Chapter 10.2 - Kagat sa puso

35 7 0
                                    

SAKAY kaming tatlo sa likod ng L300. Lumiko si Papa at dumaan sa Marcos Highway. Ang luwag ng kalsada. Doon sa loob umupo si Ate Yna dahil turn na niya. Kaya ako nandito sa likod kasama si Kuya Deng at Kuya AC. Binabantayan ni Kuya AC ang mga gamit dito sa likod, tulad ng ginagawa niya araw-araw, pinipigilan niyang bumagsak ang lahat at masira. Sakop ng gamit halos lahat ng spasyo. Siksikan tuloy kaming tatlo sa tabi ng pintuan.

Maingay ang pamilya ko pag-alis ng bahay kanina. Para silang turumpo na ikot nang ikot, sinisiguro na walang importanteng gamit na maiiwan sa dating bahay.

Dating bahay. Oo. Hindi na 'yon ang bahay namin.

Madaming iniwan na upuan, lamesa, sofa, kabinet, at kung anu-ano pa. Kalahati ng dati naming bahay ang spasyo ng apartment na lilipatan namin. Talagang hindi madadala ang lahat.

Dumagdag din sa ingay sa loob ng bahay ang sugat na natamo ko matapos akong itulak ni Harmon. Seryoso ang hiwa sa braso ko, pati din ang libro ni Ate Yna na binaboy ni Tanya. Halos mahimatay si Mama matapos makita ang mga mantsa ng sarili kong dugo sa puting uniporme. Malakas siguro ang sampal at suntok ko kasi isang tingin ko lang sa buong klase, tumestigo halos lahat ng bata na isa at kalahating school year na ako biktima ni Harmon at Tanya. Mga magulang pa ng dalawang bully ang humingi ng dispensa sa akin at sa mga magulang ko. May tatlong buwan pa bago matapos ang school year. Kung may natira pa akong galit sa dalawa kong bully, pinakawalan ko na 'yon sa dalawang sampal at suntok. Wala nang galit sa katawan ko.

Lilipat na ako sa school ni Ate Yna.

Niyakap ng mga daliri ko ang palapulsuhan kung saan ko suot ang punseras noon. Dama ng mga daliri ang sarili kong pulso. Pati ang bracelet na binigay ni Lolo Pepe, hindi ko madadala sa apartment—ganoon din ang balat ko sa noo na kinuha ni Leonardo. Para akong bungal na hinahanap-hanap ang natanggal niyang mga ngipin.

Dumaan kami sa stop light. Umilaw ang pulang sign. Kaya tigil si Papa.

Walang mataas na building dito sa Marcos Highway kaya natanaw ko ang asul at malawak na langit. Tinulak ng mga hangin ang mga ulap na walang kasing puro at puti. Saang ulap kaya siya naroon?

"Kuya AC?"

"Bakit, Lulu?"

"Ano ang pinaka mataas na bundok sa planeta?"

"Mount Everest. Doon siya sa pagitan ng Nepal at China. Bakit?"

"Gusto ko pumunta doon."

"Mataas do'n. Tsaka sobrang lamig. Bakit mo gustong umakyat doon?"

"Aakyat ako doon para makasakay ako sa ulap."

"Ha? Sasakay ka kamo sa ulap?" hindi makapaniwalang tanong ni Kuya AC.

"Bakit hindi? Pwede ko naman hawakan ang ulap, di ba? Kung pwede sila hawakan, pwede din silang sakyan. Sa mga ulap nakatira si Lolo Pepe at Leonardo. Susundan ko sila kaya aakyat ako sa Mount Everest."

"Hahaha!" tumawa si Kuya Deng, "Ano ka ba, Lulu! Tangeks, hindi ganoon 'yon."

Bumigat ang dibdib ko. Tumingin ako sa dalawang kuya.

"Lulu," sabi ni Kuya AC, "Kapag ang tubig kumulo, nagiging usok siya na aakyat sa langit at magiging ulap. Kapag bumigat ang ulap, babagsak naman siya dito sa lupa bilang ulan. Kapag natuyo ang patak ng ulan, aakyat siya ulit bilang usok at magiging ulap, saka babagsak ulit dito sa lupa."

"For short, ang mga ulap ay gas na umaakyat at bumabagsak." Dagdag ni Kuya Deng, "Hindi nahahawakan o pwedeng sakyan ang mga ulap. Iyon ang totoo, Lulu."

"Pero sabi ni Leonardo, may siyudad sa langit. Doon siya luma—" Pinutol ni Kuya Deng ang sasabihin ko.

"Big girl ka na, di ba?" tanong niya, "Walang imaginary friend ang mga big girl, Lulu. Wala."

Ngumiti si Kuya AC nang malungkot. "Hayaan mo, Lu. Sa bago nating titirhan, makipaglaro ka sa mga batang nandoon. Magkakaroon ka din ng kaibigan. Kaya wag mo nang isipin si Leonardo. Ang guardian angels, umaalis kapag matanda na ang alaga nila. Babantayan ka na lang niya mula sa malayo."

Ilang araw ko na siyang hindi nakikita. Walang picture. Walang painting. Wala akong drawing ng itsura niya. Dahan-dahan, para siyang buhangin na dumudulas sa mga daliri ko. Malilimutan ko din.

Tumingin ulit ako sa mga ulap.

Ako ay may lobo. Lumipad sa langit. Di ko na nakita... Wala na pala.

Mga Abo sa AlexandriaTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon