CHAPTER FIVE

843K 31.7K 59.6K
                                    

CHAPTE FIVE

"NAPAPANSIN KONG napapadalas ang pagpupuyat mo," ani nanay isang Sabado na tinutulungan ko siyang magbunot ng damo sa bakuran.

Napapalunok ko siyang nilingon. "Hindi po ako makatulog, 'nay."

"Bakit?" nakangiti man ay hindi niya naitago ang pag-aalala. "May problema ba?"

Napatitig ako sa kaniya at napabuntong-hininga. Hindi ko naisip na posible niyang itanong 'yon. Sana ay iba na lang pala ang sinabi ko. Baka mag-alala pa siya.

Para hindi mahalata ay nagbaba ako ng tingin sa mga damong pinipilit kong bunutin hanggang sa ugat. Pero dahil bigla akong nanghina dahil sa tanong ni nanay ay iyong dahon lang niyon ang nabunot ko.

Hindi ko alam kung paanong magpapaliwanag. Hindi ko pwedeng sabihin ang nararamdaman ko tungkol kay Maxrill. Iyon ang pinakakomplikadong sitwasyon sa buhay ko ngayon. Ayaw ko ring magkwento tungkol sa paaralan dahil ayaw kong ipag-alala niya 'yon. Tama nang nakikita niyang matataas ang grades ko bukod sa nababalitaan niyang maganda ang academic performance ko.

"Dainty?" pagtawag ni nanay nang hindi ako makasagot. "Sabihin mo sa 'kin, may problema ka ba?"

"Ano...'nay," humugot ako ng hininga. "Kasi..."

"Ano?" rumehistro na ang pag-aalala sa mukha niya.

"Hindi pa po kasi ako handang magnobyo," iyon na ang pinakamagandang sagot na nahugot ko.

Totoo naman 'yon. Hindi pa ako handa sa ganoong bagay. Ni wala akong kaalam-alam sa pagkakagusto. Kay Maxrill ko lang unang naramdaman ang paghanga. Ni hindi ako sigurado kung katulad na 'yon nang kay Bree. Lalo na ngayon na nariyan si Rhumzell at napapahalagahan ko ang mga ginagawa niya.

Lahat ng pinapakita at pinararamdam ni Rhumzell ngayon ay bago sa 'kin. Bukod sa totoong ilang gabi na akong pinupuyat ng isipin tungkol sa kaniya.

Iyon nga lang, hindi lang si Rhumzell ang iniisip ko. Parati na ay lamang ang isipin ko tungkol kay Maxrill. Sa t'wing pag-iisipan kong sagutin si Rhumzell ay nakokonsensya ako. Hindi dahil iniisip kong nagtataksil ako kay Maxrill, wala namang kami. Wala naman siyang nalalaman sa nararamdaman ko. Nakokonsensya ako dahil alam kong hindi lubos ang nararamdaman ko para kay Rhumzell. Hindi ko kayang suklian ang nararamdaman niya.

Urong-sulong ang nararamdaman ko. Nariyan 'yong pipiliin ko si Rhumzell pero may maisip lang akong bago ay si Maxrill na naman ang pinipili ko. Hindi ko maintindihan kung bakit kailangang maramdaman ko 'yon. Hindi yata ako normal.

"Wala namang nagsabi sa 'yo na magnobyo ka," ani nanay. "Kung hindi ka handa, 'wag mong pilitin ang sarili mo." Sumeryoso siya. "Minamadali ka ba ni Rhumzell?"

Umiling ako nang umiling. "Hindi po, 'nay...ano, kasi po..." nakamot ko ang ulo, nangangapa na naman ng maidadahilan. "Sa t'wing...sinasabi po kasi niya sa 'kin ang kaniyang damdamin...'yon po parati ang sagot ko sa aking isip. Hindi pa po ako handa."

Iyon na ang kasinungalingan ko. Dahil nasisiguro kong kung si Maxrill ang nasa posisyon ni Rhumzell, iba ang mararamdaman ko. Kung si Maxrill ang nanliligaw sa 'kin, iba ang magiging sagot ko. Kung si Maxrill ang may gusto sa 'kin, baka handa na akong magkanobyo.

Nanlumo ako sa sariling isipin. Pakiramdam ko ay hindi ako patas at sobra akong makasarili. Hindi ko alam na ganito pala ang magkagusto sa iba at magustuhan ng iba pa. Akala ko kaya marami ang gustong magkaroon ng karelasyon ay dahil masaya 'yon. Nakakasakit lang naman pala ng ulo.

"Anak," bumuntong-hininga si nanay at lumapit. "Hindi naman dahil nililigawan ka ni Rhumzell ay kailangan mo na agad siyang sagutin. Kaya nga tinatawag na panliligaw. Nakapaloob sa panahong iyon ang paghahanda mong maging nobya niya. Nakapaloob doon ang kagustuhan mong sagutin siya o hindi. Kapag nagpahayag siya ng damdamin, hindi ibig sabihin niyon na minamadali ka na niya. Iyon ay panahon upang mas makilala ninyo ang isa't isa. Tutal naman, mga bata pa kayo."

LOVE WITHOUT BOUNDARIESTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon