CHAPTER 24

768K 35.5K 90.2K
                                    

CHAPTER 24

"KUMUSTA ANG lakad ninyo ni Maxrill Won?" Hindi ko inaasahang susundan ako ni nanay upang tanungin nang ganoon.

"Ayos naman po, 'nay." Nag-iwas ako ng tingin bago sinagot 'yon.

Tumango-tango siya, seryoso, saka siya ngumiti. "Sige, maligo ka na muna."

"Opo, 'nay."

"'Wag ka nang magtagal para makapaghapunan na tayo."

"Opo."

Nasundan ko ng tingin si nanay nang lumabas mula sa aming kwarto. Gano'n na lang ang kaba ko nang tuluyan niyang isara ang pinto. Napasulyap ako sa sarili mula sa salamin at saka lumaylay ang mga balikat.

Nahulaan kaya ni nanay ang ginawa namin? Napalunok ako sa isiping 'yon. Hindi imposible 'yon. Ano kaya ang iniisip niya sa amin?

Pakiramdam ko ay iyon na ang pinakamatinding kasalanang nagawa ko. Natatandaan ko pa ang kwento ni Bree kung paanong nahulaan ni nanay noon na nagloloko sa pag-aaral si Kuya Kev at nababarkada sa masamang grupo.

Kami ay walang nahahalata. Parati pa nga kaming hanga kay Kuya Kev noon sapagkat hindi siya lumiliban sa klase. Maaga siya kung umalis upang pumasok at umuuwi sa oras. Ang sabi ni Bree ay narinig niya nang kausapin ni nanay si kuya, bagaman hindi lahat ay naintindihan niya dahil sa murang edad. Pero nang panahon umanong iyon ang unang pagkakataon na makita niya si nanay na kagalitan si kuya. Umiyak daw si kuya dahil kahit hindi siya nagsabi ay nahulaan ni nanay ang kaniyang mga kalokohan.

Napabuntong-hininga ako. Kalokohan na nga siguro ang ginawa namin ni Maxrill Won. Sapagkat wala naman kaming relasyon para gawin iyon. Hindi sapat na dahilan ang tamang mga edad namin para doon. Mas tama ang magkaroon ng parehong pagkakaintindihan kaysa ganitong hinuhulaan ko kung ano ang maitatawag doon. Kaysa ganito na hindi ko mabigyan ng dahilan kung bakit niya ginawa iyon. Kaysa ganito na kahit alam kong may iba siyang gusto...pumayag ako.

Bago pa lumalim ang aking iniisip ay dali-dali na akong kumuha ng gamit at naligo. Hindi ako nagtagal sapagkat alam kong mas mabilis kumilos si Maxrill Won kaysa sa akin. Tuloy ay tinuyo ko lang ng twalya ang buhok ko nang matapos at lumabas na ako.

Naunang dumapo ang paningin ko kina nanay, Kuya Maxwell at Maxrill Won na noon ay naroon sa kitchen island. Parang bata na minamadali ni Maxrill Won si Aling Wilma na ipagtimpla siya ng tsaa.

Nakaupo ang magkapatid sa magkatabi ring high chair at nakatalikod sa gawi ko. Habang si nanay ay nakatayo sa kabilang gawi niyon at natatanaw ang pinagmulan ko.

Kahit anong lakas ng mga boses nila, wala akong naiintindihan sa halos magkakasabay nilang sinasabi. Nangunot ang noo ko nang marinig si nanay na magsalita gamit ang ibang lenggwahe nang ganoon man kahinahon ay ramdam ang awtoridad. Si Kuya Maxwell na bagaman tumatawa kasabay nang pagsasalita ay halatang may pinagsasabihan. Panay naman ang buntong-hininga ni Maxrill Won, halata ring nagdadahilan. Tama nga ba ang pagkakaintindi ko gayong ang kanilang tono lang ang aking pinagbasihan? Wala akong naintindihan ni isa sa kanilang mga sinabi. Paanong natuto si nanay sa ganoong salita nina Maxrill Won at Kuya Maxwell? Ano nga bang lenggwahe iyon?

Doon siguro iyon sa bansang Empery na tinutukoy ni Maxrill Won. Saan naman kaya 'yon? Ngayon ko lang narinig ang bansang 'yon.

Natinag lang ako nang sabay akong lingunin nina Kuya Maxwell at Maxrill Won. Sabay na sabay at nasa parehong posisyon, nakatuon ang isang siko sa kitchen island, at bahagyang nakalingon sa akin.

Pakiramdam ko ay pinamulahan ako ng pisngi. Paano nangyaring nagpapaligsahan sa itsura ang dalawang ito? Bagaman halatang mas matanda si Kuya Maxwell ay hindi siya pahuhuli. Iyon nga lang, talagang iba ang dating ni Maxrill. Siya iyong tipong hindi na kailangang titigan para makita ang kagwapuhan. Kahit yata hindi ko siya deretsong tingnan ay masisiguro kong gwapo siya.

LOVE WITHOUT BOUNDARIESTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon