KABANATA 24

3.9K 306 37
                                    

Senda's P.O.V.

Hindi ako natatakot mag-isa. Sanay ako na nag-iisa lang at namumuhay ng tahimik malayo sa mga tao. Nagugulat at natatakot man ako paminsan-minsa'y hindi naman ako talaga matatakutin. Sanay na akong makakita ng mga engkanto, palibhasa'y isa rin namang engkanto ang aking tunay na amang Lambana. Ang ayaw ko lamang talagang makita, o maramdaman man lang sa paligid-ligid ay ang mga Maligno at Aswang, dahil sa mga nilalang na 'yun lang talaga ako nakakaramdam ng pangingilabot at matinding takot.  Hindi lamang ito dahil sa mga hitsura nila, kundi sa naturalesa nilang manakit at pumatay, mapahayup man o tao.

Madilim na ang paligid. Lalong lumamig ang simoy ng hangin dahil sa pagtakas ng haring araw. Medyo basa pa rin ang suot kong asul na sayang yari sa mamahaling telang tersiyopelo (1). Hindi na ako nagkaroon ng pagkakataong magpalit sa luma kong saya,  dahil sa biglaang paghatak sa akin ng mga hinayupak na siyokoy kanina, sa pamamagitan lamang ng isang kumpas ni Luis. Bagaman nagtataka ako kung bakit tila takot na takot ang mga siyokoy na 'yun kay Luis, ay hindi na rin ako nagkaroon ng pagkakataong mag-isip pa dahil sa bilis ng mga pangyayari.

Sa tantya ko'y tatlong oras na rin ang nakalilipas ngunit wala pa rin si Luis. Kinakabahan man ako at nagugutom na'y mas nangingibabaw sa akin ang matinding ginaw sa bawat paglagpas ng malamig na hangin sa basa kong damit.  Wala akong masilungan bukod sa nakapangingilabot na sulok ng isa sa mga matatandang puno ng Banyan. Kaya naman kahit sa pakiramdam ko ba'y tila gumagalaw ang mga ugat at sanga nito'y ipinikit ko na lamang ang mga mata ko at pilit iwinaksi ang isipan ko kung saan ako naroroon.

Copyright ⓒ DyslexicParanoia (Angela Atienza), 2019, All rights reserved.

Ilang saglit pa'y hindi ko na namalayan ang aking pag-idlip. Hindi ko sigurado kung gaano katagal akong napahimbing, at hindi na rin ako nabigyan ng pagkakataon pang alamin, nang bigla akong naalimpungatan sa malakas na sigaw.  Boses ito ni Luis.

"'Wag! Waaaaag!" Anito. Nasundan ng napakalas na pahaw na tila ba may nararanasan itong napakasakit.

Agad akong tumayo at hinanap ang direksiyon kung saan nanggagaling ang kanyang tinig. Ngunit bago ko pa man maihakbang ang aking mga paa upang tunguhin iyon ay bigla na lamang sumulpot si Luis. Sumisiray muna ito patungo sa akin, bago ito tuluyang sumubsob sa lupa. Pilit itong gumapang na tila ba inaabot nito ang aking mga paa.  Kabilugan man ng buwa'y hindi naman naging sapat ang liwanag nito, upang makita ko ang duguang kabuuan ni Luis, kung hindi ko pa ito aaninagin nang mas mabuti sa malapitan.

"D*yos ko, Luis!" Bulalas ko, bago ako lumuhod upang maalalayan ito. "Ano bang nangyari sa 'yo?"

"A---" tila hirap na hirap na itong magsalita.

"A? Anong A?" tanong ko.

"M-may..." Anito. Bakas sa mukha nito ang matindint sakit na nararanasan.

"May ano?"

"M-may As..." may itinuturo ito sa bandang likuran ko.

"Ha?" Tanong ko.  "Anong may As--?" hindi ko pa nakukumpleto ang sasabihin ko nang may narinig akong pagaspas ng tila malalaking pakpak sa aking bandang likuran. Naging agaran ang naramdaman kong kaba. Ngunit sa kabila noo'y pinilit ko pa rin namang lingunin ang itinuturo niya.

Tumiyempo ang biglang pag-angil ng nakatatakot na nilalang na iyon sa paglingon ko rito.  Hindi ako nakapagsalita agad, sa halip, ay nanatiling dilat na dilat ang aking mga mata upang pagmasdan ang nakapanghihilakbot na hitsura ng nilalang.  Maitim at mabalahibo ang balat nito, may isang pares na maiitim na pakpak, namumula ang magkabilang mata, may matatalas na ngipin at mahabang dila na umaabot na sa kanyang mga tuhod. 
Makailang beses din itong umangil at umungol nang pagkalakas-lakas bago ako nakabalik sa aking huwisyo; at bago ko nairehistro sa utak ko kung nasaan ako at kung ano ang nasa harapan ko.

"A-Aswang..." bulong ko. Natutulala pa rin ako bagaman nag-uumpisa ng manginig ang mga tuhod ko.

"S-Senda..." halos makalimutan ko na si Luis. Muli ko itong nilingon. "T-tulungan mo ako..." gumagapang pa rin ito.

"P-pero...p-papa'no?" may halo na itong pagkataranta dahil mas lumalapit na sa amin ang Aswang. "D*yos ko po!" Nag-antanda muna ako, "tulungan NIYO po sana kami!" Hinawakan ko na ang magkabilang kamay ni Luis at pilit ko itong hinihila. Napakabigat nito kaya hindi ko ito kinaya. "Kaya mo pa bang tumayo?"mahina lamang ang pagkakasabi ko rito.

"H-hindi na Senda..." anito, "hindi ko na kayang tumayo. Hayaan mo na lamang ako rito. Tumakbo ka na at iligtas mo na ang sarili mo!"

"Ano?!" Pilit ko pa rin itong hinahatak, "hindi kita iiwan dito 'no! Kayanin mo Luis! Kailangan na nating makaalis."

Umiiling-iling ito, "iwanan mo na lang ako dito, umalis ka na!"

Matapos niyang sambitin iyon ay nagulat ako nang may sumulpot na isa pang Aswang na mas maliit nang kaunti sa nauna. Agad itong lumapit sa amin at nagbadyang dadakmain ako. Nabitawan ko ang mga kamay ni Luis sa labis na pagkagulat, ngunit mabilis din naman akong nakakita ng naputol na sanga ng puno. Abot kamay ko lamang ito kaya kinuha ko ito at agad na idinukwang sa mas maliit na Aswang.

"Sige, lumapit ka!"  Ito na ngayon ang napapaatras sa akin. "Kung ayaw mong isaksak ko 'to sa bunganga mo! Ano ha?!" Mabilis kong iwinasiwas ang sanga. Muli itong umatras. Medyo nagtataka man ako kung bakit tila natatakot na ang mga ito sa isang ordinaryong sanga ay salitan ko pa ring itinututuok ang dulo nito sa dalawa; na may halo pang malalakas na buwelo ng pagwasiwas.

"T-tama na 'yan Senda." Muling wika ni Luis, "wala tayong magagawa sa kanila. Iwanan mo na ako rito. Tumakbo ka na! Iligtas mo na ang sarili mo! Ahhhh." Kumilos ito na tila may kumirot sa bandang tiyan nito.

"Hindi sinabi kita iiwanan. Magkasama tayong aalis dit--"

Biglang may sumingit na maliit na tinig na pag-angil.  Maya-maya pa'y, may sumulpot na isa pang Aswang, ngunit ang taas nito ay maihahalintulad lamang sa isang limang taong gulang na bata.  Patungo na rin ito sa aming direksyon nang bigla itong hinatak ng pangalawang Aswang; binuhat nito ito at isinakay sa kaniyang kaliwang balakang.

"Mama," wika ng maliit sa Aswang na bumuhat sa kanya, "ano po ang nangyari sa Panginoong Lu--" hindi na naituloy ng batang Aswang ang sasabihin nito dahil tinakpan ito ng Aswang na may buhat sa kanya.

"Wag kang maingay..." mahinang bulong nito sa buhat nitong nakababatang nilalang.
Tinanggal nito ang kamay ng may buhat sa kanya, "pero bakit po?" tila wala itong pakialam sa suway.

"Basta!" Pabulong na singhal ng may buhat sa kanya.

"Panginoong Lu--" pupuslit na naman sana ng sasabihin ang batang nilalang, ngunit tinakpan na naman agad ng may buhat rito ang bibig nito. Ngunit, muli namang pinalis ng bata ang kamay ng may buhat sa kanya, upang muling magsalita.  Nakatingin ito sa nakasubsob na si Luis, "Panginoon, akala ko po ba susunduin mo lamang ang nobya mo para makapaglaro na tayo? Ano pong ginagawa niyo riyan sa lupa? Bakit po puro katas ng achuete ang mukha niyo?"

Nasundan iyon ng matinding katahimikan. 

Isa-isa ko namang tiningnan ng matatalim ang malaking Aswang--na nakapagtatakang tumigil na sa pag-angil, ang mas maliit na Aswang--na tila napipi na rin, at ang buhat-buhat nitong batang kamukha rin nila--na tila nakangiti pa sa akin.  

Hindi ko pa man naidadampi ang aking paningin kay Luis ay narinig ko na ang pamilyar na hagikhik nito.

Ang walanghiya!

Pinag-trip-pan na naman yata ako!

***

Footnote: 

(1) Tersiyopelo - Velvet in English.

[ITUTULOY]

My Guardian DevilTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon