Chapter 9 - Direksyon ng compass

12 6 0
                                    

BUMALIKTAD ang bahay pagkagising ko ngayong Sabado. Ako lang ba o dumami ang puting buhok ni Mama at mas lalong kumulot ang buhok ni Papa? Hating-gabi pa lang sila ganito. Nakatulog kaya sila? Ang dami nilang tinawagan mula gabi hanggang umaga. Maya't-maya ang tunog ng beepers ng mga magulang ko.

"Manong? Gising na po ba ang anak niyong si June?" tanong ni Mama sa telepono. Banat ang mahabang wire ng telepono kasi lumakad siya para kunin ang phonebook at Yellow Pages Directory. "Ako po ang mother ni AC Angbango. Classmate po siya ng anak niyo. Tanong ko lang po kung pumunta siya kagabi sa inyo?" Bumagsak ang mga balikat ni Mama. "Ay, hindi po ba? O, sige po. Maraming salamat." Saka niya binaba ang phone.

"Ito pa ang classmate ni AC," may tinurong pangalan at numero si Papa sa Yellow Pages Directory.

Tinignan ni Mama ang number at tinipa sa telepono.

"Kumain ka na, Lulu," udyok ni Leonardo, "Gutom na ako."

Sumandal ako sa upuan at tinignan lang ang plato ko. Wala akong ganang kumain. Tulala si Kuya Deng sa tabi ko. May muta pa siya sa mga mata. Mahaba ang nguso ni Ate Yna at hinihiwa lang niya ang patatas ng corned beef pero hindi naman talaga kumakain.

Sumasakit ang tiyan at lalamunan ko. Nanlalamig ang paa at daliri ko. Para akong masusuka.

Hindi siya umuwi kagabi. Nasaan kaya si Kuya AC? Malay naming lahat? Pero si Leonardo, alam niya—palagi niyang alam. Kaya lumingon ako sa kaniya.

Hindi niya ko tinitignan sa mga mata. Huminga siya nang malamin at bumuntong hininga. "Ewan ko," sabi niya, "Hindi ko alam kung nasaan ang kapatid mo."

"Sinungaling. Alam mo kung nasaan siya, Leonardo."

Sabay na tumingin sa akin ang dalawa kong kapatid, mga kunut-noo.

"Fine," bulalas niya, "Alam ko kung nasaan ang Kuya AC mo. Pero sa totoo lang, ayoko na maki-alam. Naalala ko ang nangyari sa banga. Wala sa dugo ko ang tumulong sa problema ninyong mga tao."

"Leonardo! Sabihin mo ang totoo."

"Ugh! Bakit ba hindi ka nakikinig sa mga sinasabi ko? Alam ko kung nasaan ang kuya mo. Ayaw niyang magpahanap. Kaya ayokong sabihin kung nasaan siya. Kailangan niya mag-isip, Lulu. Kung ano man ang problema niya, Kuya AC mo lang ang pwedeng magresolba nito."

Bakit ba kasi ayaw nilang lumipat ng bahay? Balita ko may hagdanan daw ang apartment na lilipatan namin. Exciting! Araw-araw akong aakyat at bababa. Ayaw ba nila kuya at ate ng bahay na may hagdan? Bakit sila malungkot?

"Kuya Deng? Bakit ayaw niyo lumipat ng bahay?"

Sumimangot si Kuya Deng. "Kumain ka na nga lang, Lulu! Wala nang tanong. Ang dami mong putak."

Inirapan ako ni Ate Yna.

Tumayo ako at pumunta sa kwarto ko. Hahanapin ko si Kuya AC. Siya na lang ang tatanungin ko. Hinubad ko ang pajama at nagpalit ng maong shorts at pulang shirt. Lumabas ako ng kwarto at napadaan sa kwarto ni Kuya Deng at Kuya AC. Tumingin muna ako sa paligid at maingat na pumasok sa loob. Boy scouts pareho ang mga kuya ko at marunong sila gumamit ng compass. Naiinis pa din ako na hindi sa akin binigay ni Kuya AC ang compass niya. Pinasa niya 'to kay Kuya Deng. Pumunta ako sa drawer at kinuha ko ang compass. Kailangan ko 'to para hanapin ang kapatid ko.

Abala ang mga magulang ko at wala si Lola Nita. Madali akong pumuslit sa pinto palabas. Tinago ni Lola Nita ang tsinelas ko panlabas matapos ko maglaro kahapon at bago siya pumuntang Taytay. Ewan ko kung nasaan 'yon ngayon. Kaya ginamit ko muna ang tsinelas ni Ate Yna. Malaki ng konti sa 'kin pero pwede na. Tahimik kong binuksan ang gate, lumabas ako, saka ko ulit 'to sinara.

Mga Abo sa AlexandriaTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon