Kabanata LXIV

11.6K 729 1K
                                    

ELIANA'S POV

NANGINGINIG at natatakot ako sa hindi malamang dahilan. Kung dahil ba ito sa lamig ng hangin o ng tubig o dahil sa katotohanang kamuntik na akong malunod kanina kung hindi lamang ako iniligtas ni Eryx.

Oo na, tanggap ko na, iniligtas niya ako sa pagkakataong ito at kahit naiinis ako na ang katulad niya ang nagligtas sa akin ay wala akong magawa kundi ang dumantay sa balikat niya para ibsan ang panginginig at takot na nararamdaman ko.

Makapal na sa makapal ang mukha ko pero wala naman itong malisya para sa akin. Makailang beses na rin naman kaming naglapit ng ganito at pilit ko na rin naman inaalis ang pagkailang ko doon. Kaysa naman makita niya akong nangangatog at halos paiyak na ay minabuti ko na lamang ang ibaon ang mukha ko sa balikat niya at yumakap dahil pakiramdam ko kapag bumitaw ako o di kaya ay nalayo sa kanya ay baka malunod na naman ako sa dagat.

Tangina talaga. Gustong gusto ko na magmura o di kaya'y manapak dahil sa bigat at halo-halong emosyon na nararamdaman ko. Nandito ang galit, takot, pangamba, at selos na hindi ko na ata alam kung anong uunahin kong maramdaman dahil lahat ng ito ay nangibabaw sa akin.

Kahit hindi ako nakatingin ay nararamdaman kong kalmado na ang dagat at hindi na ganoon kalakas ang hangin. Tahimik lamang din si Eryx habang nakaalalay siya sa bewang ko at marahang lumalangoy tungo sa kung saang lupalop ng dagat na ito.

Hindi ko naman halos maiangat ang mukha ko dahil aaminin ko, kumportable ako at naiibsan ang pangangatog ko dahil alam kong may nahahawakan at nadadantayan ako.

"Prinsesa Eliana..."

Saka lamang ako nag-angat ng tingin ng malamyos na tawagin ni Eryx ang pangalan ko.

Unang bumungad sa akin ang basa at makinis niyang mukha na nakalingon sa gawi ko. Sunod kong tiningnan ang mga mata niyang kulay berde na mahinahon at kalmado lamang na nakatingin sa akin.

Ngayon ko lang ata nakita ang mga mata niya na ganyan kakalmado at sa hindi malamang dahilan nakakaramdam din ako ng ginhawa dito.

"Ayos na ang lahat. Ligtas ka na." Paunang bungad niya habang nananatili pa rin akong nakatingin ng diretso sa kanya.

Hindi naman ako nakapagsalita maging kumurap o kumibo sa mga salitang sinabi niya. Pero sapat na ang mga sinabi niya para tuluyang kumalma ang sistema ko at tumigil na rin ang aking panginginig.

Wala sa sarili na napatango-tango na lamang ako habang tulala at sisinghot-singhot pa rin. Masakit pa ang lalamunan at loob ng ilong ko dahil sa tubig alat na pumasok dito.

Nauna siyang umiwas ng tingin sa akin at nilingon ang kung ano sa likuran ko. Ganoon din naman ang ginawa ko at doon ko lamang napansin na mayroon na palang bangka dito lulan ang isang bangkero.

"Iaangat kita." Kaswal na pahayag niya pa. Hindi naman na ako tumugon dahil bahagya na rin akong humiwalay sa kanya at inabot ang dulo ng bangka.

Marahan niyang hinawakan ang bewang ko at hinintay ko na lamang siya bumwelo bago ko rin tuluyang inangat ang sarili ko. Agad din naman akong naupo sa isang tabi at niyakap ang aking magkabilang braso. Pagod pa rin ang sistema ko at para bang wala na ako sa wisyo na dumilat at magkaroon ng malay para sa araw na ito.

Inangat na rin ni Eryx ang sarili niya at sa kalamnan ba naman na kumakaway sa mga braso niya ay hindi na ako nagtaka na walang kahirap-hirap siyang nakaakyat sa bangka kahit walang tulong ng bangkero. Hindi naman na ako kumibo at nagsalita. Tahimik lamang ako na nakamasid sa malayo habang pabalik kami parehas sa pangpang.

Nararamdaman ko ang titig niya sa akin pero hindi ko na siya magawang lingunin dahil malalim na rin ang iniisip ko ng kung anu-anong bagay at isa na roon ang nararamdaman ko para kay Zephyr sa mga oras na ito.

Reincarnated as the Seventh Princess (Book 2/3) (COMPLETED)Tahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon