KABANATA 28

1.8K 160 8
                                    

Senda's P.O.V.

Magkapero pala kami ni Luis. Walang nakagisnang ina. Pero mapalad pa rin ako kung tutuusin dahil wala namang umalila sa akin ng ganoong kalala. Napalayas man ako ni Ate Marietta nang mapangasawa niya ang Kuya ko ay malaki na ako noon at kaya ko na ang sarili ko. Pero para makaranas ng ganoon ang isang bata? Hindi saklaw ng aking imahinasyon ang uri ng kasamaan ng isang taong magmamalupit sa isang batang walang kalaban-laban. Siguro, 'yun ang dahilan kung bakit tila isip-bata itong si Luis. Saglit lang kasing nagiging bata ang isang tao, at kapag ito ang ipinagkait sa kanya, hindi na ito mababawi pa.

"Tatatlong piraso lang ang nilabhan mo, inabot ka na ng hatinggabi?" nakangising pang-aasar sa akin ni Luis habang naglalatag ako ng banig na aming hihigaan.

Inirapan ko ito, "eh sa nahirapan akong tanggalin 'yung mantsa sa polo mo noh! Medyo makapal din 'yang mukha mo ha? Wala ka namang naitulong sa akin ah! Eh samantalang ikaw naman ang may kasalanan kung bakit nagkaganon ang puting polo mo!" Padabog kong iniitsa ang isang unan sa ibabaw ng banig. "Dapat pala hinayaan ko na lang no? Para kapag isinuot mo bukas, magmukha kang nilapa ng Aswang." Habang ang ikalawang unan ay ibinato ko sa direksiyon ng mukha niya.

Humalakhak ito nang masambot nito ang unan na ibinato ko sa kanya, "at ikaw naman ang mapapagkamalang Aswang na lumapa sa akin." Nauna pa itong humilata sa banig na inilatag ko.

"Aba hoy, umusog ka nga ro'n sa may dingding!" Bahagya kong sinipa ang kanyang kaliwang hita upang umipod siya nang pakanan, "papaano tayo magkakasya rito kung sakop mo na lahat?"

Pero sa halip na pakanan ay sa kaliwa ito umipod, "diyan ka na sa may ding-ding, ayoko diyan masikip."

"Ah ganon? Ako naman ngayon ang masisikipan?"

"Ayos lang 'yan, payat ka naman eh." Humangikhik ito.

"Ayoko doon, dito na ako sa kaliwa!" Pilit ko itong pinagugulong sa kanan.

Nagmatigas ito, "ayoko nga." at ipinikit na nito ang kanyang mga mata.

"Hay Naku!" Nanggigigil at padabog ko siyang nilakdawan. "Nakakainis ka talaga!" Tinatampal-tampal ko ito habang pinagkakasya ko ang sarili ko sa higaan. "Ikaw na yata ang pinakanakakainis na taong nakilala ko! Buwisit!" Bulong ko.

Hindi na ito kumikibo.

Ganon? Tulog na siya agad?

Pero hindi ko napigilan ang sarili kong pisilin at panggigilan ang matangos na ilong nito.

"Aray ko naman!"

Ah, gising pa naman pala, o nagising lang?

"Masaket ba?"

Hindi ito nangsalita; muli lamang nitong ipinikit ang kanyang mga mata.

Kinalabit ko ito, "patayin mo na 'yung gasera!"

"Ikaw na!" Nakapikit pa rin ito at hindi kumikibo.

"Eh ikaw ang mas malapit eh, anong gusto mo, lumakdaw pa ulit ako sa 'yo?"

Hindi ito sumagot kaya nanggigigil man sa inis ay napilitan akong bumangon at lumakdaw sa kanya upang patayin ang gaserang nakalagay sa ibabaw ng lamesitang kawayan na isang dipa lamang naman ang layo sa kinahihigaan niya. Ngunit ng mapatay ko ang sindi ng gasera ay hindi ko inasahan na magiging napakadilim ng paligid na wala akong makita ni katiting na liwanag kahit nagmula man lang sa buwan.

Nag-aalinlangan man ako sa paghakbang sa pag-aalalang mayayapakan ko si Luis ay nilakasan ko na lang ang loob ko. Humakbang ako nang marahan at pilit na inaalala ko saan nakahiga si Luis upang matantiya ko kung nasaan siya naroroon. Ngunit kahit anong ingat ko ay...

"Aray!" Hiyaw nito.

Copyright ⓒ DyslexicParanoia (Angela Atienza), 2019, All rights reserved.

Napabuwal ako sa gulat at napaupo. Kinapa-kapa ko ang binagsakan ko at nang makapa ko ang kanyang tiyan ay napagtanto kong nakasakay na pala ako nang pagsaklang sa ibabaw niya.

Bigla itong humagikhik. "Ikaw Senda ha, pinagsasamantalahan mo ang kahinaan ko." Nagulat ako nang hinawakan niya ang aking baywang upang igulong ako sa ilalim niya. Napasigaw ako at nataranta. Akala ko ay kung anong seryosong bagay na ang gagawin niya sa akin nang bigla na naman itong humagikhik bago muling pumuwesto ng higa sa kaliwa ko. "Ah, Senda, Senda..." bulong niya. "Kunwari ka pa."

Saglit akong nablangko bago ko napagtanto kung ano ang nangyari. Sa labis na inis ko ay kinurot ko ito sa tagiliran. "Ang kapal mo ha! Kung alam ko lang na tiyan mo 'yon, eh di sana nilundagan ko na lang para hindi ka na sikatan ng araw bukas! Hmp!" Tumagilid ako sa kanan upang tumalikod sa kanya. "Puro ka kabuwisitan."

Nagulat ako nang tumagilid din ito nang pakanan at mas dumikit sa aking likuran. Akala ko'y kung ano na ang binabalak nito sa akin nang bigla kong naramdaman na kinukumutan lamang pala ako nito.

***

Kinaumagahan, nagpaalam na kami sa mag-anak na Aswang, upang muling bagtasin ang kagubatan. Habang naglalakad ay sinasaulo ko na sa utak ko ang plano kong pagpapasalamat ka Luis sa paglalagay niya ng kumot sa akin kagabi. Malayo-layo rin ang nalakad namin kung kaya matagal ko ring naiba-iba ang mga salitang plano kong sabihin. At nang handa na akong magsalita, ay siya namang paghawi niya ng huling sanga ng puno na humahadlang sa malawak na tanaw ng karagatan. Nasa itaas pala kami ng bangin, at sa di kalayuang pangpang ay natatanaw na ng aming mga mata ang isang Yate na nakaangkla sa batuhan.

Nakabungisngis na humarap sa akin si Luis, "aba! Akalain mong may Yate pala rito? Tingnan mo nga naman. Totoo pala ang milagro?"

Nang mapagtanto kong ang pagkakapadpad namin sa islang iyon ay kaparte rin pala ng kanyang mga hindi ko mawaring mga plano ay muli ko na namang naramdaman ang pagkulo ng dugo ko. "Naliligaw pala ha!" Hinataw ko muna ito bago ako sumigaw sa sobrang inis. "DIYOS ko!" Ibinuka ko ang aking mga kamay habang nakatingala ako sa langit. "Maaari po bang dalhin niyo na ang taong ito sa ibang planeta?" muli kong ibinaling ang tingin sa humahalakhak na si Luis, "anong itinatawa-tawa mo riyan?"

"Mas maganda ka kapag nagagalit. Ganyan ba talaga ang mga Manananggal?"

"Ah ganon? Teka lang..." Hinubad ko ang mga sapatos ko at halinhinang ibinato ko ang mga ito sa kanya. Lalo lamang naman itong humalakhak habang sinasalag ang mga ibinato ko.

***

Hindi naman ako bungangerang tao, pero nang dahil dito kay Luis, hindi ko mapigilan ang magmaktol nang paulit-ulit. Sinasadya ko ito, kahit hindi na ito sumasagot, at tila naririndi na sa akin, para naman hindi lang ako ang nakakaramdam ng inis. Nagsalita lang ako nang nagsalita na mas malapit pa minsan sa tenga niya hanggang sa makarating kami ng Yate, at hindi ako tumingil hanggat hindi nababakas sa mukha nito ang pagkairita sa akin.

"O, ano? Namamaos ka na?" matapos ang kalahating oras ng aming pagdaong. Malayo-layo na rin kami mula sa pampang. Sa kasamaang-palad, nakabungisngis pa rin ito, at mukhang ako pa yata ang nasilo ng sarili kong patibong. Masakit na nga ang lalamunan ko at medyo pumipiyok na ang ang boses ko. "Kung 'yan ang paraan mo para makaganti sa 'kin, nag-aaksaya ka lang nga pagod. Mag-isip ka na lang ng mas magandang plano. Kung gusto mo, tutulungan pa kita? Paano ka nga ba makakaganti sa 'kin, ha? Hmm."

Paano nga ba?

[ITUTULOY]

My Guardian DevilTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon