Kabanata 3

41 5 0
                                    


"Saang bansa ka nagmula at bakit naiiba ang iyong pananamit? Nasaan ang iyong sedula?"

Hindi ko magawang maigalaw ang kahit anong parte sa aking katawan. Naistatwa ako sa kinatatayuan ko at wala akong alam sa dapat kong ikilos dahil wala rin akong alam sa nangyayari.

Pinakiramdaman ko ang paligid.

Nagkakagulo ang lahat dahil sa isang sunog na nagmumula sa hindi kalayuang bahay. Karamihan sa mga taong tumatakbo ay doon mismo nanggagaling. Napansin kong naiiba ang kasuotan nila kumpara sa'kin. Alam ko ang gano'ng klaseng pananamit at hindi ako makapaniwala sa mga nagaganap.

Kung nananaginip man ako, hindi ito magandang panaginip.

Umuulan ng mga bala at ang mga taong nagtatangkang manlaban sa mga may hawak na armas ay agad binabaril. Kung hindi ako nagkakamali ay sila ang mga guardia-civil na nagsisilbi sa pamahalaan noong panahon ng mga Kastila.

May mga pagsabog na maririnig sa paligid at nagkakagulo ang mga tao. May mga bitbit silang tampipi, bayong, at ilang mga gamit at kaniya-kaniya sila ng paraan kung paano makaiwas sa mga guardia-civil na ngayon ay tumutugis sa kanila.

Muli kong naramdaman ang lalaki sa likod ko na hanggang ngayon ay hindi ko pa rin sinasagot. Ipinikit ko na lang ang aking mata at tinanggap ang kapalaran. "Lord, dito na po ba talaga magtatapos ang buhay ko? wala na po bang second chance? final na talaga?" bulong ko ngunit mas lalong bumaon ang matalim na sandata sa leeg ko dahilan upang maramdaman ko ang kaunting katas ng dugo.

"Señorita Soledad!" agad nawala ang lalaki sa aking likuran na parang isang bula. Ngayon ko lang naramdaman ang hapdi sa aking leeg. May isang babaeng papalapit sa akin ngayon na tinatawag ako sa hindi ko pangalan. Nakasuot ito ng baro't saya ngunit may nakatapal pang tela sa harapan ng damit nito. Masusuri mong isa itong damit pang kasambahay sa isang mayamang pamilya. Kulot ang kaniyang buhok at medyo payat ang kaniyang pangangatawan. Kayumanggi ang balat nito ngunit mangingibabaw pa rin sa kaniya ang natural nitong kagandahan.

Lumapit ito sa akin at naghihikahos animo'y hinahabol ng kung sino. "Ayos lang ho ba kayo? Sino ang lalaking nagtangka sa inyong buhay?" sunod-sunod na tanong nito ngunit wala akong maisagot sa kaniya. Gulat itong napatingin sa aking leeg. "Dumudugo ang inyong leeg Señorita!" saad nito at nagmamadali ako nitong dinala sa isang magarbong kalesa mula sa tagong lugar.

Nalilito pa rin ako sa mga pangyayari at hindi ko pa rin makuha kung nananaginip ba ako dahil nakakaramdam ako ng hapdi sa aking leeg. Kung nananaginip man ako, wala dapat akong kahit anong maramdaman. Inabutan ako ng babae ng isang malinis na tela nang muli itong mapatingin sa leeg ko na ngayon ay hindi matigil sa pagdurugo

Bakit tinatawag niya akong Señorita?
Sinong Soledad ang sinasabi niya?

Ang daming tanong sa isip ko ngunit parang narinig ko na ang pamilyar na pangalang iyon. Hindi ko lamang matandaan kung saan. "Itapal mo muna ito sa iyong leeg Señorita upang mahinto ang pagdurugo," saad nito sa akin. Hindi naman ganoon katindi ang sugat dahil maliit na hiwa lamang ang natamo ko ngunit ang hapdi pa rin nito kahit papaano.

"Señorita?" nagtatakang tanong ko sa kaniya. Nakita ko rin ang pagtataka sa hitsura ng babae. "Dalawang taon ka lamang namalagi sa Cavite ngunit bakit tila naninibago ka?" natatawa nitong tanong at napailing. Nagsimula nang umandar ang kalesa.

Kung hindi ako nananaginip, anong nangyayari sa'kin? Don't tell me, — napailing na lang ako sa sariling ideya. Imposible namang magtime-travel ako dahil hindi naman 'yun totoo. Kung panaginip nga ito, dapat sinusulit ko na dahil baka mamaya ay gisingin na ako ni mama. Matagal ko na 'tong pinangarap kaya susulitin ko na bago ako magising mamayang umaga.

PahimakasTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon