Alamat ng mga Bituin

161 6 0
                                    

Sa isang lugar na puno ng mga bundok at mga puno ay may isang kubo. Doon ay makikita mo ang isang ina, isang ama at ang kanilang isang anak na lalaki. Sa loob ng tahanan ay makikita mo ang payak nilang pamumuhay. Isang maliit na lamesa, isang kahoy na upuan at banig na kanilang hinihigaan sa kagabihan.


"Tay, ito na po ang lampara. Mag-ingat po kayo sa daan." Pagpapaalam ng anak sa kaniyang ama bago ito tuluyang umalis at lamunin ng madilim na daan. 


Pagkaalis ng ama ng tahanan ay pumunta ang mag-ina sa bintana upang pagmasdan ang mga bituin sa madilim na kalangitan. "Inay, bakit hiwa-hiwalay ang mga bituin sa kalangitan? Hindi ba maaaring iisa na lamang sila gaya ng buwan upang sa ganun ay magkaroon ng kaliwanagan ang ating bayan?" pagtatanong ng anak sa kaniya ina. 


Tinignan siya ng kaniyang ina at hinaplos-haplos ang kaniyang buhok. "Alam mo ba na noon ay hindi makakahiwalay ang mga bituin sa kalangitan?" pahayag ng ina sa kaniyang anak. 


"Talaga po?" manghang tanong ng anak. Tumango ang kaniya ina bago ito magsalitang muli. 


"Gusto mo bang malaman kung ano ang alamat ng mga bituin?" masayang tanong ng ina, tumango-tango ang kaniyang anak na may pananabik.


Nagsimula ang kwento noong unang panahon, lubhang malayo sa kasalukuyang panahon. 


Sa tuwing sasapit ang gabi'y makikita sa kalangitan ang napakaliwanag at bilugang buwan. Lubhang malaki ito kung ikukumpara sa kasalukuyang buwan. Dahil sa liwanag na taglay nito ay hindi na kailangan ng mga tao ng ibang uri ng ilaw upang gabayan sila sa pagsapit ng dilim. 


Payak at payapa ang pamumuhay noon. Tuwing umaga'y may liwanag na gumagabay sa kanila at sa pagsapit ng dilim ay mayroon pa rin silang liwanag na maaasahan. 


Ngunit dumating ang isang trahedya. Pagsapit ng gabi noon ay nakita nila na nagkahiwa-hiwalay sa pira-piraso ang malaking buwan. Nagulat at natakot ang mga tao sa naging kaganapan. Ang iba'y natuliro at 'di malaman kung ano ang kanilang gagawin. Nabagabag ang kanilang mga damdamin. Ang kanilang mga trabaho sa gabi ay hindi na nila magawa gaya ng dati. Nahirapan sila at nagreklamo. 


Matapos ang ilang gabi na nanatiling ganoon ang kalagayan ng langit ay nagpasya ang mga tao na pumaroon sa pinamataas na bundok. Nang makarating sila roon ay tinawag nila si Buwan. "Aming gabay at liwanag na Buwan, ano ang nangyari sa iyo at sa nakakasilaw na liwanag mo?" daing ng mga tao kay Buwan. 


"Ito ay dahil sa kalamidad na nangyayari ngayon sa kalangitan. Ang pagkakaisa ng maliwanag na buwan ay tuluyan nang nasira. Ang dati ninyong kilalang buwan na nagbabayanihan at nagtutulungan upang kayo'y bigyang liwanag ay tuluyan ng nawarak. Sinira ito ng paghihinala, pagdududa at pagkawalang tiwala. Lumaganap ang isang sakit sa amin na naging bunga ng pag-aaway at pagkakahiwalay," paliwanag ni Buwan. 


"Ngunit kailan matatapos ito?" tanong ng isa sa mga libo-libong tao na naroon. 


"Hindi na kailan man. Ang puso ng mga butihing liwanag na ito ay napuno na ng lason. At mananatiling ganito—magkakalayo ng ilang metro kung wala ang pagkakaisa sa kanilang puso." Makahulugang litanya ni Buwan. 


Simula noon ay hindi na muling bumalik ang isang malaki at maliwanag na buwan. Naging madilim ang paligid kaya't napuno ng takot ang mga tao. Ang ila'y kinukubli ang sarili sa tahanan sa tuwing sasapit ang gabi. Ang ilan naman ay humaharap na may tapang upang makaraos at maigapang ang bayan.


"Mayroon pa po bang pag-asa na maging iisa muli ang buwan?" tanong ng anak matapos magkwento ng kaniyang ina. 


"Oo naman anak. Pagnatapos na ang sakuna at nabuksang muli ang puso ng mga bituin upang magkaisa ay masisilayang muli natin ang maliwanag na buwan na gagabay sa ating ginagawang paglalakbay." Tumango ang anak at ngumiti sa kaniyang ina. 


"Ngayon ay gawin mo na ang iyong takdang aralin," utos ng ina na agad namang sinunod ng anak. Binuksan nito ang maliit na lampara sa kanilang maliit na lamesa at ginawa ang kaniyang takdang aralin. Habang ginagawa niya ito ay sumalat siya sa isang papel. 


"Nais ko nang magkaisa ang mga bituin upang maalis na ang aking pangamba sa tuwing aalis si Itay papuntang trabaho at upang magkaroon na rin ng liwanag sa tuwing gagawa ako ng aralin ko."

Alamat Ng Mga BituinWhere stories live. Discover now