Chapter 3.2 - Ayaw kalimutan ni Lola Nita

41 7 6
                                    

...MASAYA at payapa ang buhay namin noon sa Taytay. Kasal ako sa iyong Lolo Pepe at mayroon kaming tatlong dalaga: ang mga Tita Crisanta at Tita Crispin mo, pati si Corazon—ang iyong nanay.

Tahimik ang Lolo Pepe mo. Hindi siya emosyonal o maingay tulad ng mga bruskong lalaki. May sarili siyang paraan para ipakita ang pagmamahal niya. Lahat ng detalye at kaliit-liitang bagay tungkol sa aming mag-ina, alam na alam at kabisado niya. Marunong siya magluto, magsaka, gumawa at magdisenyo mula muwebles hanggang bahay. Talo pa niya ang mga manliligaw kong mahilig magsibak ng kahoy para gawing panggatong. Payatot man siya, angat ang katalinuhan niya kaya siya ang napili kong asawa.

Dumating ang malaking alon at tinangay ang ligaya sa aming tahanan nang mabili ang bakanteng lote sa tapat ng aming bahay. Si Miguel ang magiging bago naming kapit-bahay. Naghahanap siya ng arkitekto na magdidisenyo at gagawa ng bahay niya. Matapos niya magtanong-tanong, nalaman niya na talentadong arkitekto si Pepe at namamahala ng maliit na sash factory. Wala siyang sinayang na oras—kinontrata ni Miguel ang lolo mo na gawin ang bahay sa bakanteng lote.

Hindi naman mahirap ang disenyong gusto ni Miguel. Maliit lang ang bahay. Siya lang daw ang titira. Mayroon lang itong isang kubeta, isang kwarto, sala, kusina, at silid kainan. Madalas, muwebles lamang ang ginagawa ng asawa ko kaya hindi niya kailangan ng maraming karpintero. Para gawin ang bahay ni Miguel, humanap ng dagdag karpintero si Pepe na tutulong sa proyekto. Magaan at maayos ang konstruksyon na naganap.

Natapos ni Pepe ang bahay ni Miguel sa loob ng sampung buwan. Pinabinyagan ang bahay isang araw bago magdeklara ng batas militar si Ferdinand Marcos. Inimbitahan ni Miguel ang buong pamilya ni Pepe para sa binyagan, kasama din ang mga kapit-bahay. Simple lang ang handaan at sapat ang pagkain sa lahat—abot hanggang kalsada ang mga lamesa at upuan kung saan kumain ang mga bisita.

Kasama ko si Pepe at Miguel sa isang lamesa doon sa hardin ng bahay. Kaya nagkaroon kami ng pagkakataon na magkwentuhan. Hindi sensitibo si Miguel. Sa totoo lang, makwento siya at madaldal. Kapag may tinanong ka, sasagot siya kahit medyo personal. Nang mapuna ko na ganoon ang ugali niya, bigla akong nagtanong.

"Bakit sa edad mo, wala kang asawa?" tanong ko kay Miguel, "May itsura ka naman at may pinag-aralan. Bakit hindi pampamilya ang bahay na tinayo ni Pepe?"

Umangat ang isang sulok ng labi ni Miguel bago uminom ng serbesa. "Dati akong pari. Tumiwalag ako sa simbahan ilang dekada na ang nakakaraan."

Namilog ang mga mata ko. Walang reaksiyon si Pepe. Matagal nang alam ng asawa ko ang tungkol doon? Hindi nakakagulat na wala siyang sinabi sa akin. Pero... Ang kapit-bahay ko, tiwalag na pari! Nahirapan akong i-proseso ang kaisipan na 'yon.

"Bakit ka umalis ng simbahan?" tanong ko.

"Hindi iyan ang tamang tanong para maintindihan mo bakit ako umalis," sabi ni Miguel, "Ang tanungin mo, bakit ako pumasok sa semenaryo."

"Bakit ka pumasok sa loob ng semenaryo?"

"Mayaman ang mga magulang ko. Kaya nang mamatay sila, naiwan sa akin ang malaking halaga ng pera bata pa lang ako. Kahit anong gastos ang gawin ko, hindi mauubos ang perang namana ko sa kanila. Kung anu-ano ang binili ko pero mas lalong nadagdagan ang mga salapi dahil malakas ang negosyo kahit wala na ang mga magulang ko.

"Minsan, kapag hindi ka nagugutom at hindi mo kailangan magtrabaho, marami kang oras para mag-isip tungkol sa buhay. Ano bang silbi ko dito sa mundo? Bakit ako nabuhay? Nahumaling ako kakahanap sa mga sagot na 'yan. Hanggang sa natagpuan ko ang sarili sa mukha ng mga mahihirap. Bumibilis ang oras at tumitigil ang mundo kapag nag-oorganisa ako ng mga outreach program para sa mga katutubo, bahay-ampunan, babaeng biktima ng mga karahasan, at mga mahihirap sa lansangan. Iyon ang gusto ko gawin. Ang swerte kasi nakita ko na ang pakay ko sa mundo. Naisip ko, kung ito ang gusto ko gawin, baka bagay ako sa loob ng simbahan para mapagpatuloy ko ang magandang plano ng Diyos. Kaya ako naging pari.

Mga Abo sa AlexandriaTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon