Namuhay ako ng payapa at tahimik sa isla buong buhay ko. Tinanggap kong hanggang doon na lang ako at hindi na naghahangad pang makalaya at magkaroon ng buhay na pinapangarap. Kaya naman nang magtama ang mga mata namin sa unang pagkakataon, hindi ko inasahan na siya ang gugulo sa tahimik kong mundo. Hindi ko ipinagdasal ang isang katulad niya. Pero habang tumatagal, napagtatanto ko na siya pala ang hiling ko sa May Kapal. Ang rumaragasang alon ng dagat at huni ng mga ibon ang tanging gusto kong marinig habang nabubuhay ako. Hindi ang nakabibinging tunog ng putok ng baril. Mga batang naglalaro sa dalampasigan at naghahabulan ang siyang nais kong makita sa bawat araw. Hindi ang mga dugong gumagapang mula sa katawan ng mga tao. Gusto kong itanong sa sarili ko... siya pa rin ba ang nais ko makasama hanggang sa huling hininga ko?