Kabanata 5

22 4 2
                                    

Ilang minuto akong nakatitig sa larawang hawak ko ngayon. Humarap ako sa salamin at pabalik-balik ang tingin ko sa sarili at sa litratong nasa kamay ko. Halos walang pinagkaiba ang hitsura namin. Mula sa aming mga mata, sa ilong, sa bibig, at sa hugis ng aming mga mukha. Ang naiiba lamang ay ang kasuotan niyang baro't saya at ang hawak nitong abaniko. Muli akong nakaramdam ng kaba nang muli kong basahin ang pangalan sa likod. Soledad Villafuentes.

Dahan-dahan akong naglakad papalapit sa pinto upang silipin kung wala nang tao. Kinuha ko ang lampara sa gilid ng mesa at dahan-dahang lumabas ng kwarto nang hindi lumilikha ng anumang ingay.

Malalim na ang gabi at tulog na ang lahat ng mga kasambahay. Nagtungo ako sa hardin upang magpahangin at makapag-isip nang malalim. Muli nanaman akong napatitig sa picture frame na hawak ko at sa pangalan na nakaukit sa likod nito.

Nang makarating ako sa mundong ito ay Soledad na ang tawag nila sa akin. Mag-iisang linggo na akong naninirahan dito ngunit hindi ko pa rin alam kung sino ba talaga ako at kung ano bang ginagawa ko dito. Hindi ko alam kung paano ko mahahanap ang sagot kung bakit Soledad ang tawag nila sa akin at bakit kamukha ko ang nasa larawang ito.

Itinabi ko ang lampara sa lupa at naupo sa may duyan. Napahinga ako nang malalim at nagpalinga-linga sa paligid. Kung tutuusin, nangyayari na ngayon ang matagal ko nang pangarap. Ang makabalik sa sinaunang panahon at maranasan ang buhay ng mga tauhan sa mga nobelang nababasa ko. Ngunit bakit ang daming tanong na naiwan sa'kin nang makarating ako dito? Ang hinihiling ko lang naman ay simpleng pamumuhay sa saglit na panahon ngunit bakit isang Señorita ang pagkakakilanlan nila sa'kin? Bakit pakiramdam ko ay matagal na nila akong kilala?

Nagising ako nang makarinig ako ng tatlong katok mula sa kwarto. "Pababa na ako, Estela," sigaw ko habang nahihikab at muling nagtaklob ng kumot upang matulog ulit dahil anong oras na akong dinalaw ng antok kagabi. Bumukas pa rin ang pinto at akmang magrereklamo na sana ako kay Estela ngunit nakita ko si ina na may dalang almusal para sa akin.

Agad akong umayos ng upo at tinulungan siyang dalhin ang pagkain sa maliit na mesa sa tabi ng aking higaan. "Magandang umaga i-ina," saad ko sa kaniya at ginantihan niya lamang ako ng magandang niyang ngiti. Napakaaliwalas talaga ng hitsura niya at napakalayo ng kaniyang dating sa aking ama sa panahong ito.

Kung makikita mo ang aking ama na si Don Edgardo ay para itong isang kinakatakutang Don na dapat mong bigyan ng galang sa tuwing makakasalubong mo ito sa daan kung ayaw mong makatikim ng matalim niyang mga tingin. "Kanina pa kami nag-agahan at hindi ka na namin inabala pa dahil batid kong hindi ka na nakatulog nang maaga kagabi," saad niya at inabot na nito sa akin ang pagkain.

"Sorry po," saad ko sa kaniya at napatingin naman siya sa akin nang may pagtataka. "Ang ibig kong sabihin ay paumanhin po, may bumabagabag lamang po sa aking isipan dahilan upang hindi ako makatulog," paglilinaw ko kay ina at napatango naman ito sabay ayos ng buhok ko na hinawi niya papunta sa likod ng aking tainga. "Tila isinapuso mo na ang kakaibang wika sa Cavite. Ako'y natutuwa dahil sulit na sulit ang pagpapa-aral namin sa iyo sa loob ng beateryo," saad nito at ngumiti.

Tumango na lamang ako bilang pagtugon dahil hindi ko naman talaga alam ang nangyari. "Kumusta pala ang inyong Maestra?" tanong nito sa'kin dahilan upang muli akong makaramdam ng kaba dahil hindi ko nanaman alam kung anong dapat kong isagot. Uminom ako ng tsaa bago muling magsalita. "Mabuti po, mabait naman po ang aming Maestra," sagot ko sa kaniya.

Mabilis kong naubos ang pagkain at nakita ko ang pagkagulat sa mukha ni ina dahil ilang minuto ko lamang itong naubos. Hindi naman kasi ako nakakain nang maayos kagabi dahil kaharap ko ang pamilya ni Don Federal. "Tila malaki nga ang iyong pinagbago, Soledad," saad ni ina. Napangiti na lang ako ngunit bigla akong napaisip. Gusto kong malaman ang kuwento ni Soledad dahil wala naman akong kahit anong background information mula sa kaniya.

PahimakasTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon