CHAPTER 13

688K 32.8K 67.8K
                                    


CHAPTER 13

"DUMATING NA si Maxrill." Hindi ko inaasahang ibubulong iyon sa 'kin ni nanay isang umaga na naghahanda kami ng agahan. Sandali akong natulala sa kaniya. Kung hindi lang dahil sa paglapit ni Nunna sa paanan ko ay baka hindi ko na naalis ang paningin ko kay nanay.

Naupo ako sa paanan at kinamot-kamot ang tenga ng alaga kong aso. "Gutom ka na, Nunna?" Kumahol iyon bilang tugon. Napangiti ako at muling kimaot ang kaniyang ulunan. Pero natulala na ulit ako ro'n kaiisip sa sinabi ni nanay.

Hindi ko maipaliwanag ang magkahalong kaba at tuwa sa dibdib ko. Nasa iisang bansa na kami ni Maxrill pero hindi ibig sabihin no'n na makikita ko na siya. Bakit kailangan kong makaramdam ng saya at kaba? Lalo na't sigurado naman akong hindi siya umuwi nang dahil sa 'kin.

"Paparoon sila sa Palawan matapos ang isanlinggo," kapagkuwa'y dagdag ni nanay.

Bumuntong-hininga ako saka siya nasundan ng tingin. May parte sa 'kin na tinatanong kung bakit kailangan pang sabihin sa 'kin ni nanay 'yon. Hindi lingid sa kaalaman niyang gusto ko nang kalimutan si Maxrill kahit pa ang hirap gawin no'n. Bukod sa unti-unti ko nang natanggap na magkaiba ang mundo naming dalawa.

Pero hindi ko maitatangging may parte sa 'kin na nananabik na makita uli siya. Ang totoo ay kung ano-ano na ngang eksena ang naglalaro sa isip ko oras na magkaharap kaming dalawa. May kung ano sa 'king umaasa na pareho ang pananabik naming dalawa. Nababaliw na ako para isiping gano'n 'yon, na magkakatotoo 'yon. Masyadong imposible.

Alam na kaya ni Bree na narito na si Maxrill?Napabuntong-hininga ako at sinulyapan ang aming kwarto. Nasisiguro kong matutuwa siya kapag nalaman na nakabalik na ang ultimate crush niya.

"Hala, oh, my God!" patiling lumabas ng kwarto si Bree nang yayain ito ni kuya na mag-agahan.

Lahat kami ay napalingon sa kaniya at halos kabahan nang makitang namuo ang luha sa kaniyang mga mata. Kung hindi lang dahil sa matamis na ngiti sa kaniyang labi ay baka nag-alala na kami.

"Niyaya akong lumabas ni Maxrill, 'nay! Payagan mo 'ko, 'tay! Iiyak ako kapag hindi mo 'ko pinayagan!" talagang napakalakas ng loob ni Bree.

"Talaga kang bata ka!" angil ni tatay. "Pinakakaba mo 'ko, e, maglalamyerda ka lang naman pala!"

"'Tay, date ang tawag do'n!" may diin ang ikalawang salitang sinabi ni Bree.

"'Sus, date-date, e, mayayaman lang ang pinapatos ng mga iyon! Itong nanay mo ngang may kaya, e, hindi napanindigan ni Maximor, ikaw pa kayang marunong lang kumanta? Magtigil ka, Bree!" asik ni tatay.

Nagbaba ako ng tingin. Ang umusbong na matinding inggit sa 'kin matapos ang inanunsyo ni Bree ay mabilis na napalitan ng matinding lungkot dahil sa sinabi ni tatay. Nasisiguro kong natanggap ko na 'yon matagal na. Pero bakit ngayong narinig ko uli mula sa kaniya ay nangibabaw na naman ang panghihinayang sa dibdib ko.

Dumaan ang mga araw nang hinihintay ko ang date nina Maxrill at Bree. Hindi ko kayang itanong sa kapatid ko kung kailan 'yon sa takot kong baka paghinalaan niya ako at pagtakhan ang interes ko. Kaya naman binabantayan ko na lang ang mga lakad niya, palihim na tinatanong kung saan ang kaniyang punta. Nang sa gano'n, malaman ko kung kailan talaga 'yon. Tutal naman ay nagsasabi siya nang totoo.

Pero dumaan ang buong linggo nang hindi nababanggit ni Bree ang tungkol sa kanilang date ni Maxrill. Hinihintay ko siyang magkwento habang nagmamaktol dahil hindi iyon natuloy. Pero dahil sa abala kaming pareho sa kani-kaniyang pag-aaral ay hindi namin nagawang pag-usapan. Kahit pa gabi-gabing laman ng isip ko 'yon.

LOVE WITHOUT BOUNDARIESTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon