Chapter Six

280K 10.1K 8.3K
                                    


"Bakit ba ganyan ang boses mo? Ano ba'ng nangyayari sa 'yo?"

Napabuntonghininga ako at napahilamos sa mukha ko. Tinawagan ko si Wrena dahil kailangan ko ng kausap, pero hindi ko naman puwedeng sabihin sa kaniya ang problema ko.

"H-hindi ko na alam, Wrena. Hindi ko alam kung ano 'tong pinasok ko," nauutal na sabi ko saka napapikit nang mariin.

Nandito ako sa sala ngayon. Wala akong balak matulog sa kuwarto ni Mayor ngayon. Natatakot pa rin ako, ramdam na ramdam ko pa rin ang mga kamay niya sa leeg ko na para bang sinasakal niya pa rin ako.

Nasasakal ako sa lugar na 'to. Natatakot na ako. Wala akong kakampi rito kahit isa, kahit si Arkia na akala ko ay isang inosenteng anghel.

"Mahirap ba ang maging secretary ni Mayor? Mag-resign ka na lang at bumalik dito, tatanggapin ka naman uli ni Tita Celina," sabi ni Wrena sa kabilang linya. Napabuntonghininga ako.

Gusto kong gawin 'yon. Kung gano'n lang sana kadali, aalis agad ako rito at babalik kina Tita Celina o kaya naman doon sa Masbate, pero alam kong hindi basta-basta si Mayor Arken. Hindi niya ako hahayaang makawala nang hindi ako pinapatay.

"Huy, ano na ang nangyari sa 'yo? Bakit tahimik ka riyan? Kinakabahan na ako, ha. Sabihin mo nga sa 'kin kung nasaan ka nang mapuntahan na kita. Nag-aalala na ako."

Natigilan ako nang biglang dumating si Mayor. Hindi na ako nagpaalam kay Wrena at agad nang binaba ang tawag. Napalunok ako at napaiwas ng tingin kay Mayor.

Muli akong tumingin sa kaniya, nakasuot na siya ng sando at boxer na pantulog niya. Nagtungo siya sa kusina, siguro iinom siya ng tubig.

Muli akong napaiwas ng tingin nang makabalik din agad siya galing sa kusina. Ang lakas ng kabog ng dibdib ko, nanginginig din ang mga kamay at tuhod ko. Takot na takot na ako sa kaniya ngayon.

"What are you still doing here?" malamig na tanong niya.

Napalunok ako at napatingin sa kaniya. Lalo akong kinabahan nang mapatingin ako sa mga mata niya. Kalmado na ang mga 'yon pero naaalala ko pa rin kung paano niya ako tingnan kanina habang sinasakal niya ako. Para bang gusto na niya akong patayin kanina.

"M-Mayor, papasok din po ako mamaya. D-dito lang muna po ako."

Hindi na siya sumagot at umalis na rin kaagad. Pakiramdam ko ay nakahinga ako nang maluwag nang mawala na siya sa paningin ko. Napakagat ako sa ibabang labi ko at napayakap sa mga tuhod ko. Hindi ko na alam kung paano ako kikilos sa bahay na 'to. Natatakot ako sa kalalabasan ng bawat galaw ko. Nakasalalay ang buhay ko at buhay ng mga taong importante sa 'kin sa mga kilos ko.

Kahit takot na takot pa ako, pinilit kong lakasan ang loob ko na tumayo saka pumunta sa silid ni Mayor. Para akong bibitayin sa sobrang bigat ng mga hakbang ko.

Napalunok ako at napatitig sa pinto ng silid ni Mayor Arken. Kahit ang hawakan ang doorknob, kinakabahan akong gawin.

Huminga ako nang malalim saka dahan-dahang binuksan iyon at nakatungong pumasok sa loob. Agad akong dumeretso sa couch at umupo ro'n. Ang bigat ng paghinga ko, parang may nakadagan sa dibdib ko na hindi ko maipaliwanag.

Pasimple akong napatingin kay Mayor. Hindi ako nito binalingan ng tingin at nakatutok lang sa laptop niya.

Napasinghap naman ako nang mapatingin siya sa 'kin. Agad akong nag-iwas ng tingin at napatungo, hindi ko na alam kung paano ako kikilos.

Huminga ako nang malalim at tumayo upang kumuha ng damit pantulog ko. Nanginginig ang mga tuhod na nagtungo ako sa banyo. Napapitlag ako nang sabay kaming mapahawak ni Mayor sa doorknob ng banyo. Agad akong napaatras palayo sa kaniya.

Call Me Mayor (SERIE FEROCI 1)Tahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon