Chapter 7.2 - Mga halimaw sa loob ng banga

11 6 0
                                    

SA BAHAY, mayroon kaming malaking banga noon. Sabi ni Mama, galing daw 'yon sa Palawan. Bigay sa kanila ng isang kliyente na doon lumaki at pinanganak pero nakatira na ngayon sa Maynila. Kasing kulay nito ang putik. Malaki ang bunganga nito, at may takip. Sa takip nito, mayroong dalawang tao na nakasakay sa bangka. Ang tao na nasa likod, nagsasagwan. Ang tao sa harap, payapa na naka-upo at krus ang mga kamay sa dibdib. Nakalagay ang banga sa sala, katabi ng bookshelves—sampung hakbang ko mula sa TV.

Sabi ni Kuya AC, ang banga daw sa bahay ay replika ng isang banga na natagpuan sa kweba ng Palawan. Pero mas malaki ang banga na nasa bahay—kasing laki ko. Totoong nilalagay ng mga ninuno ang kalansay ng yumao sa loob ng banga bago pa daw ipanganak si Papa Jesus. Ganoon na daw katanda ang banga na nakita sa kweba.

Imposibleng hindi ko makita ang banga. Sa tuwing manonood ako ng TV sa sala, mapapatingin ako dito. Isang araw, ako lang ang mag-isa sa sala noong umaga, may narinig akong kaluskos sa loob ng banga. Mga kalmot. Mga katok.

Takbo ako kay Lola Nita. Sabi ko sa kaniya, may kalansay sa loob ng banga at gustong lumabas. Pinunasan niya ang mga kamay na amoy sabon panlaba. Sumunod ako sa likod niya at sabay namin tinignan ang banga.

Walang kalansay sa loob, sabi ni Lola Nita, ayan ang resulta kakanood mo ng horror sa TV. Wag daw ako makulit at gabundok pa ang lalabhan niya nang pakamay. 'Pag hindi ako tumigil, hahampasin niya 'ko nang palo-palo sa puwit.

Aba, ayaw maniwala sa akin. Pag-alis niya, may narinig na naman akong kalmot at katok sa banga.

Saan ba ako matatakot? Sa banga o sa palo-palo ni Lola Nita? Delikadong mundo...

Pag-uwi ko ng bahay galing school, nakita ko si Kuya Deng at Ate Yna sa sala, nanonood ng TV. Tinawag ko sila at sinabing totoo na may kalansay sa banga at gustong lumabas.

Lumapit kaming tatlo at hinawakan ni Kuya Deng ang takip, saka niya binuksan. Nilapag niya ang takip sa sahig, at dumungaw silang dalawa sa banga.

Naglakihan ng mga mata nila pareho.

Totoo daw! May kalansay sa loob!

Patingin, sabi ko, patingin!

Binuhat ako ni Kuya Deng. Dudungaw sana ako pero umangat ako at dahan-dahang binaba ni kuya sa loob ng banga. Ang lawak ng ngiti nila pareho ng ate. Hawak ni Ate Yna ang takip at dumilim sa loob nang tuluyan niyang ilapat ang takip.

Ah!

Sinuntok-suntok ko ang takip pero ayaw matanggal. Kumatok ako nang kumatok, at halos mangilo ako nang kalmutin ko ang banga.

Ayoko dito sa loob, sigaw ko, palabasin niyo 'ko.

Amoy bulok. Langhap ko ang alikabok. Sa sobrang dilim, hindi ko makita ang sarili kong braso, kamay, daliri, tuhod, paa, hita, at tiyan.

Maya-maya, kumawala ang liwanag matapos bumukas ng takip. Pinalis ko ang mga luha sa mga mata para makakita ako nang maayos. Si Lola Nita ang nagbukas. Kunut-noo dumungaw siya sa loob ng banga.

Lola Nita, iyak ko, palabasin mo 'ko.

Sa tabi ni lola, may dumungaw na batang babae. Maputi, mataba ang mga pisngi, dilat pero tsinita ang mga mata, may balat sa noo... Umuwang ang bibig ko kasi ako ang batang dumungaw.

Walang kalansay sa loob, sabi ni Lola Nita, ayan ang resulta kakanood mo ng horror sa TV. Wag mo 'kong kulitin at gabundok ang labahin ko. Isa pang kulit mo, hahatawin kita ng palo-palo sa puwit.

Sinakop na naman ng dilim ang loob ng banga matapos ilapat ni Lola Nita ang takip.

Dama ko ang sariling yumanig. Tumingin ako sa bawat sulok ng dilim at sana hindi ko naisip na may kasama ako dito sa loob. Ayoko lumingon. Ayoko tumingin pero may kasama ako at nasa likod sila—palapit nang palapit, tahimik ang mga galaw. Anong gagawin nila? Hahawakan ba nila ako? Hahatawin? Kukurutin? Kakalmutin? Hahaplusin? Pero wala pa silang ginawa. At habang humihinga ako, naroon ang posibilidad na bigla silang gumalaw saka ako saktan. Ayoko lumingon. Ayoko tumingin.

Mga Abo sa AlexandriaTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon