CHAPTER 40

1.2M 42K 96.5K
                                    


CHAPTER 40

MAXWELL...

Magkakasunod na pumatak ang mga luha ko sa naghahalo-halong pakiramdam. Tuwa, saya, lungkot, kilig at pagsisisi. Napalingon ako sa balcony na animong matatanaw ko muli si Maxwell doon. Wala sa sarili akong humakbang papalabas ng balcony at muling tumingin kung saan ko siya nakita kaninang madaling araw.

Pero tanging mga turista ang paroo't parito, dumaraan, kagaya ng normal na mga araw. Wala doon si Maxwell...

Muli akong nagbaba ng tingin sa sulat at malungkot na napangiti nang muli iyong basahin. Hindi man iyon sulat kamay ni Maxwell, masaya ako na galing iyon sa kaniya.

Iyon pa lang ang ikalawang beses na binigyan niya ako ng bulaklak pero dahil hindi ko inaasahan, umaapaw ang saya ko.

"Pero..." tumulo ang luha ko nang muling basahin 'yon. "Bakit pakiramdam ko ay tanggap mo nang aalis ako? Paano mong natatanggap na magkakalayo ako? Paano mong nakakaya iyon, ngayon pa lang?"

Para akong baliw na umiyak nang umiyak hanggang sa mapahagulgol ako. Hindi ko matanggap. Ang mga tanong ko ay sinasagot din ng isip ko at ang paulit-ulit niyong sinasagot na handa si Maxwell na kalimutan ako.

Bakit ganito ang nararamdaman ko, Maxwell?

Hindi ako makapaniwalang ako ang nagdesisyong aalis. Ang lakas ng loob kong magdesisyon ng gano'n dahil sariling damdamin ko lang ang iniisip ko.

Nang marinig ko ang mga salita ni Tita Heurt, nang makita ko si Maxwell, nang mabasa ko ang simpleng letter na ito...nagbago ang lahat ng desisyon ko. Sa ganoong sitwasyon, tila gusto kong takbuhin ang ospital at puntahan siya. Gusto ko siyang makita, yakapin, halikan o kahit higit pa. Lahat gusto ko ulit gawin nang siya ang kasama. Kung mangyayari iyon ay makokontento na ako at hindi na maghahangad pa.

Nalilito kong binasa muli ang letter na iyon. Napaupo ako sa kama at doon muling nagpatuloy ng pag-iyak. May kung ano sa sulat na iyon na nagpapatunay sa 'king mahal pa rin niya ako. Na saan man ako naroon ay hindi magbabago ang pagmamahal niya. Iyon din ang nagtutulak sa akin na puntahan si Maxwell.

Ngunit nililito ako ng katotohanang pinahihiwatig niya rin doon na tanggap niya ang paglayo ko. Bukod sa nangingibabaw ang hiya kong harapin na lang siya basta dahil gusto ko. Hiya, hindi dahil tanggap ko nang nagkamali ako. Kundi hiya na hindi ko na naman maibigay ang space na hinihingi niya.

Nang magdesisyon akong kausapin si Heurt, ang nasa isip ko ay may masabihan lang. Hindi ko inaasahang ganito katindi ang magiging epekto ng mga salita niya. Na maging iyong mga pagkakamali at pagkukulang ko na siyang bumulag sa 'kin ay bigla kong nakita.

"Maxwell..." Nakaka-depress ang pakiramdam. Gustong-gusto ko talaga siyang puntahan. Pero baka makulitan na siya sa akin...

Nawala na lang bigla ang kagustuhang iyon nang maalala ko si Maxpein. Agad na gumapang ang takot ko at kaba nang maalala ang mga salita niya. Hindi iyon nagbabanta, sa halip ay nakikiusap, nagtitiwala.

Shit!

Nasapo ko na naman ang mukha ko at naihilamos sa mga palad ko. Hindi man niya madalas na sinabi sa 'king huwag sasaktan ang kapatid niya, sapat na ang ilang beses para matandaan ko ang mga iyon. Ganoon si Maxpein, minsan lang magsabi ngunit tumatatak. Pero nagawa ko pa ring kalimutan...

"I'm so sorry, Pein," wala sa sariling sabi ko.

Nabuhay pa lalo ang kaba sa dibdib ko, tumindi ang takot, nang kung ano-anong maisip ko. Nag-alala ako sa maaari niyang isipin sa 'kin. Hindi lang si Maxwell ang nasaktan ko kundi maging si Maxrill. Nag-aalala ako sa maaaring maging isip niya sa 'kin. Napayuko na naman ako at saka umiyak nang umiyak.

LOVE WITHOUT LIMITSTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon