Kabanata 7

24 5 0
                                    

Ilang beses akong napakurap habang nakatitig sa pangalan kung kanino galing ang liham na nasa kamay ko ngayon.

Nathaniel Buenaventura

Hindi ko alam kung anong dapat kong maramdaman nang mabasa ang pangalan na nakasulat sa sobre. Baka inireklamo na 'ko ni Nathaniel at bukas na bukas ay ipabilanggo ako nito sa Fort Santiago. Napapapikit na lang ako sa kaba at dahan-dahan nang binasa ang nakasulat sa liham.

"Magtungo ka sa palimbagan ng dyaryo nila Mang Kanor sa sandaling makarating sa iyo ang liham na ito. Nakasulat sa ibabang bahagi ang direksyon kung paano ka makararating."

Napatingin ako sa ibabang bahagi ng papel at nakita ang address papunta sa sinasabi niyang lugar. Nakaguhit ang daan simula sa amin hanggang sa tinutukoy niyang palimbagan na dapat kong patunguhan. Saglit akong napaisip nang muling mabasa kung sino ang nagmamay-ari sa palimbagan ng dyaryo. Kaya pala laging wala si Mang Kanor sa karinderya nila ni Aling Esteban dahil may iba itong pinagkakaabalahan. Siya ba ang may-ari ng palimbagan o siya lamang ang naatasang mamahala rito?

Agad akong tumayo at muling sumilip sa bintana. Tuluyan nang nawala ang araw at sumilip na ang crescent moon. Tumingin ako sa maliit na orasan at nakitang alas-syete na ng gabi. Marahil ay hindi na nila ako aabalahin pang mag-hapunan dahil sa gagawin ko. Kailangan kong tagpuin sa palimbagan si Nathaniel ngayong gabi dahil marami akong dapat malaman na tanging siya lamang ang makasasagot.

Kumuha ako ng dalawang unan at at ipinuwesto ito na parang isang taong nakahiga sa kama. Tinakpan ko ito ng kumot at agad nagtungo sa mesa at magsulat ng paalala sakaling puntahan nila ako dito mamayang hapunan. Idinahilan ko na masama pa ang aking pakiramdam at huwag na nila akong abalahing gisingin pa dahil wala pa akong ganang kumain.

Inilagay ko na ang sulat sa sahig sa tapat ng pintuan at kinuha ang belo sa gilid tsaka dahan-dahang tumakas sa bahay. Hawak ko ngayon ang papel kung saan nakaguhit ang daan patungo sa palimbagan nila Mang Kanor. Hindi na ako nag-abala pang sumakay sa kalesa dahil tiyak na haharangin lamang kami ng guardia-civil na rumuronda sa paligid.

Tahimik lamang ang daan sa ganitong oras dito sa panahon na 'to. Kung ikukumpara sa kasalukuyang lagay ng Maynila ay walang ingay ng mga sasakyan at walang liwanag ng mga traffic lights sa daan. Tanging gasera lamang ang paraan upang maaninag mo ang nilalakaran mo at tanging mga ingay lamang ng mga kuliglig ang maririnig sa paligid.

Medyo maputik ang daan dahil nabasa ito ng saglit na pag-ulan kanina na ngayon ay hamog na lamang. Hindi pa kasi uso ang semento sa panahon na 'to kaya't purong lupa lamang ang matatapakan mo.

Maya-maya pa ay nagulat ako nang makarinig ng ingay ng mga yabag ng paa kaya't agad akong nagtago sa isang sulok dito sa gilid ng panaderya. Nagsisimula na ngang rumonda ang mga guardia-civil at sinisigurado talaga nilang wala nang lalabas pa ng kanilang mga bahay. Wrong timing naman kasing makipagmeet-up 'tong si Nathaniel. Sabagay, kung sa araw naman kami mag-uusap ay tiyak na maraming makakakita at makakarinig sa amin. Mas mabilis pa nga pala sa flash report ang pagkalat ng mga isyu sa panahon na 'to.

Mahigit sampung minuto lamang akong naglakad at ilang sandali pa ay natatanaw ko na sa hindi kalayuan ang isang palimbagan. Wala nang katao-tao sa paligid at nakalayo na rin ang mga guardia-civil na rumoronda kanina. Dali-dali akong naglakad papunta sa palimbagan nang biglang may kamay na humatak sa braso ko sabay takip sa bibig ko.

"Huwag kang lilikha ng anumang ingay," bulong ng boses ng isang lalaki at ramdam na ramdam ko pa sa aking leeg ang paghinga nito. Hindi na ako nagdalawang-isip at agad na tinapakan nang malakas ang paa niya dahilan para mapabitiw siya sa akin at mamilipit sa sakit.

PahimakasTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon