Vol. 8 Code Seventy Two: "To the End of Days"

209 16 18
                                        

Code Seventy Two: "To the End of Days"

*****

Wala akong ibang gustong gawin ngayon kundi ang bawiin ang Decipher mula kay Anshel...

Tama.

"...at gagawin ko iyon kahit buhay ko pa ang maging kapalit."

Malakas ang loob ni Grau na gawin ang dapat niyang gawin noong mga oras na iyon. Desidido siya na gisingin ang binatang si Fillan na kasalukuyang kontrolado ng dating anghel at ngayo'y panginoon ng impyerno na si Anshel sa kabila ng kaniyang alanganin na situwasyon. Ni hindi nga niya ininda ang pagbaon ng kaniyang mga daliri sa kaniyang mga palad na dulot ng matinding pagtitimpi. Marahil ay dala narin ng halu-halong sakit na dinaraing ngayon ng kaniyang lamog na katawan ang kawalan niya ng pakiramdam sa mga maliit na bagay. Pero sa ngayon, sa isang bagay lang nakatutok ang lahat ng kaniyang atensyon at walang puwang ang anumang sakit o 'di kaya'y matinding galit para mawala siya sa konsentrasyon.

"Masyado ka namang ma-drama." Umarko ang mapang-asar na ngiti sa mga labi ni Faust at nagwika, "Para namang hahayaan kitang magpakabayani ng ganun-ganon na lang?"

"Alam ko." Nakangisi ring sagot ni Grau sa kasama niyang sinner. "Kaya nga tutulungan mo ako, 'di ba?"

"Heh..." Ganadong inilabas ni Faust ang kaniyang mga patalim sa ere at naghanda sa napipintong pakikipaglaban. "May pagpipilian ba ako? Syempre, wala."

"Kung gano'n, ano pang hinihintay natin." At ipinorma na ni Grau ang kaniyang sarili para sa pagsugod. "Gisingin na natin siya...bago pa mahuli ang lahat!"

At kasunod lamang ng maikling hudyat na iyon ay ang mabilis at sabay na pagsugod nina Grau at Faust sa kanilang kalaban. Kapwa lumabas sa kanilang mga likuran ang kani-kanilang mga pakpak, at pagkatapos ay sabay nilang pinakawalan ang kanilang mga kapangyarihan para patamaan ang noo'y kalmado ngunit mapanganib na si Fillan.

"Nag-aaksaya lamang kayo ng oras."

Tulad ng inaasahan ay parang langaw lang na itinaboy ng binata ang pag-atake na ginawa nina Grau at Faust. Kasunod ng pagkontra niya sa mga pag-atake ay ang pagpapakawala naman niya ng malakas na puwersa mula sa kaniyang kanang kamay na parang mga patalim. Nagawa nitong hiwain ang mga naglalakihang bato sa paligid at nag-iwan ng malalaki at mahahabang marka sa palibot ng mga bundok.

Mabuti na lang at nagawang protektahan nina Grau at Faust ang kanilang mga sarili sa pamamagitan ng kani-kanilang mga espesyal na pananggalang. Prinotektahan si Faust ng kaniyang 'di mabilang sa dami na mga patalim, habang sinalag naman ng banal na baluti ni Grau ang mapaminsalang puwersa ng kalaban na muntikan nang lumapat sa kaniyang balat.

"Masyado siyang malakas!" Ang sabi ni Faust sa kasama niyang anghel habang naghahanda ito sa isa pang pagsugod. "Partida, hindi pa 'yan ang sampung pursyento ng lakas niya!"

"Alam ko." Sagot ni Grau matapos niyang alisin ang pananggalang niya't muling paghandaan ang susunod nilang pagsugod. "Kaya nga kailangan natin ng mas magandang plano."

"Hinihingi mo ba ang opinyon ko?" Nakangising sagot ni Faust, halatang nangaasar, bagay na ikinapikon naman ng bahagya ng dating tagapag-ingat na si Grau.

"Mas magandang pakinggan ang 'kooperasyon' kaysa sa 'opinyon', sinner."

"Sus! Pareho lang 'yon!"

Inalis ni Faust ang kaniyang pananggalang na patalim at pagkatapos ay saka niya inilabas ang isa sa kaniyang mga alas. Tinanggal niya ang bandana na nakatali sa kaniyang noo para ihayag ang kaniyang marka, at pagkatapos ay saka nagsilabas ang mga bilog na simbulo sa kaniyang paanan para magpakawala ng puwersang magpapalakas sa kaniya.

Code ChasersWhere stories live. Discover now