangiyak-ngiyak na umupo sa isa sa malalaking ugat ng matandang punong kinatatayuan niya. "Anak ng siraulong matsing naman oo." Mahinang wika nito, "kapag minamalas ka nga naman."

Pasimple rin naman akong umupo sa isa sa mga ugat ng matandang puno na pinakamalapit sa kinatatayuan ko.  Sinalubong naman agad ako ng matalim na titig at nilamukos na mukha ni Senda, sa muling pagtatama ng aming mga mata.

Copyright ⓒ DyslexicParanoia (Angela Atienza), 2019, All rights reserved.

"Pag ako dito na namatay, ha-huntingin kita hanggang sa kabilang buhay, tandaan mo 'yan!" Pagbabanta nito sa akin.  Agad na sinundan 'yun ng tunog ng kumakalam niyang sikmura. "Hay ano ba 'yan?..." hinahaplos-haplos nito ang kanyang bandang tiyan. "Nagugutom na ako. Saan naman kaya tayo hahanap ng makakain dito eh puro matatandang puno lamang naman ang naririto."

Hindi ako sumagot, sa halip ay sumipol-sipol pa ako habang lumilinga-linga ako sa paligid. Alam kong maiinis na naman ito sa ginawa ko, pero kaparte na 'yun ng plano ko, dahil ang totoo, alam ko naman talaga kung nasaan na kami.  Nasa gitna na kami ng maliit na islang 'yun. Mga limang milya pa at makakarating rin naman kami sa kabilang dalampasigan kung saan naghihintay na ang isa sa aking mga yate.  Batid ko rin naman na hindi rin namin talaga kayang tawirin ang islang 'yun sa loob ng isang buong araw lang, at hindi rin lingid sa akin na hindi na rin kami nalalayo sa liblib na bahay ng mga taga-sunod kong mag-asawang Aswang na solong naninirahan sa islang 'yun.

"PANGINOON!" Humihikbing wika ni Senda.  Napatingin ako rito.  Noong una'y inakala kong ako ang tinatawag nitong Panginoon, bagaman nagkaroon na ako ng hinala kung sino ang tinatawag nito nang makita ko itong nakaluhod habang nakatingala sa itaas. "PANGINOON, tulungan NIYO po ako. Kung hindi po kayo makapagpapadala ng makakain ko, nawa'y mapagdala naman po sana kayo ng kahit isa man lang sa isang batalyon niyong mga anghel na maaaring gumabay at magbantay sa akin, kahit hanggang sa makalabas man lang ako sa kagubatang ito. PANGINOON, tulungan niyo po sana akong makawala mula sa islang ito. Pagod na po ako at nawawalan na ng pag-asa kung kaya KAYO na po sana ang bahala sa akin." Nag-antanda muna ito bago binigkas ang salitang, "siyanawa."

Sinundan ng matinding katahimikan ang muli niyang pag-upo sa isa sa mga ugat ng matandang puno.

"Pupusta ako." Pagbasag ko sa katahimikan namin, "ipupusta ko ito mismong ulo ko. Walang nakarinig sa mga panalangin mo bukod sa 'kin kaya 'wag ka na masyadong umasa na matutupad 'yang hinihiling mo mula sa KANYA. Alam mo 'yang DIYOS na tinawag mo, wala namang pakialam 'yan kahit kanino. Nakikinig lang 'yun kung kailan NIYA gusto. Ano ba kasing mapapala NIYA kung tutugunin NIYA ang mga panalangin mo?"

Sumulyap ito sa akin, ngunit agad din naman ako nitong inismiran. "Hindi ko hinihingi ang opinyon mo."  Matigas na sagot nito sa akin. "Naniniwala ako na naririnig NIYA ako at tutulungan NIYA akong makaalis dito. Malakas ang pananampalataya ako na milagrosong magpapadala SIYA ng tulong para sa akin. Alam kong hahanap SIYA ng paraan para magkaroon ng katuparan ang aking mga panalangin. Malay mo, ipadala na NIYA na rito ang isa sa kanyang mga anghel upang hayinan tayo ng makakain, kaya ihanda mo na 'yang ulo mo dahil oras na makawala ako rito, ako mismo ang tatagpas diyan dahil sa paglalapastangan at pagdududa mo sa kapangyarihan ng PANGINOON ko!"

"PANGINOON...PANGINOON...." Nag-uuyam na bulong ko, "matatakot na ba ako, ha, Senda? Tsk..." tumayo na ako at pinagpag ang aking sarili, "dumito ka na nga lang muna at hahanap lang ako ng makakain natin bago tuluyang dumilim dito." Nagsimula na akong humakbang palayo.

"Hoy, teka muna!" Pagtawag nito sa akin, "iiwanan mo ako ritong mag-isa?"

Nilingon ko ito habang nagpapatuloy ako sa paghakbang, "hindi mo na kayang maglakad, 'di ba? Babalik din ako agad. Hahanap lang ako ng ahas, daga o kahit anong maaari nating ihawin."

Nasa malayo ma'y natanaw ko pa rin ang pamimilog ng mga mata nito, "hoy Luis! Hindi ako kumakain ng ahas o daga! Mas mamatamisin ko pang kumain na lang ng lupa kaysa ang kumain ng ahas o daga!"

"O 'di sige." Pasikreto akong natatawa.

"O 'di sige ano?"

Huminto ako upang muling lingunin ito, "o 'di sige. Kung ayaw mo ng ahas o daga, dadalhan na lang kita ng lupa. Dadamihan ko para naman mabusog ka!" Humalakhak ako.

Muling bumakas sa kanyang mukha ang pagka-inis sa akin. "Sige, magdala ka ng lupa para makapagtanim ako ng kamote riyan mismo sa bibig mo! Letse ka!"

Natatawa ako kaya tumalikod na ako upang maikubli iyon.  May naiisip na naman kasi akong bagong ideya upang mas manggigil sa inis sa akin si Senda.  Hindi na ako makapaghintay na mangyari ang nasasa isipan ko, kaya mas binilisan ko na ang aking paglalakad patungo sa kubo ng mag-asawang Aswang na maaari ko ring gawing kakuntsaba sa walang kasing itim, ngunit siguradong nakakaaliw kong binabalak.

[ITUTULOY]






My Guardian DevilTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon