Chapter 5.2 - Takot sila sa dilim

16 7 1
                                    

SA TUWING unang Linggo ng buwan, doon kami nagsisimba sa AFP Theatre, Camp Aguinaldo. Doon ginaganap ang The Feast. Ewan ko ba pero panay ang puri ni Mama at Papa kay Bo Sanchez. Siya daw ang nagtayo ng Light of Jesus na sinasalihan ng mga magulang ko.

Magkakaroon muna ng misa. Pagkatapos ng misa, uupo ang mga tao para pakinggan si Bo Sanchez na magsalita.

Pumasok kami sa lobby. At binalot kami kaagad ng lamig. Kahit si Ate Yna, nagreklamo. Ang lakas daw ng aircondition sa loob. Palagi kaming may dalang jacket.

Makinang ang puting sahig at haligi na marmol. Ang taas ng kisame, at naroon sa gitna ang magarbong chandelier na punung-puno ng kristal. Nakasabit ang naglalakihang painting sa mga pader. May isang painting na nagpapakita ng gubat—maraming mga puno at hayop na hindi ko mabilang sa sobrang dami. Naroon din ang painting ng mga Pilipino na may hawak na baril, at watawat na may letrang KKK—mukha silang sumisigaw at susugod sa kung saan.

Puno ng mga tao sa lobby. Ang iba, bumibili ng magazine at libro ng The Feast sa mga stand. Ang iba naman, nakikipag-usap kay...

"Ay! Ayun si Brother Bo," gagad ni Mama, "Tara kausapin natin."

Hatak si Ate Yna sa kaliwang kamay at hatak ako sa kanang kamay, pumunta kami malapit kay Bo Sanchez.

"Bakit kaya ang taas ng paghanga ng mga magulang mo sa lalaking 'yan?" tanong ni Leonardo.

"Hindi ko din alam. Kasi gwapo siya?"

"Hmmm..." Binasa ni Leonardo ang isip ng mga matatanda sa paligid namin. Maya-maya, biglang lumuwag ang kunot sa noo niya, senyales na may nalaman siyang importante.

"Ano? Anong iniisip nila? Hindi ko maintindihan si Brother Bo noon kasi nagsasalita siya sa Ingles. Ngayon, marunong na ako dahil sa 'yo."

"Hindi ko pwedeng sabihin sa 'yo kasi engot ka."

"Bawiin mo 'yan," ngumuso ako, "Hindi ako engot!"

"Good morning po, Brother Bo," bati ni Mama. Pinakilala niya kaming apat na magkakapatid sa kaniya. Ngumiti siya nang sobrang lawak at ginala ang tingin sa aming apat. Tapos tumingin siya sa akin.

"Hello! Hello! God bless you, little girl. So cute!" Kumaway siya at hinimas nang banayad ang bumbunan ko. "Thank you for coming, Bro and Sis."

Matapos nila mag-usap pumasok na kami sa loob ng teatro. Malamig din sa loob, napakalawak, at carpeted. Ang daming upuan, at halos napupuno na ng mga tao. Doon kami sa taas umupo.

Maya-maya, nagsimula ang misa. Full band ang kumakanta—tipong may gitara, vocalists, at drums. Mabibilis ang mga tinutugtog nila at masarap pakinggan.

Pero hindi ang mga ito ang dahilan kung bakit excited ako pumunta sa The Feast.

Sa kisame, naroon ang mga ilaw na dilaw, maliit, at bilugan. Pero hindi sila basta mga ilaw. Sila ay mga bituin na galing mismo sa kalawakan at piniling magtago dito sa loob ng teatro para bigyan ng ilaw ang sino man na papasok sa loob.

Tahimik at payapa silang kumukutitap. May tatlong babaeng bituin na magkakaibigan—si Selina, Sinta, at Solla. Hilig nilang sumayaw sa dilim. Pero sa kanilang tatlo, mas makinang ang ilaw ni Solla. Labis ang paghanga ni Selina at Sinta sa kaibigan nila. At kapag oras na ng uwian, humihiwalay si Solla dahil malayo ang bahay niya sa bahay ng dalawa.

Ayaw ni Solla na malayo ang bahay niya sa dalawang kaibigan. Dahil magkapit-bahay si Selina at Sinta, mas unang nagkakilala ang dalawa at saka lang dumating si Solla sa eksena. Ayaw niya kapag nagtatawanan ang dalawa tapos hindi siya kasama sa usapan. Kung tutuusin, si Sinta ang unang lumapit kay Solla para makipagkaibigan. Likas ang pagiging masayahin at mabait ni Sinta. At gusto siyang solohin ni Selina.

Lumipas ang mga araw at napatunayan ni Solla na tama ang suspetsa niya. Inaagaw ni Selina si Sinta.

Mas kaya kong bigyan ng malakas na liwanag sa dilim si Sinta, sabi ni Solla, akala ba niya matatalo ako?

Lumala ang tensyon at umabot sa sukdulan. Hinamon ni Solla sa isang duwelo ng sayaw si Selina. Kung sino ang kikinang nang husto, siya ang panalo. Sinubukan ni Sinta na pigilan ang duwelo. Kasi dapat lang silang sumayaw kung masaya sila at hindi para makipagtalo. Hindi nakinig ang dalawa kay Sinta.

Asar si Selina sa kayabangan ni Solla. Walang katotohanan ang bintang ng bruhang bituin kasi tinuturing din niya na kaibigan si Solla. Pero ayaw siya nitong paniwalaan kahit anong paliwanag niya. Desidido siyang manalo para ipatunayan na parehas niyang mahal si Solla at Sinta.

Lahat ng bituin sa teatro, narinig ang mangyayaring laban at nagdesisyon silang manood.

Unang sumayaw si Selina. Huminga siya nang malalim at nilakasan ang kaniyang liwanag. Sumayaw siya nang sumayaw sa dilim hanggang sa nahigitan niya ang karaniwang liwanag ni Solla.

Gigil na gigil si Solla habang nanonood. Ayaw niyang magpatalo kasi wala siyang kaibigan. Pinagbawalan siya ng kaniyang lola na lumabas ng bahay kasi baka daw manakaw ng halimaw ang kaniyang liwanag. Ligtas sa loob ng bahay at doon lang daw siya. Nang mamatay ang kaniyang lola, saka lang nakalabas ng bahay si Solla at nagkaroon ng kaibigan. Kaya mahalaga si Sinta para sa kaniya.

Desido si Solla na higitan ang liwanag ni Selina. Habang sumasayaw siya sa dilim, tumibay ang pagnanasa niyang manalo—sobra-sobra na nahigop ni Solla ang ilaw ng mga karatig bituin at—

Teka lang. Biglang kumati ang puwit ko.

"Tapos? Tapos?" uwang ang bibig ni Leonardo at lumutang siya sa harap ko, "Anong ginawa ni Solla?"

"Ay, nakikinig ka pala sa imagination ko?"

"Ano nga ang nangyari?"

Nahigop ni Solla ang liwanag ng lahat ng bituin at siya na ang pinaka maliwanag sa loob ng teatro. Tumingin siya sa paligid para ipakita kay Selina na siya ang panalo at dapat na maging kaibigan ni Sinta.

Lumingon siya nang lumingon. Tumingin kung saan-saan. Sadyang napaka liwanag ba niya at hindi niya makita ang ibang bituin? Nasaan si Sinta? Nasaan si Selina? Nasaan ang madla?

Tinawag niya ang mga pangalan nila. Pero walang sumagot.

At habang-buhay niyang hindi matatanggap na siya na lang ang nag-iisang bituin na kumikinang sa kisame ng teatro.

"Naku..." natulala si Leonardo, "Bakit gano'n ang nangyari?"

"Bakit? Di ko rin naman ginusto ang nangyari sa kanila. Binulong lang sa akin ni Solla ang nangyari sa kaniya noon."

"Ayaw siyang palabasin ng bahay kasi pinoprotektahan siya. Ang hindi alam ng lola niya, apo niya ang totoong pahamak sa ibang mga ilaw."

Oo nga, 'no? Ngayon ko lang naisip ang punto ni Leonardo.

Kumakanta ng Glory to God ang banda. Nakatayo ang lahat ng tao maliban sa akin. Tumingala ako kay Mama at napansin ko. Kuminang ang luha sa pisngi niya matapos nilang pumatak.

Bakit umiiyak ang Mama ko?

Tumayo ako at hinatak nang mahina ang itim niyang slacks. Yumuko siya at tumingin sa akin. Ngumiti si Mama at binuhat ako.

"Mama," pinalis ko luha niya sa pisngi, "Ba't ka umiiyak? Sino umaway sa 'yo?" Lalong tumulo ang luha ni Mama at ginamit ko ang sariling daliri para punasan ang bawat patak.

Niyakap ako ni Mama at sinandal ang mukha ko sa balikat niya. Hindi siya sumagot.

Niyakap ko siya nang mahigpit. Ewan ko kung sinong umaway sa kaniya at bakit siya umiiyak? Hindi ko alam pero alam ni Leonardo—palagi niyang alam ang sagot sa lahat ng tanong.

Sinong umaway sa Mama ko? Aawayin ko din.

Lumutang si Leonardo sa amin. Tinitigan niya ako at walang sinabi. Maya-maya, bumuntong hininga siya at hinalikan si Mama at ako, saka niya kami niyakap. "Lulu, natatakot sa dilim ang Mama at Papa mo."

Takot ang mga magulang ko sa dilim? Tulad ni Leonardo noon? Paano nangyari 'yon? Kayang-kaya nila matulog sa kwarto nang walang ilaw.

Hmmm... Ipakita ko kaya sa kanila kung anong nasa loob ng shoe box ko?

"Hindi sila matutulungan ng shoe box mo," sabi ni Leonardo sabay ngiti, "Basta, Lulu. Yumakap ka lang nang mahigpit. Iyon lang, sapat na."

Mga Abo sa AlexandriaTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon